top of page
Search

Malalabanan ba ng Pinoy ang China?

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 8, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Padadalhan kayo ng Panginoon ng isang bansa mula sa malayo…gaya ng agilang bumubulusok, na ang salita ay di ninyo maiintindihan, isang mabalasik na bansa na walang galang sa matatanda at di naaawa sa mga bata. Uubusin nila ang inyong mga alagang hayop at ani sa lupa…wala silang iiwan sa inyo, hanggang sa kayo ay malipol…” (Deuteronomio 28:49-51, Bibliya).

-ooo-

WEST PHILIPPINE SEA, ISA NG CHINA TERRITORY: Gaano mang itanggi ngayon ng gobyernong Aquino, kontrolado na at ginagamit ng pansarili lamang ng China ang Spratlys at ang buong West Philippine Sea (o, gaya ng ito ay kinikilala bago pa man naluluklok si Pangulong Aquino, ang South China Sea). Walang duda, teritoryo na ng China ang West Philippine Sea.

Di lamang naposisyunan na, at ginagamit at kontrolado pa ng China ang mga isla doon at ang mga tubig na nakapaligid sa kalupaan sa lugar. Sa ngayon, inaari pa nito ang kalangitan sa itaas ng mga isla at mga katubigan sa Spratlys. Wala ng bansa o sinupaman ang pupuwedeng makalapit man lamang sa pinaglalabanang teritoryo ng hindi muna nagbibigay-pahintulot ang China.

Paano nangyari ito? Bakit bigla ay nawala na sa atin ang kabuuan ng Spratlys at ang West Philippine Sea? Paanong nagawa ng China na pasukin ang lugar ng wala man lang humahamon sa kanyang karapatang gawin iyon, mula sa Pilipinas at sa iba pang mga bansang nagsasabi ding sila man ay may-ari ng mga nasabing isla at mga tubig sa paligid?

-ooo-

PANANAKOP NG CHINA SA RP MALIWANAG PERO MAY GINAGAWA BA SI PNOY? Ito ay isang maliwanag na paglusob at pananakop. At walang di mag-aakala na ang Pangulong Aquino at ang iba pang mga opisyales ng kanyang administrasyon ay magkukumahog dapat sa paglaban sa pananakop ng China sa ating teritoryo, kahit gamitin pa ang puwersang katulad ng puwersang ginamit din ng China laban sa atin sa Spratlys.

Pero, sa isang nakakabiglang pangyayari, tila ba nakuntento na lamang ang Pangulo at ang kanyang mga opisyales sa pagsasampa ng mga tinatawag na diplomatic protests, o ng mga walang silbing note verbale o pagbatikos na ipinadala sa mga opisyales ng China, o ng paghingi ng tulong sa isang international tribunal na di din naman maipapatupad ang mga desisyon laban sa China.

Bakit ba nangyari ito? May kinalaman ba dito ang katotohanang may dugong Tsino ang marami sa mga matataas na pinuno ng bansa? O, dahil ba ito sa pagkilala ng lahat na sa puntong ito, napaka-makapangyarihan ng China at, gamit ang kanyang yaman, ito na nga ang may kontrol sa ating ekonomiya at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino?

-ooo-

MALALABANAN BA NG PIPOY ANG PAGLUSOB NG CHINA? Tunay na masakit ang lahat ng ito, pero may magagawa ba naman tayong mga katutubong Pilipino? Sa kakayahang militar, o sa paggamit ng puwersa, marahil ay wala! Pero, maliwanag na ang ginagawa ng China sa ngayon ay ibinabala noon pa man, at kung nais nating labanan at talunin ang mga ito, dapat nating pag-aralan ang mga babala.

Sa Deuteronomio 28:49-51 ng Bibliya, ang isang bansang nananampalataya gaya ng Pilipinas ay binigyan ng babala: makinig at sumunod sa mga utos ng Diyos . Kung hindi, padadalhan Niya tayo ng isang bansa mula sa malayo, isang mabagsik na bansa na walang galang sa mga matatanda at walang awa sa mga bata, na siyang lilipol sa atin.

Papaano natin lalabanan ang bansang lulusob sa atin? Mag-umpisa tayo sa muling pakikinig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga utos bilang isang bayan. Bumalik tayo sa sama-samang panalangin at pag-aaral ng Salita sa ating mga pamilya. Sumunod tayong muli sa Diyos. Kung kahit na konting bilang ng mga Pilipino lamang ang gagawa nito, pagpapalain tayong muli, at maibabalik ang ating pagpapala mula sa Diyos!

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page