top of page
Search

AND KNK: ang Diyos mismo ang bumaba

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Jul 12, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat isinilang sa atin ang isang sanggol, isang batang lalaki ang ibinigay sa atin… tatawagin siyang… Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama…” (Isaias 9:6, Bibliya).

-ooo-

AND KNK, IPINAPAHAYAG SI JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS: Sa mga kasapi ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang pinaka-mabigat na tungkuling ini-aatang sa kanila ay ang pagpapahayag at pangangaral ng katotohanang mula sa Bibliya, na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, at Siya ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Tinuturuan ang mga kasapi ng AND KNK na maipahayag ang iba’t-ibang bahagi ng Bibliya, lalo na ng mga Ebanghelyo ni Mateo, Marcos, Lucas at Juan, na nagtatampok kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas. Ang doktrina kasi ng AND KNK ay matatag: si Jesus, na Siyang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay nagnanais na maihayag ang katotohanan ukol sa Kanya, upang ang mga mananampalataya ay magkaroon ng kapangyarihan sa buhay, at kaligtasan sa langit.

Dahil diyan, umpisa ngayon at sa bawat darating na Sabado, sa kapahintulutan ng Diyos, tatalakayin po natin sa kolum na ito ang 18 bahagi ng Bibliya na nagpapatunay na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas. Naisulat na natin dito kung ano ang 18 bahaging ito, at panahon na upang talakayin ang mga ito isa-isa. Umpisahan po natin ito sa pag-aaral ng mga bersikulong nagpapahayag ng pagdating ni Jesus.

-ooo-

TATLO ANG PAGPAPAHAYAG SA PAGDATING NI JESUS? Sa aking pagkakaintindi sa Bibliya, may tatlong pagpapahayag ng unang pagdating ni Kristo Jesus sa daigdig. Ang unang pahayag ay ginawa ng propetang Isaias, at makikita ito sa Isaias 7 at 9. Ang pangalang pahayag ay ginawa naman ng anghel na si Gabriel kay Maria, na makikita naman sa Lucas 1:26-38.

Sa kabilang dako, ang pangatlong pahayag ay ginawa ng isang di kinilalang anghel ng Panginoon (na maaari din namang si Gabriel din) kay Jose, isang apo ni Haring David at siyang magiging asawa ni Maria, na makikita sa Mateo 1:18-25. Sa pahayag kay Jose, gaya ng pahayag kay Maria, ibinigay na ang pangalan sa batang isisilang ni Maria, at ito ay “Jesus” (o ang Tagapagligtas ng Kanyang bayan).

Sa lahat ng pahayag na ito, ang mahalagang makita ay ang katotohanang gawa lahat ito ayon sa kautusan o kalooban ng Diyos. Sa Isaias 7:14, halimbawa, ginawa ng propeta ang propesiya na ang isang birhen ay maglilihi at magsisilang ng sanggol na lalaki noong siya, ang propeta, ay utusan ng Diyos na sabihan si Haring Ahaz na di siya dapat matakot sa mga sasalakay sa kanya.

-ooo-

ANG DIYOS MISMO ANG BUMABA SA DAIGDIG: Sa Lucas 1:26-38, ipinakita naman ng Bibliya na ang anghel na nagtungo kay Maria, ang birhen, ay galing sa Diyos. Sa Mateo 1:18-25 naman, ang anghel na nagpakita kay Jose sa panaginip upang sabihan siyang huwag niyang hihiwalayan si Maria sapagkat ang ipinagbubuntis nito ay mula sa Diyos, ay ipinakita ding inutusan talaga ng Diyos.

Ngayon, ano naman ang kahalagahan ng talong pagpapahayag na ito ng pagdating ni Jesus? Ipinakikita ng mga ito na ang pagdating ni Jesus sa unang pagkakataon sa daigdig ay kalooban mismo ng Diyos, upang magbigay ng kapangyarihan sa buhay at kaligtasan sa langit ang mga tatanggap sa Kanya bilang Diyos at Tagapagligtas. Ang mga pahayag na ito, lalo na doon sa nakasulat sa Isaias 9:6, ay nagpapatunay na ang “sanggol” na isisilang ng birhen ay ang Diyos mismo.

Bagamat ang pahayag sa Isaiah 7:14 at 9:6 ay maituturing na mga propesiya pa lamang ng mga bagay na magaganap sa hinaharap, ang mga pahayag sa Lucas 1:26-38 at Mateo 1:18-25 ay mga kaganapan ng mga propesiyang ito na ang Diyos mismo ang darating sa daigdig. Sa kabuuan, ang mga pahayag ng pagdating ni Jesus ay pagpapatotoo na Siya ang Diyos at Tagapagligtas.

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

コメント


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page