top of page

Ex-SEC chair: BSP, ninanakaw ang bahay ko

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Bagamat kailangan kong suungin ang kalagitnaan man ng panganib, ikaw ang nagbibigay-lakas sa akin. Ikaw ang lumalaban sa aking mga mababangis na kaaway, at ginagabayan ako ng inyong kanang kamay…” (Awit 138:7, Bibliya).

-ooo-

EX-SEC CHAIR: BSP, NINANAKAW ANG BAHAY KO: Kung ang mga magagaling pero mapagpakumbabang mga abogadong gaya ni Perfecto Yasay Jr., dating chairman ng Securities and Exchange Commission noong panahon ng Pangulong Ramos, ay nakakatikim ng panggigipit ng gobyernong pinaglingkuran niya ng mahusay at buong katapatan, malaki nga ang problema ng ating bansa na maaaring mag-udyok sa mga Pilipinong lumaban na ng sabayan.

Basahin po natin ang isinulat ni Yasay sa Facebook, na kanyang pinamagatang “Isang desperadong panawagan para sa katarungan”: “Pahintulutan po ninyo akong ibahagi sa inyo ang nakakatakot na karanasan ko sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagbigay sa akin ng matinding dusa, pahirap at kawalang pag-asa.

“Noong Lunes, ang branch sheriff ng Regional Trial Court (RTC) ng Makati ay tumungo sa aking apartment unit upang i-abot sa akin ang isang 2nd Notice to Vacate Order na kinuha ng BSP mula sa RTC, Branch 137, batay sa nauna ng Writ of Possession na inilabas noong Marso 3, 2015. Binantaan ako ng sheriff na kung di ako aalis ng kusang-loob matapos ang tatlong araw, puwersahan niya akong paaalisin.

-ooo-

MGA “MALISYOSONG TAKTIKA” NG BSP, BINANATAN: “Aking tinutulan ito, sapagkat di naman nakalagay ang pangalan ko sa mga taong paaalisin dapat batay sa Writ of Possession. Hindi rin naman ako nakatira doon batay sa kautusan ng Banco Filipino. Ang karapatan ko sa pagtira sa apartment ay batay sa isang naunang kasunduan, at bilang isang builder-in good faith (o nagtirik ng bahay ng may batayan sa batas), na maaaring panlaban sa Banco Filipino at BSP.

“Ipinagbabawal ng Saligang Batas ang pagkuha mula sa akin ng karapatang ito ng walang kaukulang proseso (o due process). At itong batas na ito ay nakakasakop lalo na sa BSP, dahil sa ilalim ng mga umiiral na alituntunin ay mayroong malawak na kapangyarihan na kailangang buong-ingat na ipatupad ng kanyang mga opisyales.

“At sa matagal pang panahon bago kumuha ang BSP ng Writ of Possession, alam na nito na ako ay isang innocent third party, o taong may karapatang maghabol sa nasabing ari-arian. Pero, buong malisyang itinago niya ito mula sa RTC, upang hindi ako mabigyan ng karapat-dapat na kaalaman at pagdinig ng aking panig, gaya ng itinatakda ng batas. At noong pusisyunan ko ang ari-ariang ito noong 2009, bulok at sira-sira na ito.

-ooo-

EX-SEC CHAIR, DI INABISUHAN NG BSP SA PROSESO: “Pero pinagtulungan namin ng maybahay kong si Cecile ang pagsasa-ayos ng unit, at naging disente itong tirahan ng aming pamilya. Sa aming mga ginawa at ginastos para sa pagsasa-ayos ng tirahan, at pangako naming gagastusan din namin ang lahat ng iba pang major o minor repairs nito, binigyan kami ng karapatang bilhin ito sa halaga nito bago ito inayos.

“Magkaganunman, dahil sa di inaasahang pagsasara ng Banco Filipino noong Marso 17, 2011 at sa kabila ng may isyu pa sa hukuman ang pagsasarang ito, agad na ni-remata ng BSP ang apartment unit na inayos namin, at kanya itong binili bilang nag-iisang bidder. Kung nalaman ko lamang ito, kumilos sana ako upang isulong ang aking karapatang bilhin ito. Noong Oktubre 23, 2013, nag-utos ang BSP sa akin na umalis na ako sa loob ng 30 araw.

-ooo-

BSP, ITINAGO ANG KATOTOHANAN: “Agaran akong tumugon, at sinabihan ko ang BSP ng aking karapatan sa nasabing ari-arian, at sa aking pagsang-ayon na magkaroon ng maayos na negosasyon upang ma-areglo ang kaso sa ikabubuti ng lahat. Pero, binalewalang lahat ito ng BSP at sa halip, tila pasikreto pa itong kumuha ng writ of possession ng hindi man lamang isinaalang-alang at itinago pa ang aking karapatan.

“Dahil dito, sa Biyernes, Julio 10, maaari kaming mapaalis ng pamilya ko sa aming tirahan at itapon sa lansangan, puwera na lamang kung papaboran ng Court of Appeals ang TRO na aking hiniling. Ang tunay na pag-asa ko sa ngayon ay ang panalanging mamayani din ang katarungan.”

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page