`Animus revertendi’, at si Grace Poe
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 3, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Gaano pa kaya, kung ganoon, malilinis ng dugo ni Jesus, na ibinigay ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu bilang alay na walang bahid sa Diyos, ang ating mga sarili mula sa mga gawang nagdudulot ng kamatayan, upang mapaglingkuran natin ang buhay na Diyos!” (Hebreo 9:14, Bibliya).
-ooo-
ANIMUS REVERTENDI, AT SI GRACE POE: Mapipigilan nga kaya ang pagtakbo bilang pangulo sa 2016 ni Sen. Grace Poe ng kanyang deklarasyon sa kanyang certificate of candidacy noong tumakbo siyang senador noong 2013? Ayon kasi kay Malabon Rep. Toby Tiangco ng United Nationalist Alliance (UNA), inamin ni Grace noon na kulang sa 10 taon ang kanyang paninirahan sa Pilipinas.
Ang sagot ay hindi po pupuwedeng madiskuwalipika o mapigilan si Poe dahil lamang sa isyu ng kanyang paninirahan sa bansa. Makakatakbo siya bilang pangulo o sa iba pang posisyon kahit na di siya tumira sa Pilipinas ng 10 taon bago ang isang halalan, at ito ay ayon na rin sa Korte Suprema sa mga desisyon nito sa mga kaso ng mga kandidatong di tumira sa lugar kung saan sila tatakbo.
Ang mga desisyong ito ng hukuman ay nakasalalay sa doktrinang tinatawag na “animus revertendi”, na ang ibig sabihin ay ito: kahit na ang isang kandidato ay di aktuwal na naninirahan sa isang luga pero kung layunin niyang bumalik-balik doon, pupuwedeng payagang tumakbo ang kandidatong ito sa nasabing lugar. Pupuwede itong doktrinang ito kay Grace.
-ooo-
GRACE POE: NATURAL BORN FILIPINO NGA BA? Magkaganunman, maaari marahil na silipin ng UNA ang isyu kung si Grace ba ay isang natural born citizen o hindi, batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, upang maintindihan kung pupuwede ba siyang tumakbo bilang pangulo o pangalawang pangulo sa 2016.
Ito ay isang mas matinding argumento, kung medyo nakukuha ng mabagabag ng UNA sa pangunguna ni Vice President Jejomar Binay sa mga surveys, lalo na at sumasargo ang popularidad ni Grace sa pagdaraan ng mga araw. Gaya ng nalalaman na natin, tanging ang mga natural born citizens lamang ang maaaring tumakbo bilang pangulo o pangalawang pangulo dito.
Ngayon, ano ba ang “natural born citizen” at paano ba ito makakaapekto kay Grace? Ayon sa Saligang Batas, ang natural born Filipino citizen ay yung Pilipino na walang dapat gawin upang maging mamamayang Pilipino siya. Sa kaso ni Grace, bagamat pupuwedeng sabihin na nauna na nga siyang natural born citizen, ang kanyang pagkakakuha ng US citizenship ay nangahulugan noon ng pag-alis niya ng kanyang Filipino citizenship.
-ooo-
ANO ANG GINAWA NG US CITIZENSHIP KAY GRACE POE: Noong bumalik si Grace sa Pilipinas at sumumpa siya upang maging mamamayang Pilipino siya ulit, nangahulugan iyon na naibalik niya ang kanyang pagiging Filipino citizen ayon sa kanyang panunumpa. Sa mata ng batas, maliwanag na kinailangan ni Grace na gumawa ng isang bagay---ang kanyang panunumpa---upang maging Pilipino siyang muli.
Kahit papaano natin pag-aaralan ang mga pangyayaring ito, maliwanag po na si Grace ay hindi na isang natural born citizen. Maaari ngang natural born Filipino citizen siya bago siya naging US citizen, pero ang kanyang pagkakakuha ng US citizenship ay nag-alis ng kanyang katayuan bilang isang natural born Filipino citizen. Dahil diyan, may matinding balakid-legal sa layunin niyang tumakbo bilang pangulo.
Di ako kontra kay Grace Poe. At di rin ako pabor kung kani-kanino. Bahagi ako ng isang grupo ng mga Pilipino na naniniwalang ang kasalukuyang sistema sa Pilipinas, lalo na sa pamahalaan, ay di magbibigay ng maayos na pagbabago at biyaya para sa mga matagal ng ngahihirap na mamamayan. Kaya lang, sumasampalataya akong dapat sundin ang batas sa lahat ng panahon, sinuman ang sangkot!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
コメント