top of page

Kaalyado ni PNoy, ayaw kay Mar Roxas sa 2016

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 24, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Tatawagin ko ang aking ibong mandaragit mula sa silangan---isang lider mula sa malayong lupain ang tatayo upang isagawa ang aking layunin…” (Isaias 46:11, New Living Translation, Bibliya).

-ooo-

PNOY, MAG-A-ALA CORY, IIWANAN SI MAR ROXAS SA 2016: Sa takbo ng mga kaganapan kaugnay ng halalang pampanguluhan sa 2016, lumiliwanag na ng todo na ang ginawang pag-iwan ng Pangulong Corazon C. Aquino kay dating House Speaker Ramon Mitra Jr. bilang kandidatong pangulo noong 1992 elections upang paboran si dating Defense Secretary Fidel Ramos ay gagawin din ng kanyang anak, ang Pangulong Benigno Aquno III, sa halalan sa susunod na taon.

Nakahanda akong pumusta na iiwanan din ng kasalukuyang Pangulong Aquino si Secretary Mar Roxas bilang kandidatong pangulo sa 2016 elections. Sa halip pipili si Aquino ng kandidato mula sa labas ng Liberal Party ni Mar Roxas, at malamang ito ay ang bagito pa lamang sa pulitikang si Sen. Grace Poe Llamanzares, anak ng 2004 presidential candidate na si Fernando Poe Jr.

Magiging malaking dagok ito kay Mar Roxas, lalo na at isasa-alang-alang na siya ay nagparaya kay Aquino noong halalan ng 2010, daan upang umangat si Aquino bilang pangulo noong taong iyon. Tunay nga, kung di nagbigay-daan si Roxas kay Aquino at di ito pumayag kumandidatong vice president na lamang, nahirapan sana si Aquino na manalo.

-ooo-

MGA KAALYADO NI PNOY, AYAW KAY ROXAS SA 2016: Kaya lang, sigurado akong naiintindihan na ni Aquino at ng mga nakapalibot sa kanyang nagnanais maipanalo ang kanilang kandidato sa 2016 na tila wala ng pag-asa pa ang pagtakbo ni Mar Roxas sa pinakamataas na posisyon sa bansa, kahit na marami pa din, gaya ko, ang naniniwalang siya pa din ang pinaka-matinding kandidato talaga ng Liberal Party.

Dahil parati na lamang siyang kulelat sa mga survey, at ni hindi niya nahihikayat ang mga Pilipino, lalo na yung mga tinatawag na middle class, na magustuhan siya, kasama na ang tila ba lagi na lamang may mali sa kanyang mga ginagawa sa lahat ng bagay, itinuturing na si Mar Roxas bilang talunan sa 2016, kahit gaano pa kabigat ang pagsusumikap ng kanyang mga kasama sa Liberal Party na siya ang isulong.

Dahil dito, at sa marami pang ibang dahilan, hinihimok si Aquino na kalimutan na lamang ang pagpaparaya sa kanya ni Roxas noong 2010. Ang mga malalapit na kaalyado ni Aquino, at yung mga ayaw na makita siyang nakakulong matapos siyang maging pangulo sa 2016, ay pilit na pinagsasaklob ang langit at lupa sa ngayon upang pilitin siyang huwag si Roxas ang kanyang pipiliing kandidato.

-ooo-

MERCADO FOR SENATOR SA 2016? Sa mga madalas bumiyahe sa North Luzon Expressway lalo na doon sa mga patungo sa Manila, sigurado akong di makakaligtas sa inyong paningin ang isa o dalawang malalaking billboard doon na tila ba pumupuri sa isang nagngangalang “Mercado” bilang isang krusado sa katotohanan at kalaban ng katiwalian.

Kaya lang, hindi naman sinasabi ng mga billboards na ito kung ano ang unang pangalan ng nasabing “Mercado”. At hindi din naman sila nagpapahiwatig kung ito ba ay lalaki o babae, o kung bakit sinasabing laban siya sa katiwalian. Maliwanag, ito ay isang estilo ng pagpapakilala lamang, na ang layunin ay magkaroon ng interest ang mga makakabasa sa kanila, at tuloy subukang hulaan kung sino ba ito.

Sa akin naman, eto ang hula ko: Ang “Mercado” na ito ay walang iba kundi si Ernesto Mercado, ang dating tapat kaalyado ni Vice President Jejomar Binay, na siyang dating bise alkalde ng Makati City, at ngayon ay mapait ng kaawan ng pamilya Binay. May nagnanais bang tumakbo siya bilang senador sa 2016, at ng sa ganoon ay maipagpatuloy nito ang kayang mga bira sa bise presidente?

-ooo-

MAKINIG: Sumasahimpapawid na po ang palatuntunang “Ang Tanging Daan”, isang programang naglalayong bigyang kapangyarihan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga kautusan sa Bibliya sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at makapagbigay ng katiyakan ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan. Mapapakinggan po ito Lunes hanggang Biyernes, alas 6:30 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi, sa DWAD 1098 kHz sa AM band.

-30-


 
 
 

Comentarios


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page