Chacha, kailangan sa RP same-sex marriages
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 28, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan ng mga mananampalataya…” (Roma 1:16, Bibliya).
-ooo-
CHACHA, KAILANGAN SA RP SAME SEX MARRIAGES : Kahit di pag-usapan ang isyu ng espirituwalidad, ang kasong isinampa ng isang binabaeng abogado sa Korte Suprema na humihiling alisin ang mga bahagi ng Family Code na nagsasabing ang kasal dito ay sa babae at lalaki lamang upang payagan na ang same-sex marriages sa atin ay lumalabag sa garantiya ng Saligang Batas ukol sa “kabanalan ng buhay-pamilya…”
Ano ba ang ibig sabihin ng “buhay-pamilya”? Ibig sabihin nito, ayon sa Famil8y Code, ay ang “permanenteng pagsasama sa pagitan ng lalaki at babae ayon sa batas batay sa relasyong ng mag-asawa …” Ayon naman sa www.yourdictionary.com, ang “relasyong mag-asawa ay nangangahulugan ng ugnayang seksuwal sa pagitan ng lalaki at babae.
Tunay nga, tali ang kamay ng Korte Suprema sa isyung ito batay sa sinasabi ng Saligang Batas at ng Family Code. Ang kailangan dito ay di lamang simpleng desisyon ng katas-taasang hukuman o bagong batas na ipapasa ng Kongreso, upang mapayagan ang same sex marriages. Kailangan ng Chacha o Charter Change dito!
-ooo-
DESISYON NG US SUPREME COURT AT BIBLIYA: Ang desisyon ng US Supreme Court na nagpapahintulot sa same sex marriages o pagpapakasal ng lalaki sa lalaki, at babae sa babae, ay di na lamang nagbalewala sa sinasabi ng Bibliya ukol sa kasal na matatagpuan sa kanyang Genesis 1:27, 2:22-24, at Marcos 10:6-8. Ang mga desisyong ito ay kontra sa Bibliya.
Sa Genesis 2:22-24 ng Bibliya, nakasulat: “… Nilalang ng Diyos ang babae mula sa tadyang ng lalaki. Sinabi ng lalaki, `Ito ang buto ng aking buto, ang laman ng aking laman; tatawagin siyang `babae’, sapagkat hinugot siya mula sa lalaki’. Kaya naman iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng babae, at sila ay hindi na dalawa, kundi iisa na lamang…”
Sa Marcos 10:6-8, nakasulat: “… `Sa umpisa pa lamang, nilalang ng Diyos ang tao bilang lalaki at babae. Dahil diyo, iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magsasama sila ng babae, at sila ay hindi na dalawa kundi iisa na lamang.’ Itinampok ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa bersikulong ito ang Genesis 1:27, na ang nilalang ng Diyos bilang tao ay lalaki at babae---hindi lalaki at lalaki o babae at babae.
-ooo-
SAME SEX: SAAN TAYO PATUNGO? Itinuturo din ng Bibliya na ang same sex marriages kung saan ang pinagnanasaan na ng lalaki ay ang kanyang kapwa lalaki, at ang babae naman ay nakikipag-ugnayan na sa kanyang kapwa babae, ay kumakatawan sa isang madilim na sumpang pinahintulutan ng Diyos mismo, dahil na rin sa pagtalikod sa Diyos ng tao, at sa kasamaan at katiwalian ng marami. Ipinapahayag ito ng buong tapang ng Bibliya sa Roma 1:18-32.
Sa kabatiran ng lahat, naririto po ang ilang bahagi ng mga bersikulong ito: “… Sapagkat bagamat kilala nila ang Diyos, hindi nila ito niluwalhati ni pinasalamatan man lamang, dala ng pagdidilim ng kanilang mga isip at kabuktutan ng kanilang mga puso. Dahil diyan, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masasamang pita upang mapuno ng kahalayan ang kanilang mga katawan…
“Dahil diyan, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang nasa. Maging ang kanilang mga kababaihan ay nagumon na sa mga hindi karapat-dapat na pakikipag-ugnayan sa laman. Ganundin ang kanilang mga kalalakihan: tinanggihan na nila ang natural na pakikipag-ugnayan sa mga babae, at sa halip ay sa kapwa lalaki na sila pinag-aapuyan ng pagnanasa. Gumawa sila ng kahalayan sa kapwa lalaki, kaya naman sila ay tatanggap ng parusa… At dahil hindi nila inisip na kilalanin ang Diyos, hinayaan sila sa masasamang isip…
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, programang nagbibigay-kapangyarihan sa araw-araw at ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Bibliya, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replays: www.facebook.com/angtangingdaan at www.facebook.com/ANDKNK at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comentários