Mar Roxas, pinakamahusay pa ring LP bet sa 2016
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 17, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Pagtiwalaan ninyo ang inyong mga pinuno, at magpasakop kayo sa kanilang kapangyarihan…” (Hebreo 13:17, Bibliya).
-ooo-
MAR ROXAS, PINAKAMAHUSAY PA RING LP BET SA 2016: Isa ako sa mga tunay na naniniwalang si Secretary Mar Roxas pa din ang pinakamatindi at pinaka-kuwalipikadong kandidato sa panguluhan na pupuwedeng ilaban ng Liberal Party para sa 2016 elections, lalo na kung isasaalang-alang ang kanyang kuwalipikasyon, malawak na karanasan sa gobyerno, at sa kanyang personal na yaman.
Oo naman, nangungulelat pa rin siya sa mga survey, at maraming tao ang tila ba di siya itinuturing na magiging mabuting pangulo ng bansang ito, pero, sa totoo lang, itong si Mar Roxas ang uri ng presidente na kailangan na kailangan sa ngayon. Naniniwala akong kung mabibigyan lamang siya ng tamang pagsulong sa media, at mailalabas ang kanyang mga kakayahang maging pangulo, iboboto siya ng tao.
At bakit naman magiging mabuting kandidato bilang pangulo ng LP sa 2016 si Mar Roxas? Una, maliwanag na sa kabila ng kanyang matagal-tagal na ding panunungkulan sa iba’t ibang departamento ng pamahalaan, mula lehislatibo hanggang ehekutibo, di siya direkta o personal na nasangkot, pati na ang pamilya niya, sa anumang katiwalian sa gobyerno.
-ooo-
MAR, HANDANG-HANDA NA BILANG PANGULO: Tunay nga, may mga sitsit ng korapsiyon sa hanay ng mga opisyales ng mga ahensiyang kanyang pinamunuan, pero maliwanag na ang mga usapang ito ay nakasentro lamang sa mga nasabing opisyales, at di nakakarating kay Mar Roxas. Kamangha-mangha ito, kung ako ang tatanungin, at nagpapatunay lamang ito na wala siyang kinalaman sa mga nasabing tiwaling mga transaksiyon.
Pangalawa, matindi ang preparasyon ni Mar kung ang edukasyon ang pag-usapan, lalo na sa larangan ng pananalapi at ekonomiya. Nagtapos siya ng kanyang elementarya at high school sa Ateneo de Manila University. Tapos, nag-aral siya sa Wharton School of Economics sa University of Pennsylvania, kung saan nagkamit siya ng ng economics degree noong 1979.
Pangatlo, mahusay na pulitiko si Mar. Sa edad na 35, naging kinatawan siya ng unang distrito ng Capiz. At bilang pagpapakita ng kanyang liderato, madali siyang naging majority leader ng Kamara de Representantes. Noong 2004, naging senador si Roxas sa botong 19 na milyon, na siyang pinakamataas na botong nakuha ng sinumang kandidato sa pambansang posisyon sa Pilipinas.
-ooo-
KAKAYAHAN NI MAR, NAPATUNAYAN NA: Pang-apat, napatunayan na ni Mar Roxas ang kanyang kakayahan sa mga batas na kanyang iniakda, gaya ng RA 8759 (na nagtatag ng tanggapan sa bawat bayan at lungsod upang tulungan ang mamamayan na makahanap ng trabaho), at RA 7880 (na sumiguradong ang pondo sa edukasyon ng mga kabataan ay ibibigay ng maayos sa lahat ng lalawigan), pati na ang 43 bills at 46 na resolusyong inihain niya sa 13th Congress upang kontrahin ang smuggling, at suportahan ang paggawa, edukasyon, at ekonomiya.
Noong siya ay maging secretary of trade and industry, sinikap niyang itaguyod at isulong ang mga palengke sa bawat lungsod at bayan upang maging pinaka-sentro ng ekonomiya at sandigan ng kaunlaran, kaakibat ng pagbibigay pansin sa consumer welfare and protection at trade and investment policies.
Marami pa akong puwedeng sabihin pero ang punto ko lang: mayroon ba sa LP na makakapantay man lamang sa mga tagumpay na ito ni Mar Roxas? Mawalang-galang na po pero kahit na sa mga sinasabing mas popular kay Mar ngayon, wala man lamang nakakalapit sa kanyang mga ginawa. Dapat bigyan si Mar ng pagkakataong patunayan ng kanyang sarili ngayon!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments