DFA officials, may maniobra vs. whistleblower
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 25, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang inyong mga pinuno ay mapanghimagsik, kasapakat ng mga mandarambong…” (Isaias 1:23, Bibliya).
-ooo-
HANAPIN ANG TOYOTA AVANZA AT ANG DRIVER NITO: Ang kapangyarihan ng social networking sites sa Internet upang isiwalat ang mga nagaganap na krimen ay itinampok minsan pa ng ilang mga nailabas na larawan sa Facebook ukol sa hit-and-run diumano na kinasasangkutan ng isang kulay silver na Toyota Avanza SUV na ang plaka ay kinilalang UIQ 764.
Tumakas diumano ang Avanza matapos nitong masagasaan ang isang batang lalaki na sa itsura ay naka-unipormeng pang-eskuwelahan pa, nakaupo sa sidewalk habang duguan ang kanyang ulo, mukha, at mga kamay.
Lumilitaw, batay sa mga posts ni John Paul Escario na naibahagi na sa Internet ng iba pang netizens, naganap ang hit-and-run sa harap ng Cypress Condominium sa Taguig City. May apela ang mga netizens: tumulong sa paghahanap ng Avanza at ng driver nito!
-ooo-
DFA OFFICIALS, NAGMAMANIOBRA KONTRA WHISTLEBLOWER:Eto po ang dugtong pa ng kasong plunder na isinampa sa Ombudsman ni Reynaldo Joson, ang hepe ng Hygiene and Sanitation Unit ng Department of Foreign Affairs (DFA), kung saan inaakusahan niya ang ilang matataas na opisyales at mga ambassadors ng ahensiya ng paglustay ng P5 bilyong taunang pondo ng DFA para sa repair at maintenance. Basahin po natin:
“Kamakailan, na-assign ang naghahabla bilang `Signing Officer’. (Pero) ang bagong assignment na ito ay isang `patibong’, o instrumento upang hanapan ako ng pagkakamali upang matanggal ako sa serbisyo, dahil na rin sa pagtawag sa akin bilang `agitator’, at upang di ko makontra ang mga pagkilos ng mga makapangyarihang nakahabla sa kaso.
“Habang ako ay naka-assign bilang `signing officer’ sa passport section, ang mga nakahabla, lalo na si A/Sec. Wilfredo Santos, ay nag-akusa sa akin na diumano ay nag-apruba ako ng walang pahintulot at walang kaukulang endorsement ng mga pasaporte; di-umano ay pagpo-proseso ng mga aplikasyon ng 16 na aplikante sa tinatawag na courtesy lane mula Enero 27 hanggang Pebrero 11, 2014 bagamat ang mga ito ay di kuwalipikado, at pamemeke ng mga dokumento. Napakawalang-kuwentang habla naman ang mga ito!
-ooo-
MGA BAGONG MULTI-MILYON PROJECTS NG DFA: “Dahil sa aking bantang sasampahan ko sila ng kaso sa Commission on Audit, Department of Justice at Ombudsman, ang mga nakahabla dito ay kumilos at inalis ako at itinalaga sa administration department bilang isang mababang mensahero na nagde-deliver ng diyaryo sa iba’t ibang tanggapan sa DFA
“Sa aking huling trabaho, nalaman ko ang ilan pang mga proyekto ng DFA na nagkakahalaga ng halos P77 milyon. Ang mga proyektong ito ay ang mga sumusunod: supply at deliveryt ng security ink sa paunang halaga ng Php2,099,900.00 na kiontrata ng JURA JSPGMEH.
"Ang halaga ng equipment para sa electronic requirement ay Php1,699,252.00, na kinontrata naman ng DFA Procurement Service; repair at rehabilitation ng storm drainage system, domestic/potable water system, sewerage system, fire hydrant; wet stand pipe at fire hoses ng DFA Building, sa harap ng P18,888,888.00, na kinontrata ng I.M. Bongar & Co. Inc..." Marami pa po ito!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments