AND KNK: gumawa ayon sa lakas ng Diyos
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 28, 2015
- 2 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa akin ni Kristo..” (Filipos 4:13, Bibliya).
-ooo-
AND KNK: GAWIN ANG LAHAT NG BAGAY SA LAKAS NA BIGAY NG DIYOS: Sa maraming pagkakataon sa ating buhay, sa sandali ng problema at mga hamon, nalulukuban tayo ng kaisipang hindi natin kaya at wala tayong magagawa upang mabigyan ng kalutasan ang mga problema at mga hamong ito.
Pero hindi pala ito dapat, sapagkat tayo ay binigyan ng espiritu ng katagumpayan, gaya ng sinasabi ng Bibliya sa 1 Juan 5:4: “… sapagkat ang lahat ng isinilang mula sa Diyos ay napapagtagumpayan ang mundo. Ito ang tagumpay na tumalo sa mundo, maging sa ating pananampalataya…”
Noong panahon ni Gideon (na mababasa sa Hukom 6 at 7), isang Israelita na nagturing sa kanyang sarili bilang mababa, at, dahil diyan, ay walang halaga sa harap ng kanyang pamilya at lipi, nautusan siya ng Diyos na pangunahan ang kanyang mga kababayan sa paglaban sa mga nagpapahirap sa kanila, sa mga nagnanakaw ng kanilang ani at mga hayop.
Tumanggi si Gideon sa pagsasabing wala siyang kakayanan, ngunit sinabi ng Diyos na gamitin niya ang anumang kakayanang taglay niya noon, sapagkat ang Diyos ang sasama sa laban. Naniwala naman si Gideon, at tinalo nga nila ang kanilang mga kalaban, kaya ito din ang ating dapat gawin---kumilos ayon sa lakas at kakayahang bigay ng Diyos upang magtagumpay.
-ooo-
MGA ISYU SA BIRTH CONTROL: KASAKIMAN NG MAYAYAMAN, DI BILANG NG MAHIHIRAP: Naririto ang isang komento sa isyu ng birth control mula sa Internet e-group na “Filipinos Worldwide”: “Ang problema ng sobrang dami ng tao sa Pilipinas ay maisasalarawan ng mas mabuti sa pamamagitan ng isang tinapay. Halimbawa, kung ang mag-asawa ay may limang anak, ang bawat isa sa kanila ay mayroong 1/5 bahagi, o dalawampung porsiyento, ng tinapay.
“Kung ang mag-asawa ay may dalawang anak, bawat isa sa kanila ay makakuha ng ½, o limampung porsiyento ng tinapay. Sa madaling salita, mas marami ang pagkain kung mas kakaunti ang bilang ng mga anak.”
Ang aking reaksiyon: Lihis ang ganitong argumento sa isyu ng laki o liit ng tinapay. Kahit dalawa lamang ang anak, kung ang tinapay ay sadyang maliit na, wala ding biyaya ang dadalawa lamang sila. Kahit na lima ang anak, kung ang tinapay ay malaki, walang problema kahit lima pa sila.
Maliwanag, ang tunay na mahalaga ay ang laki ng tinapay. Ang problema sa atin ngayon ay ito: ang 9/10 ng tinapay ay hawak ng 1/10 lamang ng populasyon---na siyang dahilan kaya napapaliit ang tinapay na maaaring makain ng 9/10 ng mga tao. At ito ang siyang tunay na suliranin natin.
Kung ang mga mayayaman, na ang bilang ay 1/10 lamang ng populasyon, ay hindi magiging sakim sa laki ng tinapay na nais nilang makamtam, hindi mahihirapan ang sinuman kahit marami silang mga anak.”
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments