top of page

Init sa India na 48 degrees, tatama sa RP

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 28, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ngunit kung di na kayo makikinig sa tinig ng Panginoon ninyong Dyos, at di na kayo susunod sa Kanyang mga utos…mapapasainyo ang lahat ng mga sumpang ito… Padadalhan kayo ng Panginoon ng… nag-aapoy na init at tagtuyot…” (Deuteronomio 28:15, 22-23, Bibliya).

-ooo-

KALSADA SA INDIA, NALULUSAW SA MATINDING INIT: Nakita ba ninyo ang mga litrato ng mga nalulusaw na mga aspaltadong kalsada sa maraming mga lunsod sa India dahil sa nakakasunog na init doon, na abot na sa 48 degrees Celsius (o 118 degrees Farenheit)? Ang nasabi ko na lamang sa malagin na mga litratong nakita ko ay, “wow”!Tunay nga, ang sinasabi ng Diyos sa Deuteronomio 28:15, 22-23 ng Bibliya ay nagaganap na, sa buong mundo pa mandin.

Dahil sa napakainit na panahong iyon, may 1,118 katao doon ang namatay, dahil sa heat stroke, dehydration, heat cramps, at heat exhaustion. Ayon sa mga ulat, libo-libong mga mamamayan sa buong India ang nakakaranas ng brownout dahil sa overloaded electrical grids. Basahin po ito sa http://gizmodo.com/photos-of-indias-deadly-street-melting-heat-wave-1707186192.

Ang tunay na nakakatakot sa lahat ng ito ay ang katotohanang tayo sa Pilipinas ay nakakaranas na din ng mainit na temperatura, sa lahat ng sulok ng 7,100 isla ng bansa. Sigurado akong di na din magtatagal bago ang temperaturang 48 degrees Celsius ay tatama na din sa atin. Ang panlaban dito? Magbasa ng Bibliya at manalangin ng totohanan!

-ooo-

ANGGULONG ESPIRITUWAL SA GLOBAL WARMING: Uulitin ko po: lahat halos ng bansa sa mundo, mayaman man o mahirap, ay gumastos na din ng bilyones dolyares upang makahanap lamang ng solusyon sa global warming at climate change, dahil ito na ang kinikilalang ugat ng mga kalamidad, at ng mga kapinsalaan at kamatayan ng marami. Ngunit, wala ni isa man sa kanila ang matagumpay na nakahanap ng solusyon, hanggang ngayon.

Sa totoo lang, nagpapatuloy sa pagdausdos ang mundo sa mas mababagsik na kalamidad. Nagpapapatuloy ang kamatayan ng maraming tao sa mundo, dahil sa mga ulan, baha at hangin, at dahil sa mga lindol. Milyon-milyong mga ari-arian ang nasisira at nagiging basura lamang. At walang solusyong makita saan man, kahit na meron mga summits at mga disaster programs.

Ang dahilan ng kabiguang ito? Maliwanag po: ito ay dahil sa katigasan ng ulo ng mundo, na dahilan upang tanggihan nitong isaalang-alang ang anggulo ng espirituwalidad sa global warming at climate change. Dahil dito, lalong papalapit ng papalapit ang lahi ng tao sa pagkalipol at pagkawasak, ke aminin man natin o hindi.

-ooo-

ANGGULONG ESPIRITUWAL SA GLOBAL WARMING: Ano ba ang anggulong espirituwal ng global warming? Makikita po ito sa maraming bahagi ng Bibliyang Kristiyano, lalo na sa kanyang Deuteronomio 28:15 at 22-24, at sa Mateo 7:24-27. Sinasabi dito na ang global warming at climate change ay darating bilang mga sumpa ng Diyos, dahil di nakikinig ang tao sa Diyos, at di sa siya sumusunod sa Panginoon.

Dahil tumalikod na ang tao sa Diyos---sapagkat di na siya nagbabasa ng Bibliya at di na siya sumusunod sa Diyos---naging napakasama na niya, at naging sakim sa pera at kapangyarihan. At ang pagkasakim na ito ang nagbigay-kakayahan sa kanya upang sirain ang kalikasan---pinutol niya ang mga puno, nilason niya ang hangin mula sa carbon ng kanyang mga paktorya, at nilapastangan niya ang kapaligiran.

Nakita ng Diyos ang lahat ng ito. Sa Genesis 6:5-7 at sa Roma 3:23, kinilala ng Diyos ang kasamaan ng tao. Kaya nagbabala Siya sa magiging resulta ng kasamaang ito: kapinsalaan at kamatayan ay darating sa tao dahil sa global warming. Pero matigas talaga ang ulo ng tao, kaya’t tumanggi siyang huminto sa pagiging masama. Tunay nga, sa impiyerno na pagbabayaran ang lahat ng ito.

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, programang nagbibigay-kapangyarihan sa araw-araw at ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Bibliya, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page