Pangulong may takot sa Diyos, kailangan ng RP
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 12, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Magpasakop kayo sa lahat ng mga tagapamahala, alang-alang sa Panginoon, maging ito man ay emperador bilang pinakamataas na pinuno, o sa mga gobernador…” (1 Pedro 2:13-14, Bibliya).
-ooo-
PILIPINAS, SAKAL PA RIN NG DAYUHAN SA 2015: Tuwing sumasapit ang ika-12 ng Junio taon-taon, puwersado kong tinatanong: may dahilan ba tayo upang ipagdiwang ang diumano ay kalayaan ng Pilipinas mula sa mga dayuhan? Maliwanag po ang sagot. Sa puntong ito, nananatiling sakal ng mga dayuhan ang Pilipinas at ang mga Pilipino, kaya naman lahat tayo ay tila ba alila at mga katulong lamang ng ibang mga bansa.
-ooo-
DAPAT BANG MAGPATULOY SA REBELYON ANG MGA PINOY? Bilang tugon sa talumpati ng Pangulong Aquino sa Araw ng Kalayaan noong Junio 12, 2015 kung saan nanawagan siya sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang adhikain ng himagsikan gaya ng mga nauna ng nag-aklas laban sa mga Kastila noong mag-umpisa ang ika-19 na siglo, gusto kong iharap sa kanya ang ilang mga kapitulo at bersikulo ng Bibliya ukol sa mga naghihimagsik.
Mula sa Isaias 1:23: “Ang inyong mga pinuno ay mga rebelde, kasapakat ng mga magnanakaw; nahuhumaling sila sa mga suhol, at lagi ng naghahanap ng regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang mga ulila; ang pagtulong sa mga balo ay di nila pansin.”
Mula Roma 13:1-2: “Dapat magpasakop ang lahat sa mga namamahala, sapagkat walang namamahala na hindi ang Diyos ang nagtatag. Ang mga tagapamahala ay itinatag ng Diyos. Dahil diyan, sinuman ang lumalaban sa mga namamahala ay lumalaban sa itinatag ng Diyos, at makakaranas sila ng kaparusahan…”
-ooo-
BANTA NG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA PINUNO: Maliwanag ang sinasabing ito ng Bibliya, at dahil ang Pangulong Aquino ay nagsasabing siya ay Kristiyano, dapat ay alam niya ang mga ito. Dapat na alam din niya ang mga bantang dala ng pagtangging sumunod sa mga sinasabi ng Blbiya---pagdurusa mula sa mga sumpa ng Diyos (Deuteronomio 28:15), kung saan kasama sa mga sumpa ang kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng gawain.
Ang tanong ay ito: nakakaranas ba ang mga Pilipino sa ngayon ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan, sa kanilang mga gawain? Maliwanag po ang sagot, at di ako naniniwalang pinagtiyap lamang ng pagkakataon na may babala ang Bibliya ukol sa kahirapan, kaguluhan at kabiguan, kung di na makikinig ang mga tao sa Diyos at di na susunod sa Kanyang mga utos sa mga nangyayari sa Pilipinas ngayon.
Ito ang dahilan kung bakit noon pa ay ipinapanukala ko na sa kolum na ito na ang sambayanan ay dapat ng magluklok ng pangulong may totohanang takot at pagmamahal sa Diyos. Ang pangulong may takot at pagmamahal sa Diyos ay di magsisinungaling, di mandaraya, at di magnanakaw, at magdadala pa sa sambayanan sa katagumpayan at kaginhawaan. Aasahan ba natin ang ganitong pangulo sa 2016?
-ooo-
TULONG NG DIYOS, DAPAT HINGIN NG MGA PINOY: Marami ang magsasabing walang pag-asang mahahalal sa 2016 ang isang pangulong may takot at pagmamahal sa Diyos, kung titingnan ang listahan ng mga nagnanais kumandidato. Tunay nga, marami ang nag-iisip na imposibleng makapaghalal ang sambayanan ng pangulong ang uunahin sa kanyang pamumuno ay ang Diyos at ang Kanyang Salita, ang Bibliya.
Kaya lang, imposible lang ang isang bagay kung tao ang mag-iisip at kikilos. Kung magbabalik lamang ng totohanan ang mga Pilipino sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsunod sa Bibliya, gaganapin Niya ang kahit na pinaka-imposibleng bagay, kahit na sa pindot lamang ng mga daliri, sapagkat walang imposible sa Diyos. Aprub ba sa inyo ito?
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments