top of page
Search

PNoy, nais manatiling pangulo sa 2016

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Jun 9, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kaawa-awa ang mga tiwali! Daranas sila ng pagkawasak! Pagbabayaran nila ang mga ginawa nilang kasamaan…” (Isaias 3:11, Bibliya).

-ooo-

`PNOY, NAIS MANATILING PANGULO SA 2016: Isa po ako sa mga naniniwala noon pa man na may niluluto ang Pangulong Aquino upang mapahintulutan siyang tumakbong muli bilang pangulo sa 2016, o di kaya naman, upang magpatuloy siya sa pagiging pangulo, sa anupamang kaparaanan.

Ang pahayag niya sa kanyang muling pagtakbo, bagamat matagal na niyang sinabi ito, ay ibinabandera pa ngayon ng mga kapanalig niyang diyaryo na para bang kasasabi lamang niya ng mga ito. Maliwanag na mga bahagi ito ng plano upang arukin ang opinyon ng publiko ukol sa kanyang pananatiling pangulo matapos ang 2016. Upang maala-ala niya na may mga kontra sa balakin niyang ito, ilalabas ko pong muli ang kolumn dito noong Agosto 30, 2014. Basahin po natin:

-ooo-

“KRISIS NA WALANG KAPANTAY PARA SA RP: Sa kabatiran ng lahat, ilalabas po natin dito ang tinatawag na `Lipa City Declaration’. Ito ay isang `paanyaya’ o `panukala’, na isinapubliko ng mga Pilipinong Kristiyano, Protestante at mga tagasunod ng Islam, na bumuo ng `National Transformation Council’ upang hingin ang agarang pagbaba ni Pangulong Aquino.

“Eto po ang kanyang unang bahagi: `Kami ay mga mamamayang Pilipino na magkakaiba ng personal, propesyunal, at economic backgrounds, kasama na ang pagkakaiba ng aming mga paniniwalang politikal at espirituwal. Nagsama-sama kami sa Lipa City…sa pangunguna ng Council, upang patotohanan minsan pa ang aming malalim na paniniwala ukol kabutihan ng lahat, at ng bansa, sa harap ng mga maseselang hamon.

“ `Inaanyayahan namin ang lahat upang samahan kami sa mga pananaw at paniniwalang ito. Naniniwala kami: isang di-mapantayang krisis ang bumabalot sa bansa ngayon. Ang bansa ay nakabingit sa mabigat na panganib, mula pa mandin sa mga puwersang politikal na ang tungkulin dapat ay bigyang-proteksiyon at isulong ang kabutihan ng lahat, pero sila pa ang agresibong yumuyogyog sa mga pundasyon ng sambayanan.

-ooo-

“PNOY, NILABAG ANG 1987 CHARTER: `Di lamang sinira ng malawakan at di-napaparusahang korapsiyon at abuso ng kapangyarihan sa pulitika at ekonomiya ang nagaganap sa bansa, at kaakibat nito ang kabalintunaan sa kung ano ang mabuti at masama, ang tama sa mali, sa kawalan ng katarungan, legal at iligal. Sinira din ng mga ito ang buong sambayanan, lalo na ang mga mahihirap na nasa kuko ng mga mayayaman at makapangyarihan na nagdidikta kung ano ang kanilang magiging buhay.

“ `Sinalaula at nilabag ng Pangulong Benigno Simeon Aquino ang Saligang Batas, na dapat ay kanyang itinataguyod at ipinagtatanggol, sa pamamagitan ng panunuhol sa Kongreso, ng pananakot sa hudikatura, sa pagkuha ng pera ng sambayanan, sa pagmamanipula sa automated voting system, at paglapastangan sa proseso ng impeachment sa ilalim ng Saligang Batas.

“ `Sinira ding lubos ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang moralidad ng lipunang Pilipino, dahil sinuhulan niya ang mga kasapi ng Kongreso, di na lamang upang mapatalsik ang isang nakaupong Punong Mahistrado, kundi upang isabatas ang pagyurak sa mga karapatan ng mga tao kahit na nasa maselang estado pa lamang sila. Ito ay di na lamang paglabag sa Konstitusyon, kundi ng batas ng moralidad at mga kaugaliang Pilipino.

-ooo-

“PNOY, WALA NG KARAPATANG PAMUNUAN ANG RP: `Dahil kami ay tapat sa layunin ng batas ng moralidad, at sa prinsipyo sa Saligang Batas na nagsasabing ang lahat ng kapangyarihan ay hawak at nanggagaling sa sambayanan, idinedeklara namin ang Pangulong Benigno Simeon Aquino III na nawalan na ng karapatang pamunuan ang bansa. Siya na ngayon ang panganib at banta sa demokrasya ng Republika ng Pilipinas, at sa kalayaan, seguridad, at katayuang espirituwal ng sambayanan…”

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page