Bible study, gamitin kontra kalamidad
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 31, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…. Subalit kung di na kayo makikinig sa tinig ng Diyos, at di na kayo susunod sa Kanyang mga utos… mapapasainyo ang lahat ng mga sumpang ito… Padadalhan kayo ng Diyos ng… nakakasunog na init at tagtuyot… Ang langit sa inyong ulunan ay magbabaga, at ang lupang inyong tinutungtungan sintigas ng bakal…” (Deuteronomio 28:15, 22-23, Bibliya).
-ooo-
MAYAYAMANG NEGOSYANTE NAGKAISA KONTRA KALAMIDAD: Dapat talagang pasalamatan ng mga Pilipino ang mga mayayamang negosyanteng sina Oscar Lopez, Manuel V. Pangilinan, at Ernesto Garilao, dahil minabuti nilang magpulong ukol sa mga lindol, sa isang Earthquake Resilience Conference, ilang araw na ang nakakaraan. Nais kasi nilang ihanda ang Pilipinas sa posibleng kalamidad at iba pang trahedyang nagbabadyang dumating.
Bagamat naghahanda na din ang gobyerno ng Pangulong Aquino upang tugunin ang mga trahedyang ito, gaya ng sinasabing lindol na may magnitude 7.2 ang lakas mula sa West Valley at East Valley faults, nakakatulong ng malaki sa marami na ang mga malalaking negosyante sa bansa ay may layunin ding matulungan ang mga kababayan nating maapektuhan.
Kaya naman dapat lamang tanggapin nina Mr. Oscar Lopez, Mr. Manuel V. Pangilinan at Mr. Ernesto Garilao, at ng lahat ng iba pang mga kasama sa Earthquake Resilience Conference, ang taos-pusong pasasalamat ng lahat dahil sa kanilang pinagpalang misyon upang mapigilan, kundi man mabawasan ng malaki, ang pinsalang idudulot ng mga lindol at iba pang kalamidad na sinasabing darating na.
-ooo-
PANAWAGAN SA MAYAYAMANG NEGOSYANTE: Magkaganunman, mayroon akong personal na apela sa mga butihing negosyanteng ito, at sa kanilang mga kompanya o mga foundations, ang OML Center for Climate Change Adaptation and Disaster Risk Management, Philippine Disaster Recovery Foundation, at ang Zuellig Family Fouyndation: isama po sana ninyo sa inyong paghahanda ang anggulong espirituwal ng mga trahedyang ito.
Marami na po akong naisulat sa bagay na ito ng espirituwalidad ng mga kalamidad at mga trahedya. Kumbinsido po ako na, kasabay ng mga paghahandang isinasagawa sa ngayon upang maibsan o di kaya ay tuluyang mapaglabanan ang mapaminsalang epekto ng mga ito, dapat turuan ang sambayanan na may mga propehisya o pahayag ng mga magaganap pa lamang ang Bibliya ng mga Kristiyano, kasama ang solusyon sa mga suliraning ito.
Dahil dito, hinihiling ko kay Ginoong Lopez, Ginoong Pangilinan, Ginoong Garilao, at sa lahat ng iba pang mga negosyanteng may mabubuting puso, na isulong ang pag-aaral ng Bibliya at puspusang panalangin, at tutukan ng husto ang mga kapitulo at bersikulo doon na may kinalaman sa global warming at climate change, at mga nakamamatay na ulan, baha, malakas na hangin, at mga lindol.
-ooo-
BIBLE STUDY, ISAMA SA LABAN KONTRA KALAMIDAD: Marahil, maaaring mag-umpisa ang mga natatanging mga taong ito ng mga Bible study at mga prayer sessions sa kanilang mga opisyales at mga empleyado, at maging sa iba pang mga grupo o ahensiya ng pamahalaan na kausap nila sa isyung ito. Pagkatapos, gamit ang media, maikakalat sa publiko sa buong bansa ang pag-aaral na ito ng Salita ng Diyos at sama-samang panalangin.
Sa totoo lang, dapat talagang maipahayag sa mga tao na ang global warming at climate change, at maging ang mga ulan, baha, hangin, at lindol, ay nakadeklara sa Bibliya na resulta ng pagtalikod ng tao sa Diyos, sa kanilang pag-ayaw magbasa ng Bibliya at sumunod sa Kanyang mga utos.
Maaaring taasan ng kilay ng maraming tao ang koneksiyon ng pagsuway sa Diyos at ng mga kalamidad na nararanasan ng halos buong mundo sa ngayon pero, kung maipapakita sa kanila ang katotohanang ang mga kalamidad na ito ay naipahayag na ng Bibliya, baka sakaling maintindihan nila kung papaano maliligtasan ang lahat ng ito!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, programang nagbibigay-kapangyarihan sa araw-araw at ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Bibliya, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
コメント