Pagpapatotoo na si Jesus ang Diyos sa radyo
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 12, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Huwag kang matatakot, iniligtas na kita; tinawag kita sa iyong pangalan; ikaw ay akin. Kung lulusong ka sa tubig, kasama mo ako; kung tatawid ka ng ilog, hindi ka malulunod. Kung dadaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; hindi ka lalamunin ng apoy’…” (Isaias 43:1-2, Bibliya).
-ooo-
RADIO PROGRAM, NAGPAPATUNAY NA SI JESUS ANG DIYOS: Ang pangangaral ng Bibliya upang patotohanang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas ay puspusang isinasagawa na ngayon bilang pangunahing proyekto ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), sa pamamagitan ng araw-araw na programa sa radyo, sa DWAD, 1098 kHz sa AM band sa Metro Manila, at sa buong mundo, sa pamamagitan ng Facebook.
Sumasahimpapawid ang programang ito (na pinamagatang Ang Tanging Daan) mula alas 6:30 ng umaga hanggang alas 7 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes. Tapos, inilalagay sa Facebook ang recorded version ng nasabing programa, at mapapakinggan ito ng lahat ng nais mapatunayang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, sa mga Facebook pages na Ang Tanging Daan at Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo.
Sa ngayon, 19 sa 20 na naisahimpapawid ng programa (nagkaproblema sa isang araw ng programa kaya di ito nai-record) ay nakalagay na at mapapakinggan na sa Facebook, sa pagsusumikap nina AND KNK Vice Leader Disciple Dr. Ronald Pascual, ng kanyang maybahay na si AND KNK Training Director Osmin Joyce Pascual, at ng kanilang walong taong-gulang na anak na si Raissa Joyce (na kasali din sa programa).
-ooo-
ANG KATOTOHANANG MAGPAPALAYA: Ang programang ito ay tinutustusang ekslusibo sa ngayon ng mga kontribusyon ng mga kasapi ng AND KNK, sa kagandahang-loob ng Diyos (bagamat pupuwede din kaming tumanggap ng tulong-pinansiyal mula sa iba mga mananampalatayang Kristiyano, na maaaring mag-text o tumawag sa akin sa 0917 984 24 68, o mag-email sa batasmauricio@yahoo.com).
Ang layunin po ng pagsasahimpapawid na ito ay tuparin ang utos ni Jesus para sa Kanyang mga manggagawa na humayo sa mundo at gawin ang lahat ng tao bilang kanyang disipulo. Sa Mateo 28:19-20, nag-utos si Jesus sa Kanyang mga tagasunod na humayo at ipahayag ang Kanyang katotohanan, na magpapalaya sa lahat ng mananampalataya, ang katotohanang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas (Juan 8:31-32, 6:28-29 at 3:17).
Sa ngayon, ang sentro ng palatuntunang Ang Tanging Daan ay ang 18 bahagi ng buhay ni Jesus sa daigdig, na nagpapakitang Siya ang Diyos at Tagapagligtas. Sampung araw na ang nailaan para sa unang limang bahagi ng buhay ni Jesus---ang pagpapahayag ng Kanyang pagtungo sa daigdig, ang pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, ang Kanyang kapanganakan, paghahandog sa Templo, at pagkakatagpo sa Templo.
-ooo-
BUHAY NI JESUS, PATOTOO NA SIYA AY DIYOS: Sa pagpapahayag ng unang pagdating ni Jesus, binigyang-pansin ang Isaias 7:14 at 9:6, Lucas 1:26-37 at Mateo 1:18-25. Maliwanag sa mga bersikulong ito na sinabi mismo ng Diyos na Siya ang darating sa daigdig, wala ng iba, upang iligtas ang mga makasalanan. Sa pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, kinumpirma doon na ang Diyos, na siyang Tagapagligtas, ang isisilang ni Maria.
Sa kapanganakan ni Jesus, makikitang ang anghel na nakipag-usap sa mga pastol noong unang Pasko ay nagsabing ang Tagapagligtas ay isinilang sa sabsaban. Ang Tagapagligtas na ito ay ang Diyos mismo, gaya ng sinasabi ng Isaias 43:10 at 11. Sa paghahandog kay Jesus sa Templo, na pagtupad sana sa seremonya ng tao para sa mga bagong silang na lalaki, naging patotoo din ito, sa pamamagitan nina Simeon at Anna, na si Jesus ang Diyos.
Panghuli, sa pagkakatagpo kay Jesus sa Templo, nakita doon na si Jesus ay di ordinaryong bata na 12 taon lamang. Nakikipagtalakayan na siya sa mga maseselang kautusan sa mga guro noon sa kabila ng bata pa lamang siya. Pero, higit pa dito, nagsalita si Jesus na nagpapatunay na Siya ang Diyos: dapat ay nasa tahanan Siya ng Ama, na siyang tahanan Niya!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Commentaires