Masamang magulang, masamang mga anak
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 24, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: "... Turuan mo ang bata sa daang dapat niyang tahakin, at ito ay hindi na niya lilimutin, kahit na siya ay tumanda na rin..." (Kawikaan 22:6, Bibliya).
-ooo-
MGA KABATAANG PINOY, NAGHIHIMAGSIK: BAKIT? Napansin ba ninyo kung paanong ang mga kabataang Pilipiino sa ngayon, kahit na sila ay napakabata pa at halos di pa napuputol ang pusod nila mula sa kanilang mga ina, ay lantarang nagpapakita na ng paghihimagsik at ng mga nakakahiyang mga pagkilos na para bagang kasama nilang isinilang ang kasamaan sa kanilang mga puso at isipan?
Maraming mga magulang ang tatanggi, pero matindi ang katotohanan at di na ito mapapasubalian: marami ng mga kabataan mula sa lahat ng sektor ng lipunang Pilipino, sa mga mayayaman at mahihirap na mga pamilya, sa mga lunsod at mga nayon, at mula sa lahat ng sulok ng kapuluan, ang di na nako-kontrol ng kanilang mga magulang, ng mga nakatatanda, ng kanilang mga guro o ng mga autoridad, sa barangay man o pulisya.
Mahirap lunukin ang bagay na ito pero, napapansin na po na maraming mga kabataan ang kung kumilos ay para bang ang rebelyon at paghihimagsik ay nakaukit na sa kanilang mga pagkatao. Maging ang mga batang hindi pa man nakakapagsalita ng maayos ay may kakayahan ng magluko, magmura, at magsalita ng masasama, kahit na laban sa kanilang mga magulang, na tila ba ito na ang kanilang nakagawian sa buong buhay nila.
-ooo-
MASAMANG MAGULANG, MASAMA DIN ANG MGA ANAK: Bakit ba nangyayari ito? Papaano bang ang mga napakabata pang mga Pilipino ay nakakayanan ng maging masyadong masama? Saan sila natututong magmura, magsalita ng masasakit sa kapwa, magpakita ng mga nakakahiyang mga gawain, kaya kahit na ang kanilang mga sariling magulang ay di napipigilan na mag-isip kung paaanong wawalain na lamang ang kanilang mga anak.
Gaya nga ng sinasabi ng kantang "Sunrise, Sunset", kelan ba nangyari na ang mga kabataang Pilipino ay lumaki ng masama ang pag-uugali, masama ang tabas ng mga dila at wala ng kahit munti mang bahid ng pananampalataya? Bakit ba napakarami na sa kanila sa ngayon ang nagpapakita ng kakayahang maging kriminal, at gumawa ng kahit na mga karumal-dumal ng krimen?
Ang sagot? Sa aking tingin, nakuha ang lahat ng ito ng ating mga anak sa panahong sila ay naglalakbay pa lamang mula sa imbakan ng mga ama hanggang sa sila ay magsama na ng itlog na nanggagaling naman sa sinapupunan ng mga ina. Sa madaling salita, ang ganitong mga pag-uugali, nakapanlulumo at nakakahindik, ay nag-umpisang mabuo mula noong sila ay mabuo mula sa atin, na tila ba ginaya nila ang sarili nating mga pag-uugali.
-ooo-
PAGBABAGO PARA SA ATING MGA ANAK: Dahil diyan, kung tayong mga magulang ay mga rebelde at mapanghimagsik, masama ang pag-uugali at nakakahiya ang mga asal, maliwanag na ang ating mga sariling mga anak ay magmamana ng lahat ng kasamaan nating ito. Tunay nga, mamanahin ng mga anak natin ang ating mga pagkatao.
Tunay nga, ang bunga ay nakikilala sa pamamagitan ng punong pinagmulan nito. Ang mga magulang na nagpakita ng kasamaan habang sila ay mga bata pa, ay magbubunga ng mga anak na magpapakita din ng kasamaan. Papaano bang mamumunga ng santol ang isang puno ng bayabas, di ba? Malibang maintindihang mabuti ito ng mga magulang, lilitaw na wala na tayong magagawa pa laban sa mga tiwaling mga kabataan.
Puwera na lamang, siyempre, kung hihingin natin ang pagkilos ng Diyos upang magbago ang ating mga anak. Pero paano magaganap ito? Kailangan nating malaman ang mga prinsipyo ng Diyos para sa maayos na pagpapalaki ng mga bata, at iyon ang ating susundin. Makikita ang mga ito sa Bibliya, lalo na sa Kawikaan 22:6, Efeso 6:4, Deuteronomio 6:4-9. Maliwanag lamang na ang mga magulang ay kailangan ding baguhin ng Diyos siyempre.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) and Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Yorumlar