Sobrang init: sumpa ng Diyos?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 21, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang Diyos ay hindi tao upang siya ay maging sinungaling, o isang nilalang upang magpabago-bago ng isip…” (Bilang 23:19, Bibliya).
-ooo-
REPOST 2013: HEAT WAVE: MAY MAGAGAWA BA TAYO? Basahin po natin minsan pa ang isang artikulo mula 2013: “Ang babala ng PAGASA, o ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, na may tatamang heat wave---o sunod-sunod na araw na napakainit ng panahon----sa ating bansa sa mga darating na linggo ay nagbabadya ng kapinsalaan at kamatayan…
“May magagawa ba ang Pilipino sa heat wave na ito, sakaling ito ay dumating na nga? O di kaya, may magagawa ba ang Pilipino upang pigilan ang pamiminsala ng heat wave sa mga tao o sa buong bayan? Tunog imposible man ito pero, ang sagot ko po ay, oo, may magagawa ang sambayanan upang mabawasan o di kaya ay tuluyang maiwasan natin ang pinsalang dulot ng nakakatakot na heat wave.
-ooo-
BATAYANG ESPIRITUWAL NG HEAT WAVE: “Ano naman itong maaaring magawa natin laban sa paparating na heat wave? Ito ay ang totohanang pakikinig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga utos. Para sa mga Kristiyano, mangangahulugan ito ng pagbabasa ng bibliya at pagsunod sa mga kautusang nakaukit sa mga pahina nito.
“Para naman sa mga Muslim at sa mga ibang mananampalataya, mangangahulugan ito ng pagbabasa ng Koran o ng iba pang mga Banal na Aklat, at pagsunod din sa mga nakasulat doon. Sa madaling salita, upang labanan ang heat wave, dapat tayong magbalik sa Diyos sa lalong madaling panahon.
“Sapagkat aminin man natin o hindi, malaki ang kaugnayan ng heat wave sa kabanalan, espirituwalidad at sa Bibliya, at least sa mga Kristiyano. Kasi, sa dalawang bersikulo ng Banal na Aklat, nakasulat na doon na darating nga ang heat wave, bunsod ng kabiguan ng tao na makinig sa Diyos---na ang ibig sabihin, dahil sa hindi na kasi nagbabasa ang tao ng Bibliya---at ng pagsuway ng tao sa mga utos ng Panginoon.
“Ang una sa dalawang bersikulong ito ay makikita sa Deuteronomio 28:15 at 22, na nagsasabi: `Subalit kung hindi na kayo makikinig sa tinig ng Diyos at hindi na susunod sa Kanyang mga utos, ang lahat ng mga sumpang ito ay darating sa inyo… Padadalhan kayo ng Diyos ng nakakapasong tag-init at matinding tagtuyot…’
-ooo-
KAUGNAYAN NG HEAT WAVE SA BIBLIYA: “Ang pangalawang bersikulo ay mababasa naman sa Deuteronomio 28:13 at 23, na nagsasabing ang langit sa ating ulunan ay mag-aapoy sa init, at ang lupang ating nilalakaran ay magiging sintigas ng bakal, habang pauualanan naman tayo ng alikabok mula sa langit. Sa pagsusuri ng mga bersikulong ito, makikita nating nagkakaroon ng tag-init dahil di na tayo nagbabasa ng Bibliya at di na sumusunod sa utos ng Diyos.
“Pero, maaaring may magtanong: ano nga ba ang kaugnayan ng kabiguang basahin ang Bibliya at sumunod sa Diyos sa heat wave, o matinding tag-init at tagtuyot o maging ng global warming at climate change? Marami, at mangangailangan ng mas mahabang paliwanagan sa pamamagitan ng mas maraming kolum ang isyung ito.
-ooo-
PAGTANGGAP SA SALITA NG DIYOS UKOL SA HEAT WAVE: “Sa ngayon, iisa lang ang tanong ko: may karapatan ba tayong kuwestiyunin ang sinabi ng Bibliya ukol sa kaugnayan ng heat wave at ng di na pagbabasa ng Bibliya at di na pagsunod sa Diyos? Kung ito nga ang sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, sino tayo upang kuwestiyunin o pagdudahan ito? Gaya ng sinasabi ng Bilang 23:19, `ang Diyos ay hindi tayo upang siya ay magsisinungaling, at di nilikha upang magpabago-bago ng isip’…”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) and Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comentarios