PNoy, inalis ang oposisyon sa Comelec
May 5, 2015
3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kung sasarhan ko man ang langit upang hindi umulan, o uutusan man ang mga balang sa mga pananim, o pinsalain ng peste ang sambayanan, kung ang akin namang bayan na tinatawag sa aking pangalan ay matututong magpakumbaba at manalangin, hanapin ako, at tatalikdan ang kanilang mga kasalanan, pakikinggan ko sila mula sa langit, patatawarin ko sila, at aalisin ang sumpa sa kanilang mga lupa…” (2 Cronica 7:13-14, Bibliya).
-ooo-
MGA BALANG, LUMUSOB SA PALARONG PAMBANSA 2015: Sumagi na ba sa inyong kaisipan ang paglusob ng libo-libong mga balang sa isang lugar? Tanging sa mga pelikula lamang, wika ninyo? Well, eto po ang isang sorpresa. Noong magbukas ang Palarong Pambansa noong Mayo 04, 2015 sa Davao Del Norte Sports Tourism Complex sa Bgy. Mankilam, Tagum City, nagdatingan ang napakadaming mga balang o insekto.
Ayon sa mga ulat, ginulo ng mga insekto ang complex---mula sa kanyang parking lot, Olympic-sized 50-meter swimming pool, track oval, mga opisina malapit sa grandstand, media center, secretariat, at ang sports office. Agad namang ipinaliwanag ng mga spotrs officials na dumating ang mga balang dahil sa malalakas na ilaw sa complex, upang wala na marahil ang matatakot pa.
-ooo-
PAGLUSOB NG BALANG, MAY MENSAHE: Pero, ang tanong: bakit dumating ang mga balang habang matindi pa ang sikat ng araw, kung saan di pa nakasindi ang mga ilaw? At, oo naman, parang minamaliit ng mga opisyales ang masamang epekto ng mga insekto sa mga atleta, pero, bakit may mga nagkakasakit na dahil sa mabahong amoy ng mga balang, at sa mainit na ihi nila? Ano ba ang nangyayari?
Tinatanong ko ito kasi lumilitaw na may mga bersikulo sa Bibliya na tumatalakay sa mga insekto, balang, at mga kahalintulad na mga maliliit na hayop, bilang parusa ng Diyos sa mga kinamumuhian Niya. Sa Joel 2:25, mababasa doon na ang mga balang at mga insektong gaya nito ay malaking hukbo ng Diyos, na Kanyang ipinapadala upang sirain ang mga pananim. Kung masisira ang mga pananim, di ba kasunod na din ang taggutom?
Tunay nga, may mensahe sa nangyari sa Tagum City, sa pagbubukas ng Palarong Pambansa (isang taunang paligsahan ng mga atleta sa bansa). Ano ang mensahe? Dumarating ang taggutom, na isa sa mga tanda ng kawakasan ng mundo at ng Muling Pagbabalik ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas.
-ooo-
GUSTO NIYONG MAGING PASTOR? TEXT NA! Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit minadali ko at ng aking mga kaibigan ang proyektong Bible study sa radyo at sa Internet, upang mabigyang-pagkakataon ang mga tinawag upang magpahayag ng Salita ng Diyos na matupad ang kanilang pangarap na maglingkod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtuturo sa tao.
Naniniwala kaming nagmamadali na din ang Diyos upang maipahayag ang Kanyang Evangelio, gaya ng sinabi Niya sa Mateo 24:14, sapagkat sa pagpapahayag lamang ng nasabing Evangelio na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas sa lahat ng mga bansa darating ang wakas. Kaya ang lahat ng interesadong maging pastor, email o text po kayo, sa email at numero ko sa ibaba nito.
-ooo-
PNOY, INALIS ANG OPOSISYON SA COMELEC: So, nakumpleto na din sa wakas ang Commission on Elections, ngayong may bago na itong chairman at dalawang bagong commissioners. Kaya lang, napansin ko na ang lahat ng nandodoon ngayon ay malalapit na kaalyado lamang ng gobyernong Aquino, at walang masasabing kinatawan ang oposisyon.
Mas masahol pa ito kaysa sa panahon ng Pangulong Marcos. Naaalaala ko pa, noong namamayagpag pa ang one-man rule sa bansa, minabuti ni Marcos na magtalaga ng isang commissioner upang kumatawan sa mga kalaban niya sa pulitika. Sa kanyang mga batikos kay Marcos, mas kontra pala sa demokrasya itong si Aquino, sa maraming kaparaanan!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-

Comments