top of page

Sino ang magbibigay ng tagumpay sa 2016?

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Dahil dito, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masasamang pita… inayawan na ng kanilang mga kababaihan ang natural na ugnayan o pakikipagtalik, at nahumaling na sila sa kapwa babae. Ganoon din ang mga kalalakihan; inayawan na nila ang natural na ugnayan, at sa kapwa lalaki na sila nahuhumaling…” (Roma 1:26, Bibliya).

-ooo-

SINO ANG MAGBIBIGAY NG TAGUMPAY AT KARANGYAAN SA 2016? Paano ba tayo makakapaghalal ng mga taong tunay na magdadala sa bansa ng katagumpayan at karangyaan sa 2016? Sa aking tingin, magagawa natin ito kung sasanayin natin ang sambayanan upang piliin nila yun lamang mga kandidatong may takot at pag-ibig sa Diyos, at pinananahanan ng Espiritu ng Diyos.

Habang ang mga Pilipino sa 2016 ay di boboto sa mga may takot at pag-ibig sa Diyos at sa mga pinananahanan ng Espiritu ng Diyos, magpapatuloy ang ating bansa sa kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng bagay. Magpapatuloy tayo sa mga sumpa ng Diyos, kasama na ang sumpa ng mga dayuhang namamayagpag sa negosyo, pulitika, at maging sa lipunan.

Kaya, ang tanong: papaano ba natin hihimukin ang ating mga kababayan na tingnan ang espirituwalidad o kabanalan ng mga kandidato sa 2016? Papaano ba natin sasabihan ang mga gutom at mga ignoranteng botante na pumili ng mga may takot at pag-ibig sa Diyos gayon sila mismo ay walang takot at pag-ibig sa Diyos?

-ooo-

PAGKILOS UPANG SIRAIN ANG KAWALAN NG KAALAMAN: Sa hanay nating mga Kristiyano, alam natin ang himutok ng Diyos na isinatinig ng isa Niyang propeta, na napapariwara ang Kanyang bayan dahil sa kawalan ng karunungan. Alam din natin na ang mga tao ay di na naniniwala sapagkat di na sila nakakarinig. At di sila nakakarinig dahil walang mga guro o mga nagpapahayag ng Kanyang Salita.

Tila nga nasa isang vicious cycle o masamang circulo tayo sa ngayon: napapariwa ang mga tao dahil sa kawalan ng kaalaman. Wala silang kaalaman kasi wala silang pananampalataya, na nag-uugat naman sa kawalan ng nagtuturo, kaya di sila nakakapakinig. Walang nagtuturo sapagkat di na itinuturing ng tao na mahalaga ang magbigay ng kaalaman o karunungan.

Ganundin, di na mahalaga sa marami ang magbigay-kaalaman kasi di na nga din sila naniniwala. At dahil di na sila naniniwala, nawala na sa kanila ang kaaalaman at karunungan, daan upang sila ay mapariwara, etsetera. Hanggang di natin tinatapos ang vicious cycle na ito ng kawalan ng pananampalataya, walang paraan upang magkaroon tayo ng mga mabubuti at matuwid na pinuno, at di tayo uunlad kailanman.

-ooo-

PAGBABAGONG DAPAT IPAGLABAN: Ang hamon, kung ganon, ay maumpisahan ang pagpapa-ala-ala sa sambayanan ng dalawang bagay kung nais nating magtagumpay, di lamang sa pagkakaroon ng mabubuting pinuno kundi sa araw-araw nating buhay. Ang una dito ay ang muling pakikinig sa Diyos, at pag-alam sa Kanyang mga utos. Ang pangalawa ay ang pagsunod sa mga utos na ito.

Magagawa natin ito sa pamamagitan ng puspusang pag-aaral ng Bibliya at mga prayer sessions. Dapat itong gawing regular ng mga pamahalaang lokal, at kailangang isulong din ito ng mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, minsan sa umaga bago ang mga gawain, at minsan sa hapon, bago mag-uwian ang mga empleyado.

Nauna na ang Korte Suprema sa ganitong gawain, sa utos nito sa mga hukom sa buong bansa na magsagawa ng isang ecumenical prayer bago magdaos ang mga ito ng paglilitis sa mga hukuman, kahit na yung mga nasa Mindanao, umaga at hapon. Kung gagawin natin ito, ang mga Pilipino ay matututong mag-isip, kumilos at magsalita ayon sa Salita ng Diyos. Ito ang pagbabagong dapat ipaglaban!

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page