DFA, may favorite contractor?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 21, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang inyong mga pinuno ay mapanghimagsik, kasapakat ng mga mandarambong…” (Isaias 1:23, Bibliya).
-ooo-
SALAYSAY SA PLUNDER RAPS VS. DFA OFFICIALS, PART II: Eto na po ang ikalawang bahagi ng Salaysay ni Reynaldo Joson, ang hepe ng Hygiene and Sanitation Unit ng Department of Foreign Affairs (DFA), na batayan ng hablang plunder at katiwalian sa Ombudsman laban sa ilang matataas na opisyales at mga ambassadors ng DFA, ukol sa mga maanomalyang repair ng DFA building na nagkakahalaga ng daan-daang milyon. Basahin po natin:
“4. Matapos akong mabigyan ng Special Assignment, nadiskubre ko ang mga sumusunod na anomalya, sangkot ang halagang P5 bilyon na nakalaan para sa mga proyektong pinangasiwaan ng mga nakahablang DFA officials, at ibinigay sa mga kontratista. Ang ilan sa mga malalaking proyektong ito ay ang mga sumusunod: pagsasa-ayos ng bubong, P120 milyon; pagsasa-ayos ng auditorium, P200 milyon;
“Water proofing ng roof deck, P45 milyon; pagpapalit ng asbestos ceiling ng Hardiflex, mula ika-13 palapag hanggang basement, P100 milyon; pagpapalit ng centralized air-conditioned units, P200 milyon; pagpapalit ng water cooling system; pagsasa-ayos ng hagdan, P10 milyon; pagpapalit ng fire alarm systems, P20 milyon; pagsasa-ayos ng iba pang bahagi ng DFA building, P20 milyon.
-ooo-
DFA, MAY FAVORITE CONTRACTOR? “5. Dapat pansinin na ang mga nakahablang DFA officials ay ibinigay ang karamihan sa mga proyekto sa JD Legaspi Construction Corporation, ang kontratistang sangkot din sa maanomalyang paggawa ng pinakamahal na Macapagal Avenue, sa Reclamation Area sa harap ng SM Mall of Asia sa Pasay City.
“6. Nadiskubre din ng naghahabla ang mga sumusunod na anomalyang gawa ng kontratista, sa pakikipagsabwatan ng mga nakahablang DFA officials: pagsasa-ayos ng bubong---Ni-renovate ng kontratistang JD Legaspi ang buong bubong ng DFA Main Office. Ngunit ang mababang kalidad ng trabaho ng kontratista, at mahinang pangangasiwa ng mga inhinyero, ang naging dahilan ng water leak sa DFA building.
“Naipon ang tubig sa bubong sa lugar ng auditorium na nagsilbing tagasalo ng tubig. Habang dumami ang tubig na nakaimbak doon, nalaglag ang bubong. Di nakayanan ng bubong ang naimbak na tubig… Buti na lang at walang aktibidad doon sa auditorium noong bumagsak ang bubong…
-ooo-
DFA OFFICIALS, DI KUMILOS VS. KONTRATISTA: “Noong maganap ang insidente ng pagbagsak ng bubong, gumagawa pa noon ang JD Legaspi ng iba pang pagsasaayos sa DFA Head Office Building. At bagamat nasa ilalim pa ng warranty ang isinaayos na bubong at auditorium, kumuha si U/Sec. Frank Ebdalin ng ibang kontratista upang isaayos naman ang nasirang bubong, kasama na ang water leak, ng hindi hinahabol ang warranty.
“Pagsasaayos ng auditorium---Ang pagbasak ng halos buong bubong ng Auditorium ng DFA building ay nagbigay ng pinsala at danyos sa mga ari-arian ng DFA, kasama ang buong carpet flooring ng auditorium.
“Sa kabila ng mga pinsalang ito at sa kabila ng umiiral pa din ang warranty, nabigo ang mga nakahablang DFA officials laban sa JD Legaspi, at sa halip, ay kumuha pa sila ng ibang kontratista upang gawin ang mga pagsasaayos, kasama na ang pagbili ng bagong floor carpet, na ang DFA ang gumastos..” May dugtong pa ito sa susunod!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Kommentare