Tsino-Indonesian, tagaligtas ni Veloso?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- May 1, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Gabayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang Diyos na aking Tagapagligtas, at nasa iyo ang aking pag-asa sa buong araw…” (Awit 25:5, Bibliya).
-ooo-
MAYAMANG TSINO-INDONESIAN TAGALIGTAS NI VELOSO? Ano ba itong aking naririnig na isang makapangyarihan negosyanteng Tsino-Indonesian na may malalaking mga negosyo sa Pilipinas ang tunay na nakatulong sa desisyon ng Pangulong Joko Widodo na huwag munang bitayin si Mary Jane Veloso sa pamamagitan ng firing squad?
Ayon sa aking mga importante, ang negosyanteng ito ay isa sa mga pinaka-malalapit na kaibigan at taga-suporta ni Widodo at batay sa kanyang personal na pakiusap sa pangulo ng Indonesia ang kapasyahang huwag isama sa mga bibitayin noong Miyerkules, April 29, 2015. Ngayon, puwede bang pakipaliwanag ng mga nakakaalam, bakit naman ninais ng negosyanteng ito na tulungan si Veloso?
Ginawa ba niya iyon upang ipakita sa mga Pilipino na nais niyang kalingain ang mga ito? Na siya at ang kanyang mga negosyo ay maaasahang tumulong sa bansa at sa sambayanan sa panahon ng kanilang pangangailangan? Na dahil sa kanyang matinding yaman, nasa posisyon siya upang tulungan ang mga taong sumusuporta sa kanyang mga negosyo sa bansa? At bakit nais niyang gawin ito?
-ooo-
PAG-AAGAWAN NG KREDITO, TIGILAN NA: Dapat na ngang tigilan ng lahat ang tinatawag na credit-grabbing o pag-aangkin ng kredito sa pagkakatigil ng firing squad kay Veloso. Sa totoo lang, wala namang iisang tao o grupo lamang ang maaaring magsabi na tanging sila lang ang naging daan upang milagrong mapatigil ang pagbitay sa kanya.
Ang kredito ay dapat ibigay sa Diyos, wala ng iba, sapagkat Siya ang humipo sa puso ni Widodo at iba pang pinuno ng Indonesia upang pigilan ang kamatayan ni Veloso. Tunay nga, maging ang mga nagsumikap kumbinsihin si Widodo hanggang sa mga sandaling dadalhin na si Veloso sa bitayan ay kumilos di lamang batay sa kanilang sariling kapasyahan.
Sigurado akong kinalampag sila ng Diyos upang tumulong kay Veloso, sa Kanyang panahon at sa Kanyang layunin. Walang duda, ang Diyos lamang ang ating Tagapagligtas. Sa Isaias 43:11, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, at maliban sa akin, wala ng ibang tagapagligtas.” Sa Isaias 45:21, sinabi din Niya: “At walang ibang Diyos maliban sa akin, ang matuwid na Diyos at Tagapagligtas…”
-ooo-
VELOSO RECRUITER MA-E- EXTRADITE SA INDONESIA: Mahalagang malaman din natin na may umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Indonesia. Gaya ng alam na natin, pinapayagan ng isang extradition treaty ang isang bansa gaya ng Pilipinas o Indonesia, na hilingin ang pagpapadala sa kanilang bansa ng sinumang tao na akusado ng krimen sa kani-kanilang teritoryo upang litisin at parusahan.
Sa kaso ng sinasabing recruiter ni Veloso, dahil may usap-usapan na itong recruiter na ito ay siyang nagbigay ng suitcase o bag na naglalaman ng ilegal na droga na dinala ni Veloso sa Indonesia at siyang naging dahilan upang siya ay mahuli at masentensiyahan ng kamatayan, maaaring hilingin ng Indonesia na dalhin sa kanila ang nasabing recruiter.
Kung mangyayari ito, maaaring dapat dalhin nga ang recruiter sa Indonesia at doon ay lilitisin ng kanilang mga hukuman. Kung kukumpirmahin ni Veloso na ang recruiter nga ang nagbigay ng bag niya na may lamang droga, mapapalaya si Veloso, pero ang recruiter naman ang haharap sa firing squad.
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
コメント