LP: Grace Poe di pa puwedeng pangulo
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 10, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Sapagkat ang mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos… Kung tayo ay mga anak, kasama tayong tagapagmana---mga tagapagmana ng Diyos, kasama ni Kristo…” (Roma 8:14, 17, Bibliya).
-ooo-
LP: GRACE POE DI PA PUWEDENG TUMAKBONG PANGULO: Gaya ng inaasahan, ang pinaka-pinuno ng Liberal Party sa ngayon, ang Pangulong Aquino, ay nagsusumikap na ng puspusan upang kumbinsihin ang lalong tumatanyag na si Sen. Grace Poe para magkaroon ito ng mahalagang papel sa halalan sa panguluhan sa susunod na taon, sa 2016.
Bagamat tila ba isinisikreto pa kung ano ang papel niyang ito, maliwanag na siya ay patatakbuhing kandidatong bise presidente lamang ng LP, kung saan ang kandidatong pangulo naman ay si Secretary Mar Roxas. Hindi pupuwedeng mabaligtad ito---si Mar ang sigurado ng standard bearer ng LP, at hindi na ito mababago pa ng kahit na tumitinding popularidad ni Grace.
Kausap ko si Rep. Edgar Erice (LP, Caloocan City) sa lamay ng isang kamag-anak noong isang linggo, at kinumpirma niyang kinukumbinse ng LP si Grace na mag-bise presidente na lamang, sapagkat kahit na mas popular na siya ngayon kay Mar, bagito pa lamang naman siya sa pulitika, wala pang karanasan, at wala pang makinarya, na pawang na kay Mar na! Sa madaling sabi, di pa puwedeng maging pangulo si Grace!
-ooo-
GRACE, KANDIDATONG VP LAMANG NG LP: Dagdag pa dito, pinagsasabihan din si Grace na maging sa ibang mga partidong pulitikal na naghahanda na sa 2016 presidential elections, walang tsansa na pasisingitin siya doon upang maging kandidatong pangulo, dahil ang mga partidong ito ay mayroon na ring sariling mga kandidato sa pagka-pangulo.
Ang United Nationalist Alliance, bagamat kalalabas lamang ng kanyang akreditasyon bilang partido sa pulitika, ay sigurado ng isusulong si Vice President Jejomar Binay bilang kandidato. Kung lalaban din ang Nacionalista Party sa panguluhan, pipili ito sa mga kasapi nitong popular na din, gaya nina Sen. Ferdinand Marcos Jr., Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Antonio Trillanes IV, at si dating Sen. Manny Villar.
Ganundin ang sitwasyon sa Nationalist People’s Coalition ng negosyanteng si Eduardo Cojuangco, at maging sa Partido ng Masang Pilipino ni Manila Mayor, at dating Pangulong, Joseph Estrada na kinukumbinsi ng kanyang mga kaalyado sa partido na muling tumakbong pangulo. Dahil diyan, parang binibigyang-pabor pa ng LP si Grace kung ikakandidato siyang running mate ni Mar.
-ooo-
GRACE POE, BATA PA PARANG MAGING PANGULO? Sinasabihan din si Grace na bata pa naman siya---kaya marami pa siyang oras kung nais talaga niyang maging pangulo pagdating ng araw, matapos siyang tanghaling number one senator sa halalan noong 2013. Ngayon, ang pinakamagandang magagawa niya ay magpakahinog muna sa pulitika sa pamamagitan ng pagiging pangalawang pangulo sa susunod na anim na taon.
-ooo-
SINO ANG DAPAT IBOTO SA 2016? Pero, ano ba ang mabuti para sa sambayanan? Kailangan nating lahat, mula ngayon hanggang 2016, na matutong pumili ng mahusay na kandidato. At ito ay ang pinananahanan ng Espiritu ng Diyos, may takot at pag-ibig sa Panginoon. Dapat nating hanapin ang kandidatong ito, sapagkat ang taong may Espiritu ng Diyos ay magiging mahusay na opisyal.
Ang opisyal na may Espiritu ng Diyos ay di magnanakaw, di mandaraya, di magsisinungaling. Gagampanan niya ang kanyang tungkulin ayon sa Salita ng Diyos sa Bibliya. Mamahalin niya ang Diyos higit sa lahat, at di siya gagawa ng anumang ikasasama ng kanyang mga kababayan, sapagkat mamahalin niya sila, gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Ito ang dapat iboto!
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comments