top of page

Mga pamilya ng “riding in tandem”, pinakakain sa krimen

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Sinabi niya sa kanila, `Tama ang pahayag ni Isaias sa inyo, kayong mga mapanlinlang: `Ang sambayanang ito ay nagbibigay parangal sa akin sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Marcos 7:6, Bibliya).

-ooo-

“RIDING IN TANDEM”, GALING SA PAGPATAY ANG IPINAKAKAIN SA PAMILYA: May tanong na lagi na lamang sumasagi sa isip ko pag may napatay na namang tao ang mga kriminal na magka-angkas sa motorsiklo, na tinatawag sa ngayon na mga “riding in tandem”: ipinakakain ba ng mga mamamatay-taong ito sa kanilang mga pamilya, mga ama at ina, mga asawa, anak, at kapatid, ang kanilang kinikita sa pagpatay ng kapwa?

Marahil ay oo, pinakakain nga ng mga mamamatay-taong ito ng perang galing sa kanilang pagpatay ang kani-kanilang mga pamilya. Pero, nasisiyahan at kontento ba sila na kailangan nilang pumatay ng iba para lang magkapera ang kanilang mga pamilya? Nakakatulog pa ba ang mga killers na ito, bagamat alam nilang pumatay nga sila, at bagamat alam nilang galit sa kanila ang Diyos?

At, ngayong pinag-uusapan na rin lang natin ang mga gumagawa ng krimen, gaya ng plunder, katiwalian at pagnanakaw ng pera ng gobyerno upang magkaroon lamang ng mabuting buhay ang kanilang mga pamilya at mapanatili nila ang hawak nila sa poder, gusto ko ding itanong: alam ba nila na sila, at ang mga anak nila sa ika-apat na salinlahi, ay parurusahan ng Diyos sa impiyerno ng uod at apoy? Nagtatanong lang po!

-ooo-

MGA KRIMINAL, NANINIWALA DIN SA DIYOS: Ang punto ay ito: maliwanag naman kasing ang lahat ng kriminal sa Pilipinas ay nagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos. Naniniwala naman daw sila sa Diyos, at nananalangin din sila sa Kaniya. Pero, wala silang takot pumatay, magnakaw ng daan-daang milyong-piso, manggahasa ng mga babae, umabuso sa mga bata, magtulak ng droga, at magtampisaw sa krimen.

Kaya, papaanong nangyari na ang mga Pilipinong nagsasabing nananampalataya sila sa Diyos ay nakagagawa ng pinaka-karumal-dumal na krimen sa pitik lang ng daliri? Paanong nangyari na ang mga pulitiko at mga opisyales ng gobyerno na laging nagpapalitrato habang sila ay nasa simbahan o praise and worship ay patuloy din sa pandarambong at political dynasty?

Paanong nangyari na ang mga Pilipino na dumadalo din sa mga misa ay kayang magmura agad, pagkalabas pa lamang sa simbahan, sa kanilang mga asawa at mga anak kahit sa pinakawalang kuwentang pagkakamali? O di kaya, ay tumitig ng buong kalaswaan sa ibang lalaki at babae bagamat nasa loob pa sila ng simbahan?

-ooo-

PEKENG PANANAMPALATAYA NG MARAMING PILIPINO: Maliwanag na ang pananampalataya ng maraming Pilipino ay katulad ng sinabi ni Isaias at ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas: pinararangalan nila ang Diyos sa kanila lamang mga nguso, dahil malayo ang kanilang puso sa Kaniya. Sa ibang salita, sinasabi nilang may pananampalataya sila sa Diyos pero ang kanilang ikinikilos ay nagpapakitang kampon sila ng diyablo.

Di maitatatwa, maraming mga Pilipino ang pekeng mananampalataya. Di nila sinusunod ang iniuutos ng Diyos, sa pamamagitan ng Bibliya, kahit na nagbubunganga sila na sila ay mga nananampalataya o mga Kristiyano. Nagtutungo sila sa mga misa o praise and worship sa takdang panahon, pero patuloy pa din naman ang kademonyohan nila.

Bakit ba naging pekeng mananampalataya na ang maraming Pilipino? Kasi, marami na sa kanila ang di nagbabasa ng Bibliya, at di na sumusunod sa mga utos ng Diyos na nakalagay sa Bibliya. Ni hindi na pinag-uusapan sa kanilang mga pamilya ang Diyos, at di na rin sila natuturuan ng takot at pag-ibig sa Diyos. Nakakalungkot, pero maraming Pilipino na ang mas gustong sumunod sa mga aral ng diyablo!

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page