top of page

Pangalan ng bagong AFP chief, sinikreto?

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat ako ay nakakatiyak sa isang bagay, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay gagabayan kayo hanggang sa araw ni Kristo Jesus…” (Filipos 1:6, Bibliya).

-ooo-

PANGALAN NG BAGONG AFP CHIEF, SINIKRETO? Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang anunsiyo ng kung sino ang susunod na AFP Chief of Staff matapos ang pagre-retiro ng nakaupong hepe, ay tila ba nabalam at pinapaghintay ng todo, hanggang sa sandaling gaganapin na ang turn-over ceremonies upang mailuklok na nga ang bagong hepe.

Kahit nga ang mga reporters sa Malacanang na dati ay nauunang binibigyan ng impormasyon kung sino na ang napili ng Pangulo sa mga sensitibong posisyon gaya ng posisyon ng AFP Chief of Staff, ay tila ba pinagsikretuhan din ng bagay na ito, hanggang mga ilang minuto na lamang ang nalalabi sa pagre-retiro na nga ni outgoing Gen. Gregorio Pio Catapang.

Ayon kay DZEC Presidential reporter Vic Somintac, ang aking partner sa araw-araw (alas 6 ng umaga hanggang alas 7 ng umaga) na palatuntunang “Tambalang Batas at Somintac” sa DZEC, kahit na sumasahimpapawid na kami noong umaga ng Biyernes, Julio 10, 2015, tila ba guwardiyadong sikreto pa din ang pangalan ng papalit kay Catapang, dahilan upang talakayin namin ang kung bakit may paglilihim ang Pangulong Aquino dito.

-ooo-

BAKIT DI INANUNSIYO AGAD ANG PANGALAN NG BAGONG AFP CHIEF? Tunay nga, nag-isip kami ni Somintac kung ang dahilan ba ng delayed na anunsiyo kung sino ang papalit kay Catapang kahit na nga tatlong oras na lamang ang nalalabi sa turn-over ceremonies para sa bagong AFP Chief ay sinadya ba, o resulta na naman ng palpak na sistema ng pagpili, o di kaya, ay resulta ng lobbying o ng mga kontra-kontrang pakiusap mula sa iba’t ibang grupo o personalidad.

Sa aming isip, dahil malapit na nga ang halalan sa 2016, magkukumahog ang Pangulo at ang kanyang mga opisyales na maglagay ng papalit kay Gen. Catapang, na magre-retiro sa Sabado, Julio 11, 2015, sa pagtapak niya sa kanyang ika-56 na kaarawan.

Mahalagang mailuklok kaagad ang isang bagong hepe ng AFP, kung importante nga naman sa Pangulo ang isang malinis at tapat na halalan na siyang pipili ng bagong pangulo ng Pilipinas sa 2016, sapagkat paghahandaan pa ng nasabing bagong hepe ang mga sistema upang tiyakin ang karangalan ng halalan.

-ooo-

CHARTER, IPINAGBABAWAL ANG EXTENSION NG AFP CHIEF: Ngayon nga, may bago ng hepe ang AFP, at ito ay si Lt. Gen. Hernando Irriberi, ang Philippine Army chief bago siya na-promote sa kanyang bagong posisyon. Batay sa mga reaksiyong natanggap ko matapos ipakilala si Irriberi, lumilitaw na ayos ang pagpili ni Aquino. Ang problema lang, magre-retiro din pala si Irriberi bago ang halalan sa 2016.

Kaya naman marahil ang isang malaking diyaryo sa Manila ay agad naglabas ng isang balita na pinamagatan nitong “Aquino, nagpahiwatig ng term extension sa bagong AFP Chief”, bagamat ang titulong ito ay di naman suportado sa detalyeng nakalabas sa katawan ng balita.

Ang tanong ngayon: kaya ba ng Pangulo na bigyan ng term extension ang isang AFP Chief? Sa aking tingin, hindi niya kaya iyon. Ang AFP Chief kasi ay binibigyan ng eksaktong tatlong taong panunungkula, at walang magagawa ang pangulo dito, puwera na lamang kung, babaguhin muna niya ang Saligang Batas, o babalewalain na lamang niya ng ganun-ganun lamang. Siyempre, alam na natin ang gagawin niya!

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page