Sindikato sa DFA, kinu-corner ang juicy contracts
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 18, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ang inyong mga pinuno ay mapanghimagsik, kasapakat ng mga mandarambong…” (Isaias 1:23, Bibliya).
-ooo-
BATAYAN NG PLUNDER RAPS VS. DFA OFFICIALS: Nagbigay ng anim na batayan si Reynaldo Joson, ang hepe ng Sanitary and Hygiene Unit ng Department of Foreign Affairs (DFA), kung bakit sinampahan niya ng kasong plunder at katiwalian ang kasama niyang matataas na opisyales ng DFA kung saan sangkot ang P5 bilyong taunang pondo ng ahensiya para sa mga repair at renovation, sa kanyang habla sa Office of the Ombudsman.
Basahin po natin kung ano inilagay ni Joson sa kanyang habla (na akin ng isinalin sa Filipino mula sa Ingles): “Ang hablang ito ay isinasampa ko sa mga sumusunod na kadahilanan: (a) Upang ipakita na may nagpapatuloy na mga ma-a-anomalyang transaksiyon at manipulasyon ng DFA budget na ginagawa ng ilang mga opisyales nito, sa pagsasabwatan nila sa isa’t isa.
“(b) Ang mga nakatalagang budget para sa mga sinasabing renovation o rehabilitation projects ay labag sa itinatakda ng National Building Code (Section 301, PD 1096, at RA 6541), dahil sa kabiguan ng mga nasabing opisyales ng DFA na makakuha ng kaukulang mga permit at mga certificates of completion mula sa Engineering Office ng Pasay City.
-ooo-
DFA, BIGO PA DING MAKUHA ANG TITULO SA SARILING LUPA? “Dahil sa kabiguang ito na makakuha ng mga itinatakdang permits at certificates of occupancy, ang mga diumano ay proyekto ay pupuwedeng isagawa ng paulit-ulit, kahit na hindi pa nakakalipas ang maraming taon.
“( c ) Ang mga sangkot na opisyales ng DFA ay nabigo ding kunin ang titulo sa lupa at sa building (kung saan nandodoon sa ngayon ang mga opisina ng DFA), na una na nitong nabili mula sa Asian Development Bank of the Philippines (sic), mula pa noong ang mga ito ay kanyang bilhin.
“Dahil sa kabiguang ito, hindi pa naililipat hanggang sa ngayon ang titulo ng pagmamay-ari ng nasabing lupa at building ng DFA, at siya ding dahilan kung bakit hindi makakuha ito ng kaukulang tax declaration para sa bayaran ng buwis, kaya naman di nababayaran sa pamahalaang lokal ng Pasay City ang nararrapat na real property taxes o amilyar sa lupa.
-ooo-
“SINDIKATO SA DFA, KINUKUPO ANG JUICY CONTRACTS”: “Ang nasabing titulo ay kailangan din bago ang anumang building permit o clearances ay maibibigay sa DFA para sa anumang renovation o konstruksiyon, o ang mga clearances upang ito ay mapahintulutang magamit na ang building matapos ang mga proyektong ginawa doon.
“(d) Upang ipakita na may nagpapatuloy na pgatatalaga ng pondo para sa mga proyektong para lamang sa mga pagkukumpuni ng mga nakaraaan o naunang mga proyekto, na di naging maayos dahil sa kabiguan ng mga contractors at mga sub-contractors na tugunan ng tapat ang mga terms and conditions ng kanilang mga kontrata, at dahil din sa pagpapabaya ng mga DFA officials.
(e) Upang ipakita na may sindikato ng mga tao sa loob mismo ng DFA na kumukopo sa mga proyekto, sa pakikipagsabwatan ng mga diumano ay mga nanalong kontratista. (f) Upang ipakita na may pangangailangan para sa Ombudsman at iba pang ahensiya ng pamahalaan na pigilin ang ganitong pagwawaldas ng budget para sa DFA.”
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments