Pinakamabuting depensa sa lindol sa NCR
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 21, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at isasapuso mo ang aking mga utos, at pakikinggan mo ang karunungan at pagsusumikapang magkaroon ng kaunawaan… makikilala mo ang takot sa Panginoon at makikita mo ang karunungan mula sa Diyos…” (Kawikaan 2:1-2, 5, Bibliya).
-ooo-
MULTO NG 2013: LINDOL SA PALIGID NG RP: “Sa ganang akin lamang, kailangan na ngang maghanda ng puspusan ang Metro Manila para sa tinatawag na `big bang’, o yung Magnitude 7 o higit pa na lindol na ayon sa mga siyentipiko ay tatama na sa National Capital Region (NCR) sa malapit na hinaharap.
“Ang mga lindol na tumama sa Visayas at Mindanao, at yung malakas na tumama minsan pa sa Japan noong isang araw lamang, ay nagbabadya na niyuyugyog na ng malalaking paglindol ang iba’t ibang mga lugar sa kapaligiran ng Metro Manila at ng buong Pilipinas, daan upang lalong nakatitiyak ng pagkakaroon naman ng ibinababalang malaking pagyanig sa NCR anumang sandali.
“Hindi po tayo nananalangin na maganap na nga sana ang lindol na ito, subalit ang mga siyentipiko ang siyang nagsasabi na ang ganitong kalakas na paglindol ay naka-iskedyul na ngang mangyari. Kung magkakagayon… magiging malaki ang pinsalang idudulot nito, kasama na ang kamatayan ng higit sa 60,000 katao, ang pagkakasugat ng daan-daang libong iba pa, at ang paglubog ng halos 40 porsiyento ng kalupaan sa Metro Manila.
-ooo-
PAGHAHANDA SA MALAKING NCR EARTHQUAKE: “Anong epektibong paghahanda ba ang kailangan… sa harap ng malagim na pangitaing ito? Kailangang ito ay paghahandang may pagkilala na ang mga lindol na nagaganap sa… ngayon ay ibinabala na noon pa man… ng Bibliyang Kristiyano. Dahil diyan, kaakibat ng mga paghahanda ng pamahalaan, kung mayroon man, dapat ding maghanda tayo sa larangang espirituwal.
“Ano ang paghahandang espirituwal na tinutukoy ko dito? Ito ay ang pagkilos upang ibalik muli ang sambayanan sa Diyos, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang Salita (ang Bibliya sa mga Kristiyano, at sa iba pang mga banal na aklat para sa ibang mananampalataya), at masusing pagsunod sa Kanyang mga utos mula ngayon. Papaano ito maisasakatuparan?
“Umpisahan po dapat ito ng iba’t ibang mga relihiyong isinilang sa bansa. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, nararapat lamang magsumikap ang mga grupong ito na utusan ang kanilang mga kasapi na magbasa ng Bibliya araw-araw, mag-aral nito araw at gabi, at magsumikap na matupad ang mga nakasaad doon sa lahat ng sandali. Itong tatlong ito lamang ang natatanging paraan… na makakapigil sa kamay ng Diyos kung mga trahedya at kalamidad ang pag-uusapan.
-ooo-
BATAYAN SA BIBLIYA NG MGA LINDOL: “Sa Mateo 24 ng Bibliya, sinabi ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas: `… Lumapit kay Jesus ang mga disipulo at nagtanong, `kailan mangyayari ang inyong muling pagbabalik at ang wakas ng mundo?’ Sumagot si Jesus… Magkakaroon ng… lindol sa maraming dako…”
“Sa Isaias 5:25 ng Bibliya, doon ay nakasulat: `… tinanggihan nila ang kautusan ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat at tinalikuran ang Salita ng Banal ng Israel. Dahil diyan, nag-aapoy ang galit ng Panginoon… ang Kanyang kamay ay … nakahandang magparusa. Nayuyugyog ang mga bundok, at ang mga bangkay ay ikinakalat sa mga lansangan ng parang mga dumi…’
“Sa Lucas 21:11 ng Bibliya, nakasaad doon: `… Magkakaroon ng mga lindol, taggutom at kamatayan sa lahat ng dako, kasabay ng mga nakapangingilabot na mga kaganapan, at mga tanda mula sa langit…’ Magkagunman, mayroon pa ring nalalabing oras para tayo maghanda. Dapat tayong kumilos sa paraang di tatanggihan ng Diyos, upang maipag-adya tayo sa kamatayan at kapinsalaan ng malaking lindol sa Metro Manila.”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) and Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments