Sino ang mahusay na lider para sa RP?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 12, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kaya tinanong sila ng Faraon, `May makikita pa ba tayong isang tao na pinananahanan ng Espiritu ng Diyos?’…” (Genesis 41:38, Bibliya).
-ooo-
PAGPILI NG MABUBUTING LIDER SA RP: Dapat matuwa ang mga Pilipino na kahit na sa ngayon pa lamang ay may mga nagsusumikap ng makapili ng mga lider na tunay na kailangan pagdating ng halalan sa 2016. Sa totoo lang, kung nais natin ang makabuluhang pagbabago sa Pilipinas, dapat nating piliin ang mga mabubuting lider at sila ang ating iluluklok.
Kaya, dapat sabihan ng “salamat” ang Rappler, isang online news agency, at ang kanyang mga partners mula sa Building an Inclusive Democracy Consortium, isang samahan ng mga nagmula sa De La Salle University College of Liberal Arts, Asian Institute of Management RN Policy Center, Ateneo de Manila School of Government, at sa University of the Philippines National College of Public Administration.
Sigurado akong sa talakayan nila noong Mayo 12, 2015 sa Natividad de Fajardo Auditorium sa La Salle na tinampukan ng mga magagaling na tagapagsalita gaya nina dating Economic Planning Secretary Solita Monsod, Akbayan Party List Rep. Walden Bello, UP Prof. Leonor Briones at Maria Ressa, Rappler CEO at Executive Editor, lalabas ang mga batayan ng pagpili ng mabubuting lider.
-ooo-
SINO ANG MAHUSAY NA LIDER PARA SA RP? Pero, sa totoo lang, ano nga ba ang panuntunan upang ang isang tao ay maging mabuting lider---o isang lider na makakapag-alis ng matinding kahirapan ng ating mga kababayan, at ng nakakasakal na korapsiyon na laganap na laganap sa pamahalaan at maging sa hanay ng mga mayayaman at maimpuluwensiya na nasa pribadong sektor?
Sigurado akong makakapag-patibay sina Monsod, Bello, Briones at Ressa ng mga katangian at kuwalipikasyon na kailangan para sa isang mahusay na lider pero, di ba totoo na marami ng mga Pilipino sa ngayon ang may mga katangian at kuwalipikasyon upang maging mabuting pinuno, bagamat wala pa rin silang kakayahang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino, at nananatili silang bigo sa pagpapatigil ng korapsiyon sa pampubliko at pribadong sektor?
Kaya ang tanong: ano ba ang kulang pa sa ating mga lider upang maging mahusay sila sa pamumuno, bagamat nasa kanila na ang katangian ng mahusay na pinuno? Kung sa akin lang, nakikita kong kailangan ng mga lider natin sa ngayon ang isa pang katangian, at ito ay ang pagkakaroon ng espirituwalidad, at takot at pagmamahal sa Diyos, kasabay ng kakayahang magbasa at mag-aral at sumunod sa Bibliya.
-ooo-
MAY ESPIRITU NG DIYOS ANG MABUTING LIDER: Ang isang lider na tunay na nagkamit ng aral at disiplina sa Salita ng Diyos sa Bibliya ay pinananahan ng Espiritu ng Diyos. At dahil nasa kanya ang Espiritu ng Diyos, alam niya na ang yaman at karangyaan, lalo na ang nakaw lamang, ay di niya magagamit upang mapanatili niya ang sarili sa daigdig, sapagkat mamamatay din siya isang araw.
Ang lider na pinanahanan ng Espiritu ng Diyos ay nakakaalam na ang tunay na susi sa paglago ng kabuhayan ay ang pagkilala ng tao na magiging mayaman at marangya lamang sila kung alam at sinusunod nila ng totohanan ang mga utos ng Diyos. Ang lider na may Espiritu ng Diyos ay nakakaintindi na walang taong makakatulong sa kanyang kapwa, sapagkat ang tunay na tulong ay mula sa Diyos lamang.
Eto ang lider na dapat nating hinahanap. Di natin kailangan ang matatalino o ang mga popular o ang mga artista, o mga pulis o militar. Di natin kailangan yung mga nagmamahal lamang sa sarili at sa kanilang pamilya. Ang kailangan natin ay mga taong may pagpapakumbaba, at kumikilalang ang Diyos lamang ang kailangan upang mapabuti ang lahat. Ito ang dapat nating mga pinuno!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments