Binay: pag-unlad ng RP pantasya lamang
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 28, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Di mabagal ang Panginoon sa pagtupad ng kanyang mga pangako, gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, siya ay nagtitimpi sa inyo, sapagkat ayaw niyang mapariwara ang sinuman. Nais niyang ang lahat ay matutong magsisi…” (2 Pedro 3:19, Bibliya).
-ooo-
PAGSULONG NG EKONOMIYA SA ILALIM NI PNOY, PANTASYA-BINAY: Ang ipinagmamalaking pagsulong ng ekonomiya sa ilalim ng pamahalaang Aquino ay pantasya at kathang-isip lamang, dahil marami pa ding Pilipino ang nananatiling mahirap sa loob ng limang taong panunungkulan ng Pangulong Aquino, ayon kay Vice President Jejomar Binay, sa isang talumpati sa mga Rotarians mula sa Manila, Pasay City, Cavite, at Occidental Mindoro noong Sabado, Junio 27, 2015.
Sa pagpapatuloy ng kanyang pagbatikos sa gobyernong pinagsilbihan din niya bilang housing czar at tagapayo sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Induction and Handover Ceremonies ng District 3810 ng Rotary International kung saan siya ang panauhing pandangal at tagapagsalita, sinabi ni Binay na di naman talaga kasama ang mahihirap sa pag-unlad na ipinagmamalaki ni Aquino.
Sa kanyang pagsasalita sa Ingles at Filipino, sinabihan din ni Binay ang mga Rotarians na ngayon ay pinamumunuan na ni dating Bulacan Governor at Cabinet Secretary Roberto “Obet” Pagdanganan (matapos ang seremonyas sa PICC sa Manila na nagtalaga sa kanya bilang District Governor sa 2015-2016), na tanging iilan lamang ang nagtatamasa ng bunga ng pagsulong ng ekonomiya sa Pilipinas.
-ooo-
BINAY, GINAMIT ANG OKASYON NG ROTARY PARA SAGUTIN SI PNOY: Ang talumpating ito ni Binay sa Rotary ay naganap matapos na nauna siyang nagsalita sa isang press conference sa kanyang tanggapan sa Coconut Palace dalawang araw matapos siyang magbitiw sa Gabinete. Ginamit din ito ni Binay upang sagutin ang mga naging pahayag ni Aquino na nagtatampok ng kanyang pagiging diumano ay ingrato sa Pangulo.
“Sa ilalim ng gobyernong ito, walang kasiguraduhan ang mga manggagawa na mapapanatili nila ang kanilang mga trabaho matapos ang limang buwan,” dagdag pa ni Binay. Ito ay maituturing na kantiyaw sa kabiguan ni Aquino na tapusin ang kalakaran ng mga malalaking kompanya sa pagbibigay ng limang buwan lamang na trabaho ng mga manggagawa, upang di sila maging regular sa trabaho, at di sila magkaroon ng seguridad sa panunungkulan, at tamang pasahod.
“Di po ito guni-guni lamang. Di makakaila na ang kaunlaran ay kathang isip lamang, sapagkat di ito nararamdaman ng ating mga mahihirap na kababayan”, dagdag pa ni Binay.
-ooo-
MAILAP ANG PAG-ASA SA MGA PINOY-BINAY: “Mailap ang pag-asa sa ating mga kababayan,” ayon pa din kay Binay. Sinabi din niya na ang halaga ng kuryente sa bansa ay nananatiling isa sa pinakamataas sa buong Timog Asya, daan upang mapigilan ang pagpasok ng mas maraming dayuhang mamumuhunan na takot sa mataas na singilin sa kuryente.
Ang mas mabigat pa, sabi ni Binay, ay ito: di makaka-asa ang sambayanan ng anumang solusyon sa pamahalaan, lalo na at nananatiling mahid ang mga opisyales ng gobyerno na siyang dahilan upang maging simbolo sila ng kabiguan sa pamamahala. Hindi ito maaaring patawarin, ayon kay Binay, lalo na at marami namang pera sa kamay ng gobyerno na di nito ginagamit sa mga proyekto.
“Sa lahat ng ito, paano naman itong magdadala sa atin ng disenteng buhay?” tanong ni Binay. Hinimok niya ang mga Rotarians, sa pangunguna ng bagong luklok na pinuno ng District 3810, Gov. Pagdanganan, “na maging matapang sa pagsusulong ng pagbabago.” Ayon kay Binay, umaasa siyang tutulong ang mga Rotarians sa pagbabagong ito, lalo na at siya ay isa din namang Rotarian mula sa Rotary Club of Makati City.
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Commenti