Dahilan kung bakit may sakit ang tao
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 25, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Sinuman sa inyo ang nakikinig sa mga sinasalita ko at nagsasagawa ng mga ito ay matutulad sa taong matalino na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato. Umulan, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon ngunit di ito bumagsak sapagkat nakatayo ito sa bato’…” (Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 7:24-25, Bibliya).
-ooo-
MAY SAKIT BA KAYO? Naririto po ang tatlong hanay ng mga bersikulo sa Bibliya na nagtuturo sa atin kung ano ang dapat nating gawin upang ating mapagtagumpayan ang mga sakit at karamdaman sa ating mga katawan, kasama siyempre ang mga gamot-parmasiyotika at mga payo ng mga duktor.
Ang unang hanay ng mga bersikulo ay galing sa Santiago 5:13-15, at ito ay nagsasabi: “May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang mga pinuno ng inyong mga simbahan at ipanalangin sila at pahiran ng langis, sa pangalan ng Panginoon. At ang panalanging may pananampalataya ang magpapagaling sa may sakit; ibabangon sila ng Panginoon…
“Kung sila ay nagkasala, patatawarin sila. Dahil diyan, ipagtapat ninyo ang inyong mga sala sa bawat isa, at ipanalangin ang kapwa upang maibigay sa inyo ang kagalingan. Ang panalangin ng taong matuwid ay mabisa at makapangyarihan…”
-ooo-
BAKIT MARAMI ANG MAY-SAKIT AT NAMAYAPA NA? Ang pangalawang hanay ng mga bersikulo ay galing sa Isaias 40:29-31, na nagsasabing “Nagbibigay Siya ng kalakasan at dinadagdagan Niya ang kapangyarihan ng mga mahihina. Maging ang mga kabataan ay napapagod at nadidismaya, at marami sa kanila ang napapariwa; ngunit muling lumalakas at sumisigla ang mga nagtitiwala ng Diyos. Lilipad silang parang may mga pakpak ng agila; tatakbo sila ngunit di sila mahahapo; maglalakad sila ngunit di sila mapapagod.”
Ang pangatlong hanay ng mga bersikulo ukol sa kalusugan ay galing sa 1 Corinto 11:27-30: “Kaya naman, sinuman ang kumain at uminom sa kaparaanang hindi karapat-dapat sa Panginoon, ay itinuturing na nagkasala laban sa katawan at dugo ng Panginoon…
“Ang lahat ay nararapat lamang magsiyasat ng kani-kanilang sarili bago sila kumain o uminom. Sapagkat ang mga kumakain at umiinom na hindi isinasaalang-alang ang katawan ni Kristo ay kumakain at umiinom ng kapan sa kanilang mga sarili. Kaya marami na ang mahina at maysakit, samantalang ang iba ay namayapa na…”
-ooo-
PANANAMPALATAYA SA DIYOS AT KALUSUGAN: Ang lahat ng mga bersikulong ito ay maliwanag ang sinasabi, at hindi na dapat pa ang karagdagang pagpapaliwanag. Simple lamang ang mga katuruang taglay nila kung tayo ay may sakit na, at kung ano ang dapat nating gawin upang makaiwas sa pagkakasakit. Dapat po nating intindihin na ang lahat ng ito ay nakasalalay sa ating pananampalataya sa Diyos---ang mas malakas na pananampalataya ay magbibigay ng mas magandang kalusugan.
Sa madaling salita, ito ang mga alituntuning dapat nating isipin sa lahat ng sandali: kung tayo ay kakain at iinom sa lahat ng sandali, kailangan nating isaalang-alang ang katawan at dugo ni Kristo Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, at ipanalangin na ang ating kinakakin at iniinom ay maging Kanyang katawan at dugo.
At, kung makikita natin ang sintomas ng anumang sakit kaninuman, ipatawag natin ang mga pinuno ng ating simbahan, upang ipanalangin ang may-sakit at pahiran sila ng langis sa Ngalan ng Panginoon. Kung ang mga ito ang gagawin natin, bababa sa atin ang kagalingan at kalusugan ng Diyos, na siyang magpapagaling sa ating lahat. Dapat nating subukan ang lahat ng ito, ngayon na!
-ooo-
MAKINIG: “Ang Tanging Daan”, isang programang nagbibigay-kapangyarihan sa mga Pilipino araw-araw at nagbibigay ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga kautusan sa Bibliya, ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band. Sa mga replay, mag-log on sa www.facebook.com/ANDKNK, at hanapin “Ang Tanging Daan” daily broadcast. Mga telepono: 0922 833 43 96, 0918 574 0193, 0917 984 24 68. Email: batasmauricio@yahoo.com.
-30-
Comments