top of page
Search

Patay na nga ba si Usman?

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 4, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang mga plano ay naitatatag sa pamamagitan ng paghingi ng payo; kaya kung tutungo kayo sa digmaan, kumuha muna kayo ng paggabay…” (Kawikaan 20:18, Bibliya).

-ooo-

PRO BOXING, KUWARTA-KUWARTA LANG: Pare-pareho ang naramdaman ng sanlibutan: bugok ang labang Mayweather-Pacquiao, na tinagurian pa namang “Battle for Greatness” o “Fight of the Century”. At ang dalawang boksingero ang sinisi dahil dito. Marami ang nagsasabing di talaga lumaban si Floyd Mayweather Jr., kundi tumakbo at yumakap lamang sa kanyang kalaban sa mga kritikal na tagpo ng boksing.

Ganundin, meron ding nagsasabi na di din naman ipinakita ni Manny Pacquiao ang kanyang katapangan. Sa paningin ng marami, nagpati-anod na lamang silang dalawa, kasi kuntento na silang malaking pera na ang darating sa kanila dahil sa laban. Pero, di ba iyon naman ang dapat asahan sa professional boxing? Kuwarta, kuwarta, at kuwarta pa, di ba? Buti na lang di ako pumusta, o nagbayad para manood.

Isang linggo bago ang laban, isinulat ko ang aking pakiramdam ukol sa kalalabasan ng laban. Sa isip ko kasi, parang tsinutsubibo lang ang mga tao, at bagamat sinabing wala ng rematch o iba pang laban silang dalawa, sigurado akong may mga susunod pang laban, dahil nga sa pera. Kelan ba tayo matututo?

-ooo-

PATAY NA NGA BA SI USMAN? Mayroong nakakabagabag sa mga ulat na patay na ang Filipino bombmaker na si Abdul Basit Usman. Patay na nga ba siyang talaga? Yung balita kasing inilabas ng isang malaking diyaryo ay nagbibigay-duda sa katotohanan ng balitang ito. Isipin mo, sa unang talata ng balita nito ukol kay Usman, sinabi na napatay siya sa military operation, o sa plano ng militar.

Pero, sa ikalawang talata ng nasabi ding balita ng nasabing malaking diyaro, sinabi naman doon na “chance encounter” o aksidente lamang kaya napatay si Usman. Tunay nga, may malaking kaibahan ang military operation at chance encounter, di ba? Tunay nga, kung ang tinutukoy ay “military operation”, nangangahulugan ito ng plano, di mabilang na pulong at talakayan, upang siguraduhin ang tagumpay, di ba?

At kung “chance encounter” naman ang pinag-uusapan, ibig sabihin, aksidente lang iyon, di plinano, at walang eksaktong layunin na magaganap ang bakbakan, di ba? Kaya nga ang tawag doon, “aksidenteng pangyayari”, di ba? Kaya, ano ba talaga ang totoo kay Usman? Patay na ba siya? Nasaan ang kanyang katawan? May pinutol ba sa kanya para patotohanang siya nga iyon?

-ooo-

SALAMAT KAY PNOY SA PAGTULONG KAY VELOSO: Mula naman ito kay Atty. Perfecto Yasay Jr., dating chairman ng Securities and Exchange Commission: “Dapat ipinagmamalaki at pinasasalamatan nating lahat sa mahalagang papel ng Pangulong Benigno C. Aquino III upang mabigyan ng pansamantalang pagpipigil ang pagbitay kay Mary Jane Veloso na dapat ay pinatay na noong Abril 29, 2015, kasama ang walong iba pa.

“Ngunit dapat ding aminin ng buong pagpapakumbaba ng Pangulo na ang kanyang mga pagkilos, bagamat napakahalaga, ay bahagi lamang ng iba pang mga pagsusulong mula sa buong mundo. Hindi dapat nababagabag o nasasaktan man lamang ang Pangulo sa mga sali-salitang binalewala at di niya tinulungan ang Filipina death convict.”

-ooo-

NAIS NIYONG MAGING PASTOR? Namangha kami sa mainit na tugon sa aming panawagan sa mga nais maging pastor at mabigyan ng lisensiyang mangaral ng Salita ng Diyos matapos silang makasama sa isang Bible study sa pamamagitan ng radyo at Internet. Kung may iba pang interesadong maging pastor, mag-email o mag-text lamang po kayo ng inyong pangalan at address sa mga numero o email address sa ibaba nito. Pagpalain kayo ng Diyos!

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po kayo sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page