top of page

“Pahayag ng Pananampalataya”

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Jul 1, 2015
  • 2 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kanya ay pinagkalooban Niya ng karapatang maging anak ng Diyos…” (Juan 1:12, Bibliya).

-ooo-

“PAHAYAG NG PANANAMPALATAYA” NG “ANAK NG DIYOS, KADUGO NI KRISTO”: Nais ko pong ibahagi sa ating mga mambabasa ang “Pahayag ng Pananampalataya” mula sa Simbahang “Anak ng Diyos, Kadugo ni Kristo” (AND KNK). Humihingi po ako ng mga reaksiyon at, marahil, nais ko na ding ipasagot sa lahat ang isang mahalagang tanong: “ikaw ba ay isa ng anak ng Diyos, kadugo ni Kristo”?

Naririto po ang “Pahayag ng Pananampalataya” ng AND KNK: “Ako ay Anak ng Diyos, Kadugo ni Kristo. Diyos ang pumili sa akin, hindi ako ang pumili sa Kanya. Pinili Niya ako bago pa man lalangin ang sanlibutan, upang maging kaisa ni Kristo.

“Ako ay sugo ni Jesus, gaya ng ni Jesus ay isinugo ng Amang nasa langit. Ako ay hahayo at gagawing alagad Niya ang lahat ng mga bansa, babautismuhan ang mga tao sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo, at ituturo sa kanila ang lahat ng itinuro Niya.

“Ipangangaral ko ang Salita ng Diyos sa lahat ng dako, sa lahat ng oras, sa aking abang kalagayan. Ako ay Anak ng Diyos, Kadugo ni Kristo, sapagkat tinanggap ko si Jesus, at Siya ay aking pinanampalatayaan, bilang aking Diyos at Tagapagligtas.

“Sa aking pagtanggap at pananampalataya kay Jesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas, iniligtas Niya ako sa pamamagitan ng Kanyang dugo, nakipag-isa Siya sa akin at ako ay naging bagong nilalang, naging bahagi na ako ng Kanyang banal na katawan, at naniniwala akong ang kanyang dugo ang siya na ngayong nananalaytay sa aking mga ugat.

“Ako ay Anak ng Diyos, Kadugo ni Kristo, kasama ako sa kakatagpuin ni Jesus sa ulap sa wakas ng panahon at makakasama Niya sa buhay na walang hanggan sa paraiso. Amen.”

-ooo-

BATAYAN SA BIBLIA NG “PAHAYAG NG PANANAMPALATAYA”: Lumilitaw na ang nasabing “Pahayag ng Pananampalataya” ay batay sa ilang mga bahagi ng Banal na Bibliya. Ang mga ito ay ang Juan 1:12, Efeso 1:7, Hebreo 9:14, Juan 15:16, Efeso 1:4, Juan 20:21, Mateo 28:19-20, 2 Timoteo 4:1-2, 1 Timoteo 1:26-29, 2 Corinto 5:17, Efeso 5:30, 1 Juan 1:7, 2 Tesalonica 4:13-17, at Juan 3:16.

Sa totoo lang, ang “Pahayag ng Pananampalataya” ay nagtatampok ng mga batayang doktrina ng “Anak ng Diyos, Kadugo ni Kristo”---ito ang mga bahagi ng Bibliya na siyang nagsilang sa grupo, at siya ngayong nagbibigay-katayuan sa bawat kasapi nito, at sa batayang gawaing ibinibigay sa bawat isa sa kanila.

Kinukumpirma ng “Pahayag ng Pananampalataya” sa mga kasapi nito na sila ay pinili, at isinusugo, upang ipahayag ang Salita ng Diyos sa lahat ng mga bansa, upang ang babala ni Jesus sa Mateo 24:14---na “ang mabuting Balita ay maipapahayag sa lahat ng mga bansa at doon pa lamang magaganap ang wakas”---ay magkaroon ng kaganapan.

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-

BY


 
 
 

Comentarios


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page