Morales kay Poe: “nabubusiwit ako sa iyo”?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jul 10, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sasamsamin namin ang lahat ng mahahalagang yaman; pupunuin namin ang aming mga kabayahan ng dinambong na yaman…” (Kawikaan 1:13, Bibliya).
-ooo-
MASASABI BA NG OMBUDSMAN KAY POE, “NABUBUWISIT AKO SA IYO”? Excited akong makita ang magiging reaksiyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa hataw sa kanya ni Sen. Grace Poe ukol sa kabiguan ng Ombudsman na isama si Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga inihabla ng katiwalian kaugnay sa anomalya sa maintenance contract ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3).
Ang aking excitement ay nag-uugat sa paghihimutok sa publiko pa mandin ni Morales noong isang linggo, kung saan nagsalita siyang siya ay “nabubuwisit” sa mga taong nag-aakusa sa kanya ng double standard of justice sa kanyang mga gawain bilang Ombudsman, batay sa paghahabla niya ng mga kalaban lamang sa pulitika ng kanyang amo, si Pangulong Aquino, samantalang di naman niya kinakanti man lamang ang mga kaayado nito.
Ngayon, si Poe na ang nagsasalita at nag-aakusa ng double standard of justice laban kay Morales. Magpapapakita din ba ng asal-batang pagkabuwisit si Morales laban kay Poe, na ngayon ay nangunguna na sa mga nagnanais maging pangulo sa 2016, o lulunukin na lamang niya ang kanyang pride, tatahimik na lamang siya, at di sasagot kay Poe?
-ooo-
BAKIT DI PLUNDER SA KASO SA MRT 3? Kaakibat ng mga tanong ni Poe ay ang mga patutsada kung bakit, sa kaso ng MRT 3, tanging katiwalian at korapsiyon ang iniharap ni Morales, kung saan ang mga naihabla ay makakapag-piyansa habang dinidinig ang usapin laban sa kanila. Sa kabilang dako, ang mga oposisyunistang sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla, ay kinasuhan ng plunder, na walang piyansa, kaya kulong sila sa ngayon.
Di maitatatwa, ang anomalya ukol sa maintenance contract ng MRT 3 ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso, kaya ang dapat na angkop na habla ni Morales ay plunder din. Ngayon, may dapat ipaliwanag si Morales: bakit ang habla niya sa mga MRT 3 officials ay kinasuhan ng mas mababa sa plunde? Dahil ba sa sila ay kaalyado ng Pangulo?
-ooo-
PINAL NA LISTAHAN NG DFA OFFICIALS NA SANGKOT SA PLUNDER: Eto na po ang pinal na listahan ng mga opisyales ng Department of Foreign Affairs (DFA) na idinemanda ng katiwalian sa Ombudsman ni Reynaldo Joson, isa ding dating opisyal ng DFA, ukol sa P5 bilyong taunang pondo ng ahensiya para sa repair at maintenance. Basahin po natin:
“Dir. Rodelio Catalan- dating director ng Property Maintenance and Transportation Division (PMTD); Kerwin C. Tate---kasalukyang director ng PMTD; A/Sec. Melita Santa Maria-Thomeczek---Assistant Secretary ng OPAS; Exec. Dir. Alfonso Ver---Executive Director ng Office of Personnel and Administrative Services (OPAS); U/Sec Rafael Seguis---ang pumalit kay U/Sec. Frank Ebdalin; Engr. Michael Salazar---dating engineering head.
-ooo-
MGA KONTRATISTA SA DFA FUND ROW: Sa kabilang dako, pinangalanan naman ni Joson ang tatlong pribadong kontratista sa nasabing anomalya: Jesusito D. Legaspi, pangulo ng JD Legaspi Construction Corporation, na may tanggapan sa 202 A.Luna Street Mandaluyong City, Metro Manila.
“Gertrudes P. Bongar, General Manager of I. M. Bongar & Company, ng 310 Pilar Road. Almanza I Las Pinas City; at Mario N. Chan, General Manager, MCCD Engineering Services & Trading, na may tanggapan sa U-11 Arcadia Square Bldg. J. P. Rizal Ext. Makati City.”
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments