top of page
Search

Kita sa rematch, dapat ibigay sa charity

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 7, 2015
  • 3 min read

Kita sa rematch, dapat ibigay sa charity

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Lagi kayong magalak, at nagpapatuloy sa panalangin, magpasalamat sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Jesus…” (1 Tesalonica, 5:16-18, Bibliya).

-ooo-

PULIS QC BILANG KIDNAPPERS, EXTORTIONISTS: BALITA BA YUN? Minsan pa, eto na naman ang ating tanong: ano ba ang bago sa balitang may ilang batam-batang mga pulis mula sa Quezon City Police Department ang sinasabing kumilos bilang mga kidnappers at extortionists laban sa isang lalaking kanilang inaresto at ikinulong noong di ito makapagbigay ng lagay na P30,000.00 sa kanila?

Di ba mga pulis din mula sa Quezon City Police Department ang nakuhanan ng litrato habang may kinikidnap at ninanakawan sila, sa ilalim ng sikat ng araw, sa gitna pa mandin ng EDSA, noong isang taon lamang? Di ba ang kanilang mga kasamahan din ang tumangay ng P2 milyon mula sa isang driver na inaresto nila sa La Loma ilang taon na ang nakakarraan?

At di ba sangkot din ang ilan sa kanila sa kidnapping ng dalawang magkapatid habang ang mga ito ay papasok sa kanilang eskuwelahan sa Katipunan Avenue, Quezon City, maraming taon na ang nakakalipas, noong police reporter pa lang ako? Kaya nga, ano ba talaga ang bago sa mga pulis na gumagawa ng krimen? Marahil, kung titigil na sa bisyo at krimen ang mga pulis, yan ang tunay na bago!

-ooo-

DAILY EXPRESS, MAGDIRIWANG NG IKA-43 ANIBERSARYO: Paanyaya para sa mga naging staffers at empleyado ng sarado ng pahayagang Philippines Daily Express: sama po kayo sa pagdiriwang ng kanyang ika-43 taong anibersaryo sa Mayo 09, 2015, ganap na alas 4 ng hapon, sa Aberdeen Hotel sa Quezon Avenue, Quezon City. Mayroon pong sorpresa sa mga dadalo, gaya ng mga mahahalagang bagay na ipapa-raffle.

Bakit kaya ang isang diyaryong isinara noong nag-uumpisa pa lamang bilang pangulo si Cory Aquino noong 1986, at nananatiling nakasara hanggang ngayon, ay nakukuha pang magdiwang ng kanyang taunang anibersaryo sa paglipas ng mga taon?

Di ko po alam kung bakit, pero may hula ako: marahil, umaasa ang mga reporters, editors, at mga empleyado ng nasabing pahayagan na magpatuloy ito bilang isang pagpapa-alaala na ang gobyernong naitatag noon dahil sa pagnanais ng sambayanan na maibalik ang demokrasya sa bansa ay isa palang gobyernong di demokratiko, at sertipikado pang pumapatay ng kalayaan sa pamamahayag.

-ooo-

KITA SA REMATCH, IBIGAY SA CHARITY: Kung maglalaban muli ang Filipino boxing champion na si Manny Pacquiao at ang wala pang talong American boxer na si Floyd Mayweather Jr. isang taon mula ngayon, may interest pa kaya ang mga tao na panoorin ito? Sa aking tingin, di na masyadong marami ang manonood sa rematch na ito ng dalawang boksingero.

Sa pakiramdam kasi ng tao, niloko nina Pacquiao at Mayweather ang lahat ng boxing fans sa buong mundo sa kanilang laban noong Mayo 02, 2015, na tinagurian pa namang “Fight of the Centuy, Battle for Greatness”, lalo na noong isiwalat ni Pacquiao na may pinsala pala ang kanyang kanang balikat na naging dahilan upang di siya makalaban ng husto kay Mayweather noon.

Kaya ito ang aking panukala, upang makabawi naman ang dalawa sa nawalang tiwala ng tao at ng fans, at mailigtas sa pagkawasak ang boksing dahila sa kanilang unang laban: ituloy ang rematch, bayaran ang dalawa sa dapat bayaran, pero, una, wala na dapat bayad ang panonood sa rematch na ito, at ikalawa, dapat nilang ibigay ang kanilang buong kikitain sa charity.

-ooo-

MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page