top of page

Iboboto ko si Neri sa Senado

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay ibibigay sa ibang mga bansa, at mamumuti ang inyong mga mata sa paghihintay sa kanila subalit wala kayong magagawa upang sila ay tulungan sa sandali ng kagipitan…” (Deuteronomio 28:32, Bibliya).

-ooo-

IBOBOTO KO SI NERI SA SENADO: Sasama at sasama ako sa mga pagkilos upang isulong ang pagtakbo ni House of Representatives Makabayan block Congressman Neri Colmenares sa Senado. Kung ihahambing kasi siya sa ibang mga nagnanais maging senador mula sa Kamara, at sa mga nakaupo na ngayong mga senado, matindi na ang ipinaglingkod ni Neri sa sambayanan.

Di maitatatwa, nakapag-akda na siya ng maraming mahahalagang mga batas sa mga panahong nasa Kongreso siya, kasabay ng kanyang mga pagkilos upang gabayan ang Kamara de Representantes sa mga kapasyahan nitong may kinalaman sa kagalingang pambayan. Ganundin, lagi din siyang nanguna sa mga kasong may kinalaman sa interest ng publiko sa iba’t ibang hukuman, upang pigilan ang mga masasamang polisiya ng gobyeno.

Sigurado akong itong si Neri ay lalo pang mamamayagpag sa paglilingkod ng totoo kung magiging senador siya sa 2016, at lagpas pa doon. Aking ipapanalangin di lamang ang mahusay na kapalaran kundi ang pagpapala ng Diyos kay Neri, na nakasama kong kumilos noong 2007 bilang kasapi sana ng Kongreso, kung di lang naudlot ng ibang plano ng Diyos sa akin.

-ooo-

KAMATAYAN AT KAPINSALAAN SA ULAN, BAHA AT HANGIN: Paulit-ulit ko ng naisulat noon ang ukol sa ulan, baha, at hangin na magbibigay ng kamatayan at kapinsalaan sa bansa, gaya ng naranasan na naman natin sa bagyong Egay at Falcon at habagat. Sa lahat ng mga naisulat kong ito, lagi ko ng ibinababala na mas marami pang kamatayan at kapinsalaan mula sa ganitong mga kalamidad ang darating sa atin.

At ito ay di dahil sa regular na pagpapalit lamang ng panahon sa Pilipinas. Sa aking pananaw, magkakaroon ng patuloy na kamatayan at pinsala mula sa mga mababangis na ulan, malalaking baha, at malalakas na hangin dahil tayong mga Pilipino ay tumigil na sa pakikinig sa Salita ng Dyos, at di na sumusunod sa Kanyang mga utos.

-ooo-

MGA KALAMIDAD, IBINABALA NI JESUS: Ganoon pa din ang sasabihin ko ngayon: kung isasaalang-alang natin ang kaganapan ng mga pahayag ng Bibliya ukol sa global warming and climate change sa buong mundo, lilitaw na wala ng tigil ang pagbisita o pagdating sa atin ng mga ulan, baha at hangin.

Sa totoo lang, nagbigay ng detalyadong babala si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, ukol sa mga kalamidad na ito, kasama ng paala-ala kung ano ang dapat nating gawin upang mapagtagumpayan natin ang mga ito. Pero tunay kasing tayo ay isang bansang matigas na ang ulo, at tumalikod na sa Diyos. Di lamang binalewala natin ang mga babala ni Jesus, binalewala din natin kung sino Siya talaga. Kelan ba tayo matututo?

-ooo-

OFWs SA ABROAD, SUMPA NG DIYOS: Ngayo’y may malaking posibilidad na matutuloy na ang bitay kay Mary Jane Veloso, ang kababayan nating hinatulang mamatay sa Indonesia dahil sa pagdadala niya doon ng ilegal na droga (ang sabi ay sa susunod na linggo na daw siya papatayin). Kung matutuluyan na siya, isa na naman itong pruweba ng katotohanan ng sinasabi ng Bibliya.

Sa Deuteronomio 28:15 at 32, sinabihan na tayo na kung ang isang bansa ay di na makikinig sa tinig ng Diyos at di na susunod sa Kanyang mga utos, ang kanyang mga anak na lalak at babae ay ibibigay sa ibang mga bansa (gaya ng nangyayari na nga ngayon sa mga OFWs), at mamumuti ang mata ng mga magulang at ng mga otoridad natin pero wala tayong magagawa upang tulungan sila sa kagipitan nila. Kelan ba talaga tayo matututo?

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page