Mga Kristiyano, kumilos sa malinis na halalan
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 14, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Ang mga tao ay tumitingin lamang sa panlabas na kaanyuan, ngunit sa puso nakatingin ang Panginoon’…” (1 Samuel 16:7, Bibliya).
-ooo-
MGA KRISTIYANO, NAGHAHANDA SA MALINIS NA HALALAN: Labis akong nagagalak at kumikilos na ngayon ang mga mananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas upang paalalahanan ang sambayanan na ang pagpili at pagluluklok ng susunod na pangulo, pangalawang pangulo, at iba pang mga halal na opisyales sa 2016 ay dapat nakabatay sa doktrinang Kristiyano at sa espirituwalidad at kabanalan, at di lamang sa popularidad, o yaman ng kandidato, o sa terorismo at bilihan ng boto.
Habang sinusulat ko ang kolum na ito noong umaga ng Linggo, Junio 14, 2015, puspusan ang paghahanda para sa unang pagpupulong sa hapong ding iyon, sa Club Filipino sa San Juan City, ng mga grupong naniniwala na dumating na ang panahon para sa mga nananampalataya sa Diyos na hanapin ang mga kandidatong may agenda para sa Kanya, at turuan ang sambayanan na bumoto sa mga maka-Diyos na kandidato lamang.
Medyo maselan ang layuning ito, lalo na isasaalang-alang ang mahabang kultura ng mga Pilipino sa pulitikang nakabatay sa personalidad ng mga kandidato, o nakabatay sa mga biyayang hiningi at tinugunan, o sa pandaraya at dagdag-bawas sa eleksiyon, at maging sa pulitikang nakasandal sa pananakot, pananakit, o pagpatay ng mga kalaban.
-ooo-
KUNG LALAYO SA PULITIKA ANG MGA MAKA-DIYOS, MGA WALANG DIYOS ANG MAMAYAGPAG: Pero, mayroong dapat mag-umpisa ng tamang pagkilos sa isyu ng eleksiyon, kundi’y mag-aalisan na lamang ang marami at tutungo sa ibang lupain, o di kaya ay sumama na sa mga pinili ang pamumundok upang humanap ng reporma. Nagpapasalamat ako at ako ay naanyayahan sa pulong na ito ng mga mananampalataya ni Atty. Alex Lacson, isang naging kaibigan ko noong kami ay kumampanya para sa kandidatura sa pagka-pangulo ni Sen. Raul Roco noong 2004.
Ang pagsasama-samang ito ng mga mananampalatayang Kristiyano at ng kani-kanilang mga simbahan o grupo upang isulong ang reporma sa eleksiyon batay sa mga doktrinang maka-Diyos ay isang mahalagang pagkilos mula sa mga nasa Simbahan na ang malaon ng pananaw ay lumayo sa pulitika. Ayaw kasi ng mga taong ito noon na sumali sa pulitika, sa paniniwalang ito ay marumi, at di bahagi ng gawain para sa Diyos.
Kaya lamang, may mga nagpupumilit sa kakontrang pananaw: kung ang mga maka-Diyos na tao ay lalayo sa pulitika, siguradong tanging ang mga walang Diyos at walang espirituwalidad ang mamamayani sa mga eleksiyon at mahahalal sa mga important puwesto, at siyang mamamahala sa bayan sa kaparaaang malayo sa Diyos, gaya ng ipinakita ng matagal ng panahon sa Pilipinas.
-ooo-
KASAGANAAN AT KATAGUMPAYAN MULA SA MGA MAKA-DIYOS NA LIDER: Kung ang mga maka-Diyos at sumusunod sa espirituwalidad ay sasama sa mga halalan at mabibigyan ng pagkakataong manalo, makakasigurado tayo ng mga opisyales na di magsisinungaling, di mandaraya, at di magnanakaws.
Makakasigurado tayo na ang mga opisyales na maka-Diyos ay pinananahanan ng Espiritu ng Diyos, gaya ni Jose, anak ni Jacob, na itinalaga bilang pangalawang hari ng Egipto matapos siyang magpakita na pinananahanan siya ng Espiritu ng Diyos sa kanyang mga panukala upang paglabanan ang pitong-taong taggutom na nakatakdang tatama sa kaharian ng Faraon.
Makakasigurado din tayo na ang mga opisyales na maka-Diyos ay may takot at pagmamahal sa Diyos, at may kakayahang pangunganahan ang kanilang mga nasasakupan tungo sa kasaganaan at katagumpayan, gaya ng ipinayo ni Jethro sa manugang niyang si Moses. Makakasigurado din tayo na ang mga opisyales na maka-Diyos ay susunod sa utos ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, na ang mga lider ay dapat maging alipin ng lahat.
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments