Test case sa citizenship ni Grace Poe
Jun 6, 2015
3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Dahil diyan, magtulungan kayo at isulong ninyo ang karapatan ng isa’t isa, gaya ng inyong ngayon ay ginagawa na…” (1 Tesalonica 5:11, Bibliya).
-ooo-
TEST CASE SA CITIZENSHIP NI GRACE POE: Sa kabila ng himig-pakikipagkasundo mula kay Makati City Rep. Abigail Binay Campos at ng paghingi ng paumanhin ni Malabon Rep. Toby Tiangco, at bagamat may pagtatanggol na nanggagaling naman mula kay Secretary Mar Roxas, dapat pa ding tuusin kung natural born Filipino ba si Sen. Grace Poe o hindi, sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya ngayon pa lamang.
Kung natural born citizen nga siya, ayon sa Saligang Batas ni Corazon Aquino, dapat lamang siyang payagang tumakbo sa anumang posisyong kanyang nanaisin, ke ito man ay bilang pangulo o pangalawang pangulo. Kung hindi siya natural born Filipino, mayroong mas mahalagang isyu na kanyang dapat harapin ukol sa pagtakbo niya sa 2016.
Ano itong mas importanteng isyung ito? Ito ay ang kanyang kuwalipikasyon na maging senador ng Republika. Oo, nahalal nga siya noong 2013, at bilang topnotcher pa, kahit na may mga nagsasabing ito ay dahil lamang sa maniobrang 60-30-10 noon gamit ang mga PCOS (precinct count optical scan) machines. Pero, ang kanyang pagiging senador ngayon ay puwede ng kuwestiyunin upang malaman kung natural born ba siya o hindi.
-ooo-
EPEKTO NG CITIZENSHIP NI GRACE POE SA KANYANG POSISYON: Kung hindi siya natural born citizen dahil nga nabigyan siya ng US citizenship ilang taon na ang nakaaan, kung saan tinalikuran niya ng walang pasubali ang pagiging Pilipino niya, maaaring maituring na labag sa Konstitusyon ang pagkakahalal ni Grace Poe bilang senador. Ang suma-total nito ay simple: wala siyang karapatang maging senador, at kailangang siyang mapaalis sa posisyong ito.
Simple din lang ang argumento dito. Tanging mga natural born citizens lamang kasi ang maaaring tumakbo at mahalal bilang presidente, bise-presidente, senador o congressman sa atin. Sa ilalim ng Saligang Batas, ang isang natural born Filipino ay yung walang ginawang anumang pagkilos upang makamit niya ang pagiging Pilipino niya.
Ngayon, noong ibinalik ni Grace Poe and kanyang pagiging Pilipino, may ginawa ba siya upang maisakatuparan ito? Kinailangan ba niyang kumilos upang maging Pilipino siyang muli, bagay na nawala sa kanya noong magpahayag siya ng katapatan sa US? Ang sagot ay maliwanag, at maging siya ay di kayang itanggi: oo, kinailangan niyang manumpang muli ng katapatan sa Pilipinas upang maging Pilipino siyang muli.
-ooo-
REGLAMENTO SA PAGTAKBO: Mula sa puntong legal, itong panunumpa upang maging Pilipinong muli ang isang dating Pilipino ay nangangahulugang “may ginawa ang isang tao upang manumbalik ang kanyang Filipino citizenship.” Ibig sabihin nito, ang taong kinailangang manumpa upang maging Pilipino ay hindi maituturing, kailanman, bilang isang natural born Filipino citizen.
Dahil diyan, di dapat payagan ang taong ito na tumakbo sa anumang halal na posisyon sa bansa, lalo na sa mga posisyong matataas at makapangyarihan. Oo naman, may mga nagsasabing ang dual citizenship law sa Pilipinas ay nagbibigay-karapatan sa mga Pilipinong naging mamamayan ng ibang bansa na maging Pilipinong muli at maituring na natural born citizens pa din.
Maaaring totoo ito pero sinasabi din ng batas na ang isang “dual citizen” na nagnanais tumakbo sa anumang posisyong halal sa bansa ay kailangang sumunod sa itinatakda ng Saligang Batas. Minsan pa, uulitin ko: ang isa sa mga itinatakda ng batas ay ang pagiging natural born ng isang Pilipino upang makatakbo ito sa posisyon.
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-

Comments