top of page
Search

Kasong plunder sa mga DFA officials

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Jun 7, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… lagi kayong mananalangin…” (1 Tesalonica 5:17, Bibliya).

-ooo-

KASONG PLUNDER SA MGA OPISYALES NG DFA: May mabigat akong dalahin ngayon, at di ako makapagpasya. Dapat ko bang tanggapin ang hiling na ako ay maging abogado ng ilang mga opisyales at empleyado ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nais maging testigo laban sa kanilang mga kasamahan at ilang matataas na pinuno sa DFA na ngayon ay akusado ng plunder, dahil sa diumano ay pangungurakot ng bilyong pondo nito?

O dapat ba akong tumanggi sa hiling ng grupo upang ako ay tumulong sa kanila bilang abogado, dahil ang ilan sa mga inaakusahang DFA officials (na ngayon ay nahaharap na sa kasong plunder sa Office of the Ombudsman) ay mga dating kaklase ko sa UP College of Law sa Diliman, Quezon City?

Ano ang dapat uunahin ng isang abogadong gaya ko: ang tuloy-tuloy na pagtulong ng libre sa mga taong tila may tunay namang ipinakikipaglaban kontra sa mga opisyales ng pamahalaan na nauna ng sumumpa upang ipagtanggol at isulong ang Saligang Batas at iba pang mga alituntunin sa bansa, o bigyang halaga ko ang mga naging kaibigan ko? Alam kong maliwanag dapat ang sagot dito pero, sana ay mapayuhan ninyo ako.

-ooo-

KASO SA GRACE POE CITIZENSHIP, PUWEDE NG ISAMPA: Bilang reaksiyon sa ating huling kolum ukol sa isang test case laban kay Sen. Grace Poe na pupuwede ng isampa ngayon upang alamin kung siya ba ay natural born Filipino citizen o hindi (na isang kuwalipikasyon upang maging senador ng bansa), may ilang mga mambabasa tayong nagpasabi sa akin na gusto nilang tumayong magsasampa ng kasong ito laban sa senador.

Ang punto ko lamang naman po dito ay ito: di na natin kailangang hintayin pang magpasya si Grace at makapagsumite muna ng certificate of candidacy bilang kandidatong pangulo o pangalawang pangulo sa halalan sa 2016 bago siya masampahan ng kaso ukol sa kanyang citizenship.

Dahil ang pinakabatayang kuwalipikasyon bilang isang senador ang siyang pupulsuhan ng test case laban sa senadora, mayroon na ngayong aktuwal na isyung dapat lutasin, na magbibigay-pahintulot upang masampahan na siya, ngayon pa lamang, ng kaso sa Commission on Elections o sa mga regular na hukuman. Kaya ang tanong po ay ito: sasampahan na ba siya ng kaso o hindi pa?

-ooo-

PANALANGIN, SAGOT SA LAHAT NG PROBLEMA: Naririto po ang isang paalala: “Ang panalangin ay sagot sa lahat ng problema sa buhay. Ito ang nag-uugnay sa atin sa maka-langit na Karunungan, na siyang nakakaalam kung papaanong pagtatagniin ng buong husay ang lahat ng bagay. Kadalasan, di tayo nananalangin sapagkat sa ating tingin, wala na tayong pag-asa pa.

“Pero, walang imposible sa Diyos. Walang sigalot na hindi mabibigyan ng kalutasan. Walang pagkakagalit ng mga tao na hindi mabibigyan ng pagkakasundo at intindihan. Walang ugali na di mababago. Walang kahinaan ang hindi magkakaroon ng kalakasan. Walang sakit na di mapapagaling. Walang mahinang isip na di mapapatalino.

“Anuman ang kailangan natin, kung magtitiwala tayo sa Diyos, ibibigay Niya ito sa atin. Kung mayroon mang nagiging dahilan ng ating mga pangamba at pag-aalala, tigilan na natin ang pag-iisip ng mga ito, at sa halip ay pagtiwalaan natin ang Diyos upang makamtan natin ang pag-ibig, kagalingan, at kapangyarihan.”

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comentarios


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page