Pagbubunyag: mga mambabatas bayad sa BBL
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Jun 1, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Palihim na tumatanggap ng suhol ang mga tiwali, upang sirain ang takbo ng katarungan…” (Kawikaan 17:23, Bibliya).
-ooo-
PAGBUBUNYAG! MGA MAMBABATAS BAYAD PARA SA BBL: Sa nakaraang mga araw, ang mga sali-salitang ang ating mga kongresistang bumabalangkas ng Bangsamoro Basic Law (BBL) ay nakatanggap o pinangakuang tatanggap ng milyon-milyong pisong suhol upang paboran nila ang nasabing panukalang batas ay lagi na lamang pabulong kung wikain.
Pero nabago ang lahat ng bulung-bulungang ito ng ulat noong Junio 01, 2015 na sinulat ng beteranong mamamahayag na si Bb. Christine F. Herrera. Ngayon, ang akusasyong binayaran ng malaking halaga ang mga kongresista upang katigan ng kanilang mga boto ang BBL ay nakasulat na, at lumabas pa mandin sa isang malaking diyaryo sa Manila.
Sa kanyang artikulo, itinampok ni Herrera ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration and Deportation, na nagsabing ang milyon-milyong pisong ginamit upang bayaran ang mga kongresista ay galing pala sa isang pinaghahanap sa buong mundong Chinese crime lord, na ang pangalan ay Bo Wang (sa salitang kalsada ng mga Pilipino, ang ibig sabihin ng pangalang ito ay “buwang”, o may sira sa isip).
-ooo-
BALITA SA KORAPSIYON SA BBL DETALYADO: Ang mga naunang balita sa isyung ito ay nagsasabing ang ating mga kongresista ay binayaran mula sa pondong galing sa Malaysia, na ipinadaan diumano sa isang prominenteng negosyante mula sa Mindanao. Pero, parang suntok sa buwan o palipad hangin lamang kumbaga ang mga naunang balitang ito, at tila ba halos ay walang kredibilidad.
Ngunit ang balita ni Herrera ay kakaiba, dahil ang sinasabi niyang pagkakabayad ng mga kongresista upang bumoto ng “oo” sa BBL ay di na lamang palipad hangin. Punum-puno ng detalye ang isinulat ni Herrera ukol sa kung papaanong dinala ni Bo Wang, ang Chinese crime lord, ang pera, saan at kailan ito idiniliber, at tila ba may kumpirmasyon pa sa mga opisyal na pagkilos nina Justice Secretary Leila De Lima at ng Chinese Embassy sa Manila.
Sa kabuuan, ang balita ng The Standard ay di pupuwedeng balewalain na lamang minsan pa ng Office of the President, lalo na at ang kasalukuyang nakaupo doon ay kilala sa pagsusumikap niyang pagsaklubin ang langit at lupa upang maisabatas lamang ang BBL bago ang Julio 2015 bagamat kahit na ngayon pa lamang ay sinasabi na ng maraming magagaling na mga abogado na labag sa Saligang Batas.
-ooo-
MGA MAAARNG GAWIN NI AQUINO: Ano ngayon ang pupuwedeng gawin ng Pangulong Aquino ukol sa balitang iyon? Bilang paunang depensa, maaaring simpleng itanggi na lamang niya o ng kanyang mga alipores ang mga akusasyon ni Herrera. Tapos, maaari ding utusan ni Aquino si De Lima upang pasinungalingang may kautusan siya sa BID na pumipigil sa mga mga commissioners doon upang palayain si Bo Wang bagamat ito ay wanted sa China.
Ganundin, maaari ding pilitin ni Aquino si Bo Wang na magpaliwanag at itanggi na nagbigay nga siya ng pera sa mga opisyales ng gobyernong Aquino, lalo na sa mga mambabatas sa Kongreso, na nagpapasya sa ngayon pabor o kontra sa batas sa Mindanao. Tapos, maaaring piliin na lamang niyang tumahimik, balewalain na lamang ang balita ni Herrera at ng The Standad, at magkunwang di ito dapat pang pinag-uusapan pa.
Pero anuman ang gagawin ni Aquino at ng kanyang pamahalaan sa isyung ito, maliwanag na ang pagsusulong ng BBL sa dalawang kapulungan ng Kongreso ay bahid putik na ng korapsiyon at katiwalian, kaya naman wala ng Pilipinong may wastong pag-iisip ang maniniwalang ang napipintong pagkaka-apruba ng panukalang batas ay dulot ng malinis na hangarin ng mga mambabatas.
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang Bible study at prayer session sa radyo, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments