Mapipigilan ba ng plunder si Binay?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 2, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… panatiliin ninyo ang katarungan sa mga hukuman…” (Amos 5:15, Bibliya).
-ooo-
MAPIPIGILAN BA NG KASONG PLUNDER SI BINAY SA 2016? Ipagpalagay ng kakatigan ng buong Senado ang ulat ng Blue Ribbon sub-committee na nagre-rekomenda ng pagsasampa ng kasong plunder laban kina Vice President Jejomar Binay, at sa kanyang anak na si Makati City Mayor Junjun Binay at iba pa, mangangahulugan na ba ito ng kulong para sa kanya at ng paghinto ng kanyang pagtakbong pangulo sa 2016?
Ang maliwanag na sagot po dito ay, “hindi”. Una, ang napipintong ulat ng buong Senado ay kailangan pa ring isumite sa Office of the Ombudsman, para sa kaukulang preliminary investigation. Gaya ng alam na nating lahat, walang kasong kriminal sa bansang ito ang maaaring maisampa sa mga hukuman, kasama na ang Sandiganbayan, kung di muna nagkakaroon ng preliminary investigation.
Ang problema ng mga kumukontra kay Binay, at sa mga nagmamaniobra upang pigilin siya sa pagtakbo sa 2016 kahit na patuloy siyang pangunahing kandidato ng maraming Pilipino, magtatagal pa rin ng halos isang taon ang nasabing preliminary investigation laban sa kanya, lalo na at matindi ang hablang plunder, at kahit na kilala ang Ombudsman sa kanyang damdaming kontra kay Binay.
-ooo-
TAKBO NG KASO KONTRA BINAY SA OMBUDSMAN: Upang maintindihan natin ito, magsagawa tayo ng munting pag-aaral. Ipagpalagay ng tatakbo lamang ng tatlong buwan mula ngayon ang debate at pagboto ng Senado sa sub-committee report laban sa mga Binay. Ibig sabihin nito, ang pinal na rekomendasyon ng Senado upang sampahan ng kasong plunder si Binay ay maisusumite lamang nito sa Ombudsman sa Setyembre 2015 na.
Tapos, ipagpalagay ng hindi magpapaligoy-ligoy ang Ombudsman sa kanyang imbestigasyon sa mga Binay gaya ng kanyang nakaugalian sa ibang mga kaso, at magpapasya itong magmabilis ngayon (na siya namang naisin ng mga nais gibain si Binay), makakapaglabas ito ng subpoena o patawag sa kanila isang buwan matapos ang Setyembre 2015.
Ibig sabihin nito, sa Oktubre 2015 ay maaaring matanggap na ng mga Binay ang mga subpoena sa kanila. At dahil kumplikado ang mga pangyayari sa kasong isasampa ng Senado laban sa kanila, maaari ding mangyarri na makakapag-sumite ang mga Binay ng kanilang mga sagot (o kontra-salaysay) pagdating na lamang ng Disyembre 2015. Pero, di pa dito nagtatapos ang kaso.
-ooo-
BINAY, MAAARING MAGREKLAMO NG POLITICAL PERSECUTION: Pero, maaari din namang lalaban ang mga Binay at gagamit ng mga remedyo sa ilalim ng batas na kukuwestiyon sa habla laban sa kanila bago sila tuluyang sumagot sa Ombudsman. Ang isa dito ay ang pagsasampa ng agarang kaso sa Korte Suprema o sa Court of Appeals, upang kuwestiyunin kung labag ba sa Saligang Batas o hindi ang imbestigasyon sa kanila, dahil sa ito ay maituturing na political harassment lamang.
Ang isyu na maaaring iharap ng mga Binay sa mga hukuman ukol sa “political harassment” ay ang katotohanang sila lamang ang inuusig, sapagkat ang Bise Presidente ay tunay nab anta sa kandidato ng administrasyon sa 2016. Maituturing itong lantarang paglabag sa sinabing equal protection clause ng Konstitusyon, na nagsasabing di dapat pinipili ang mga iniimbestigahan ng mga autoridad.
Tunay nga, malaki ang maipupunto ng mga Binay sa argumentong ito, upang sirain ang hablang plunder mula sa Senado, at maipakitang bagamat sila ay kinakasuhan, ang mga kaalyado at kaibigan ng Pangulo ay di man lamang natitinag. Kung paniniwalaan ng hukuman ang argumentong ito, maaari nilang patigilin ang Ombudsman sa imbestigasyon nito laban sa mga Binay. May dagdag pa ito!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comentários