Katapusan ng political dynasties, trapo sa RP?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 15, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “Sinuman ang tumatalima sa mga katuruan ay sumasagana, at pinagpala ang sinumang nagtitiwala sa Panginoon…” (Kawikaan 16:20, Bibliya).
-ooo-
KATAPUSAN NG POLITICAL DYNASTIES AT MGA TRAPOS SA RP? Ang ginanap na “panimulang pagpupulong” (o exploratory meeting) ng mga kasapi ng iba’t ibang grupong pang-relihiyon noong Linggo, Junio 14, 2015, sa San Juan City, ay maituturing na isang makapangyarihang panggising (o wake-up call) sa mga traditional political parties at mga kasapi ng mga political dynasties na matagal ng nagpapasasa sa pulitika sa Pilipinas.
Ang pulong ay tila ba hudyat na ng wakas ng pamamayagyag ng mga partido politikal, at mga politikong ang mga pamilya na lamang ang nahahalal sa bansa. Tinawag na “Pili-pino, a People’s Primary”, ang pulong ay naglalayong mabuo ang isang koalisyon ng 1,000 mga organisasyon upang bigyang-kapangyarihan ang mga ordinaryong Pilipino na pumili ng mga tatakbong kandidato sa mga halalan.
Sumang-ayon ang mga dumalo sa pulong na ito sa pagpapaliwanag ni Atty. Alex Lacson, ang pinaka-pinuno ng grupong nagsusulong ng koalisyon, lalo na sa pangangailangang labanan na ang mga tradisyunal na partido sa pulitika, at ang mga political dynasties, kung nais ng sambayanan ng totohanang reporma.
-ooo-
KOALISYON NG 1,000 ORGANISASIYONES LALABAN SA DYNASTIES AT TRADITIONAL POLITICIANS: Sa totoo lang, ang ideya sa likod ng koalisyong isinusulong ni Alex at ng kanyang mga kasamahan ay hiram lamang sa tinatawag na mga “primaries” (o paraan ng pagpili) sa Estados Unidos, upang hanapin ng magkatunggaling mga partido doon ang kani-kanilang mga kandidatong pangulo at pangalawang kandidato.
Sa kanyang pagpapaliwanag sa harap ng mga pastor at mga bishop ng mga simbahang Protestante at Evangelicals sa bansa, at maging ng mga pari at mga lay leaders ng Simbahang Katoliko, at nina dating Sen. Ramon Magsaysay Jr., dating Pampanga Gov. Ed Panlileo, dating Bulacan Rep. Willy Villarama at media personality na si Gng. Winnie Monsod, sinabi ni Lacson na ang bawat isa sa 1,000 kasapi ng coalition ay magpapanukala ng kanilang mga kandidato.
Pagkatapos, ang mga mapipiling kandidato ay aanyayahang magsalita at tumalakay ng kanilang mga plano at programa kung sila ay mahahalal. Matapos ang pagpapaliwanag, magsasagawa ng botohan ang mga kasapi ng mga organisasyong kasapi sa koalisyon, na susumahin naman ng isang secretariat.
-ooo-
KOALISYON, BOBOTO PARA LAMANG SA MGA PINILI: Ang mga kandidatong makakatanggap ng pinakamata-mataas na boto mula sa mga miyembro ng koalisyon ang magiging opisyal na mga kandidato ng koalisyon. Para sa 2016 elections, tanging ang mga posisyong pampanguluhan at pangalawang pangulo lamang ang pagpipilian, sa kakapusan ng oras.
Ayon kay Lacson, kailangang tiyakin ng mga organisasyong kasapi ng koalisyon na susuportahan ng kanilang mga miyembro ang sinumanng pinal na mapipiling kandidato ng koalisyon, lalo na sa paniniyak na ang mga kasapi ng mga organisasyong kasapi ng koalisyon ay totohanang boboto para sa mga napili ng koalisyon.
At upang siguraduhin na ang mga napili ng koalisyon ay magsusulong ng mga panukala para sa pagbabago ng koalisyon (bagamat ang mga ito ay babalangkasin pa lamang sa susunod na mga araw), papipirmahin ang mga napiling ito ng isang kasunduan kung saan mangangako silang isusulong at ipapatupad ang mga panukalang pagbabago. May dagdag pa ito sa susunod!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments