“Ang Tanging Daan”: may patotoong si Jesus ang Diyos
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 20, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ako at ang Ama ay iisa’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Juan 10:30, Bibliya).
-ooo-
BIBLIYA, HITIK NG PRUWEBA NA SI JESUS ANG DIYOS: Ang palatuntunang “Ang Tanging Daan” ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (na sumasahimpapawid mula alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes) ay nagpapakitang ang mga kuwento ng buhay ni Jesus sa mundong ito na nakasulat sa Bibliya ay hitik ng katibayang Siya ang Diyos at Tagapagligtas.
Habang sinusulat ko ito, naisahimpapawid na ng AND KNK ang 25 broadcast sa DWAD, 1098 kHz sa Metro Manila, na tumatalakay sa 10 bahagi ng buhay ni Jesus na nagpapakitang Siya ang Diyos at Tagapagligtas. Ang unang lima sa mga bahaging ito ay ang pagpapahayag ng Kanyang pagdating, pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, ang Kanyang kapanganakan, ang pagtatalaga sa Templo, at ang pagkakatagpo sa Kanya sa Templo.
Ang ikalawang limang bahagi ay ang bautismo ni Jesus, ang kasalan sa Cana, ang pagpapahayag ng kaharian at kapangyarihan ng Diyos, ang Kanyang pagbabagong-anyo, at ang pagtatatag ng alituntunin sa Banal na Pakikipag-isa sa mga mananampalatayang tumanggap sa Kanya bilang Diyos at Tagapagligtas.
-ooo-
“ANG TANGING DAAN”: MAY PRUWEBA NA SI JESUS ANG DIYOS: Sa susunod na linggo, itatampok ng “Ang Tanging Daan” ng AND KNK ang ikatlong limang bahagi ng buhay ni Jesus na nagpapakita ng Kanyang pagdurusa, at sa iba pang bahagi ng paghihirap na dinanas Niya, kasama na ang pagpapako at kamatayan Niya sa krus.
Eto ang mga insidenteng ito: ang panalangin ng may agam-agam sa Hardin ng Gethsemane, pagpapahirap sa Templo, paglalagay ng koronang tinik sa ulo ni Jesus, pagdadala ng Krus, at pagpako at kamatayan sa krus. Kung pag-aaralang mabuti ang mga bahaging ito, ang mga paghihirap at kamatayang ito ni Jesus ay nagpapakita kung sino si Jesus---na Siya ang Diyos at Tagapagligtas, walang duda.
Tingnan na lamang natin ang insidente kung saan nanalangin si Jesus ng may agam-agam. Marami ang magsasabing ang bahaging ito ng buhay ni Jesus ay magpapakitang hindi Siya Diyos, kasi bakit naman Siya mananalangin at kikilalang may Diyos, ang Ama? Tunay nga, ito ang pinakamadaling pananaw sa bagay na ito, pero, kung babasahing mas maigi ang Bibliya, makikita nating hindi nanalangin si Jesus para sa Kanyang sarili.
-ooo-
JESUS, TUMANGGAP NG PARUSA PARA SA TAO: Sa totoo lang, nanalangin ng may agam-agam si Jesus upang ipakita kung ano ang dapat gawin ng tao kung nahaharap siya sa delikadong mga sitwasyon sa kanyang buhay. Nanalangin si Jesus di dahil kailangan Niya ang panalangin para sa Kanyang saili, kundi upang ipakita na dapat manalangin ang tao pag may hamon sa kanyang buhay.
At gaya ng ipinakikita ng lahat ng iba pang pangyayari kung saan nagdusa si Jesus, ang panalangin sa Hadin ay ginawa ni Jesus bilang “kinatawan”---ang “banal” at karapat-dapat na kinatawan---ng taong sobra ang sala. Nanalangin Siya ng may agam-agam bilang kinatawan ng tao dahil na din sa katotohanang batay sa kanilang kasalanan, nakatakda ang tao na magdusa sa apoy at uod sa impiyerno.
Sa ganitong pananaw, di mahirap makita na ang bawat dusa at kamatayang sinuong ni Jesus, ay naganap di dahil dapat parusahan si Jesus kundi dahil Siya ang mapagmahal at mapagpatawad na Diyos, na pumayag tanggapin ang matinding parusang nakatakda nilang lasapin dahil sa kasalanan. Naganap ang lahat ng ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na labis na nagmamahal sa sanlibutan, upang iligtas ang tao sa impiyerno.
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Kommentit