Bise Presidente, walang immunity from suit?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 11, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Maging maawain at mabuti ang pakikitungo ninyo sa isa’t isa, nagpapatawad sa kanya-kanyang mga pagkakasala, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo…” (Efeso 4:32, Bibliya).
-ooo-
MAIIMBESTIGAHAN AT MAUUSIG BA NG OMBUDSMAN SI BINAY? Maaari bang maimbestigahan at usigin ng Ombudsman si Vice President Jejomar Binay para sa isang krimen habang siya ay nakaluklok pa bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa?
Sa ating pag-aaral ng Saligang Batas ng 1987 at ng mga kapasyahan ng Korte Suprema, tila ba lumilitaw na, oo, maaari ngang maibestigahan at usigin si Binay ng Ombudsman para sa mga kasong kriminal. Ang dahilan? Kasi wala namang bahagi ang Saligang Batas na nagbibigay sa Pangalawang Pangulo ng tinatawag na immunity from suit o karapatan upang di mademanda.
Pero, alam din ba ninyo na wala din namang probisyon ang Saligang Batas ng 1987 na nagbibigay ng immunity from suit, o karapatang huwag mademanda, para sa Pangulo ng bansa? Magkaganunman, sa kabila ng kawalan ng ganitong karapatan ng Pangulo mula sa Konstitusyon, mayroon siyang immunity from suit. Kinikilala kasi ng buong daigdig ang karapatang ito, upang di maabala ang mga pinuno ng bansa.
-ooo-
BISE PRESIDENTE, WALANG IMMUNITY? Saan tayo dadalhin ng sitwasyong wala palang bahagi ang Saligang Batas na nagbabawal ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa Bise Presidente? Sa ngayon, ang tila tinutungo ng Korte Suprema sa isyung ito ay maliwanag: payagan ang imbestigasyon at pag-uusig kahit na ng mga opisyales na may immunity from suit, gaya ng pangalawang pangulo, para sa mga krimeng sinasabing ginawa nila.
Ang nakalalamang na pananaw sa hukuman ngayon ay ito: kung ang pagbabawal na masampahan ng kasong kriminal ang mga opisyales na may immunity from suit ay makakapigil sa paglabas ng katotohanan o sa pagkilala sa karapatan ng isang tao, hindi kikilalanin, o palalawagin pa, ng mga hukuman ang immunity.
Ganito ang sinabi ng Korte Suprema sa 2011 case na may pamagat na “Noriel Rodriguez vs. Gloria Macapagal Arroyo”: “Tunay nga, ang masusing pag-aaral ng mga kasalukuyang pananaw sa pagbabawal ng mga kaso laban sa ehekutibo ay magpapakita sa layunin ng mga hukuman na huwag ng palawakin pa ang immunity lalo na kung sasagkaan nito ang paglabas ng katotohanan, o sisirain ang karapatan ng tao.
-ooo-
KATOTOHANAN, MAMAYANI SA IMMUNITY : Sa nasabing kaso, niliwanag ng Korte sa pamamagitan ng noon ay Justice Maria Lourdes Sereno: “Sa kaso noong 1974 na US v. Nixon, inutusan ang noon ay nakaupong si US Prersident Richard Nixon sa pamamagitan ng subpoena na ilabas at dalhin sa hukuman ang mga recording at mga dokumento may kinalaman sa kanyang usapan sa kanyang mga advisers.
“Pitong tagapayo ng Pangulong Nixon ay nahaharap noon sa kasong pagsasabwatan upang pigilan ang katarungan at iba pang kaso (sa kasong nakilala bilang Watergate scandal)… kasama din ang Pangulo sa mga nahabla… at humiling siya na maalis ang subpoena dahil, bilang pangulo, di siya sakop ng mga hukuman, at kailangan muna niyang maimpeach at matanggal bago siya masama sa mga usapin.
“Tinanggihan ng US Supreme Court ang depensang ito. Sabi ng hukuman, kung ang batayan sa hiling ni Nixon ay ang pagiging confidential ng mga bagay na ipinalalabas sa kanya, hindi ito magiging mas mahalaga sa tinatawag na due process of law upang masigurado ang parehas na pagpapatupad ng katarungan…”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments