Panawagan: piliin ang maka-Diyos sa 2016
- By: Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 18, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magsasama sila ng kanyang asawa, at hindi na sila dalawa kundi iisa na lamang’. Kaya’t ang sinumang pinagsama ng Diyos ay di dapat paghihiwalayin ng tao’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Marcos 10:7-9, Bibliya).
-ooo-
SALAMAT SA DIYOS SA IKA-35 ANIBERSARYO: Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos, sa Ngalan Ni Jesus, sa Kanyang pahintulot na maranasan namin minsan pa ng aking asawang si Angelina (ang dating Paranaque City judge) at ng aming anak na si Maria Luisa (graduating student ng UP College of Law sa June 2015, God willing), ang isa na namang anibersaryo ng aming kasal, na ngayon ay ika-35 taon na. Purihin ang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo!
-ooo-
TUNTUNIN SA MGA IBOBOTO: PAALA-ALA MULA 2012: Naririto po ang isang updated repost (na bahagyang binago) mula Oktubre 01, 2012, na sa aking tingin ay lubhang mahalagang malaman ng ating mga kababayan patungkol sa nalalapit na halalang pampanguluhan sa 2016. Basahin po natin at limiin:
“Hayun, tuluyan ng nag-umpisa ang (kaguluhan ukol sa halalan sa 2016) sa pamamagitan ng (nalalapit na) pagsusumite ng mga certificates of candidacy ng mga interesadong tatakbo... Ang deadline ay (papalapit na), ayon sa Commission on Elections (Comelec). Ngayon, higit kailanman, kailangang alamin natin ang mga batayang dapat isaalang-alang ng lahat sa paghahalal ng mga susunod na opisyales.
-ooo-
MGA KANDIDATO DAPAT MAY ESPIRITU NG DIYOS: Ang unang batayan: kailangang ihalal ang isang kandidatong may Espiritu ng Diyos. Tanging ang kandidatong pinananahanan lamang ng Espiritu ng Diyos ang may takot at pagmamahal sa Diyos, at siyang magiging mahusay sa pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang halal na opisyal ayon sa Salita ng Diyos, at siyang iiwas sa pagnanakaw at pang-aabuso.
Ang pangalawang batayan: kailangang ihalal natin ang mga kandidatong may kakayahan at kaalaman sa mga posisyong tinatakbuhan nila, ganundin ang mga galit sa masamang kita o ganansiya, at may takot at pagmamahal sa Diyos. Ang mga kandidatong ito ay siguradong makakagawa ng mabuti matapos silang mahalal, sapagkat itatampok nila ang Diyos, ang bansa, at ang sambayanan.
Ang pangatlong batayan: kailangang ihalal natin ang mga kandidatong magiging alipin ng mga nasasakupan nila. Sobrang dami na kasi ng mga kandidatong nagmistulang mga hari at reyna ng mga taong dapat ay pinagsisilbihan nila matapos silang manalo, kaya’t ang sarili lamang nilang interest ang kanilang pinahalagahan at itinampok, sa kapinsalaan ng bayan.
-ooo-
MGA BATAYAN SA PAGPILI NG MAHUSAY NA KANDIDATO: Ang unang batayan ay hango sa Genesis 41:38 ng Bibliya, kung saan naghahanap noon ang Hari ng Egipto ng taong makakapagligtas ng kanyang bansa sa kapinsalaang dulot ng pitong-taong taggutom na ibinabala ni Jose, anak ni Jacob.
Ang pangalawang batayan ay kinuha naman sa Exodo 18:21, kung saan ipinaliwanag ni Jethro, ang biyenan ni Moses, kung sino ang dapat niyang itatalagang mga lider. Ang pangatlong batayan ay halaw naman sa Marcos 10:43-44, kung saan ipinaliwanag ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, kina Juan at Santiago, mga anak ni Zebedee, kung sino ang dapat itanghal na lider, ayon sa kalooban ng Ama.
-ooo-
PANAWAGAN: PILIIN ANG MAKA-DIYOS SA 2016: Ako po ay nanawagan sa lahat ng ating mga kababayan na wala ng patutunguhan pa, o hirap sa buhay ng napakatagal na, o di man lamang nakaranas ng sarap sa buhay: piliin natin ang mga kandidatong magpapakita ng mga kuwalipikasyong binaggit dito. Ito lamang ang paraan upang matigil na ang ating pagdurusa, paghihirap, kawalan ng katarungan, at maging ng korapsiyon ng mga pulitiko.
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comentários