top of page

Bigo ang mga Pilipino bilang Kristiyano

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 26, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung ganun, hinihimok ko kayo mga kapatid, sa harap ng awa ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang mga buhay na handog, banal at kasiya-siya sa Diyos---ito ang inyong tunay at tamang pagsamba…” (Roma 12:1, Bibliya).

-ooo-

BIGO ANG MGA PILIPINO BILANG KRISTIYANISMO: Naniniwala ako na napakalawak na ngayon ng kabiguan sa kabanalan at espirituwalidad at maging ng Kristiyanismo ng mga Pilipino. At pansinin po ninyo, hindi ko sinabing bigo ang Katolisismo, o bigo ang iba pang mga relihiyon.

Walang kinalaman ang relihiyon dito. Kung nagpapakababa na sa ngayon ang maraming Pilipino sa antas ng mga hayop na di marunong magmahal sa kanilang kapwa, ito ay dahil sa nawala na sa kanila ang kinakailangang kabanalan upang masuheto nila ang masasamang nasa.

Kung titingin tayo sa ating kapaligiran sa ngayon, makikita nating karamihan sa atin ay wala ng pakialam sa kapakanan ng ibang tao, maliban na lamang sa ating mga pamilya. Ang tanging nais na lamang nating pakialaman sa ngayon ay ang ating pansariling mga interest, pansariling nasa, at pansariling kasiyahan, kahit na sa ating pagsusumikap na makamtan ang mga ito ay makakasakit o makakapinsala tayo ng ating kapwa.

-ooo-

MGA PILIPINO, HIWALAY NA SA DIYOS: Ito ang dahilan kung bakit nakikita natin ang maraming mga tao na naglulunoy sa grabeng mga bisyo gaya ng alak at droga, sa harapan pa mandin ng iba, at kung bakit marami na ang walang kiyeme sa paggawa ng korapsiyon, sa pang-aabuso ng kanilang mga tanggapan at ng mga taong nasa ilalim nila, sa pagnanakaw at pandarambong ng bilyon-bilyong salapi, sa panggagahasa kahit na ng mga kamag-anak nila, pagpatay, o pamemerhuwisyo sa iba.

Bakit ganito na ito? Bakit bigo ang espirituwalidad sa atin---daan upang wala na tayong takot at pagmamahal sa Diyos? Simple po ang sagot. Halos lahat na ng Pilipino ay di na nagbabasa ng Bibliya, at di na nakikinig at di na sumusunod sa Diyos.

Dahil marami ang di na nagbabasa ng Bibliya, lumaki silang wala ang Diyos sa kanilang mga puso. Dahil wala ang Diyos sa kanilang puso, hulaan ninyo kung sino ang nandodoon. Ito ang dahilan kaya marami ang mapapahamak at mamamatay ng ikalawang beses sa impiyerno.

-ooo-

MGA PATAY, PUWEDE PANG IPANALANGIN AT BASAHAN NG BIBLIYA: Naririto po ang dalawang bahagi ng Bibliya, mula sa 1 Pedro, na nagpapatunay na ang mga taong namatay na ay maaari pa ring maipanalangin at basahan ng mga Kasulatan, upang kahit sila ay namatay sa kasalanan, mabubuhay pa rin sila ng walang hanggan, kasama ang Diyos.

“Sapagkat si Kristo… ay namatay sa laman subalit muling nabuhay sa Espiritu. Matapos siyang buhaying muli, tinungo Niya ang mga nakakulong na mga kaluluwa at nagpahayag sa kanila---sa mga kaluluwang hindi sumuno sa Diyos noong matiyaga Siyang naghintay sa panahon ni Noa habang ginagawa nito ang daong…” (1 Pedro 3:19).

“Sapagkat ito ang dahilan kung saan ang ebanghelyo ay ipinangaral maging ddon sa mga patay na, upang sa kanilang paghuhukom ay tutuusin sila ayon sa batayang pang-tao ukol sa katawan, subalit mamumuhay sila sa espiritu sa harapan ng Diyos…” (1 Pedro 4:6).

-ooo-

MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang programang nagbibigay-kapangyarihan sa mga Pilipino araw-araw at nagbibigay ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga kautusan sa Bibliya, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replay, mag-log on sa www.facebook.com/angtangingdaan, at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Mga telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.

-30-


 
 
 

Comentarios


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page