top of page
Search

AND KNK: namatay na makasalanan, maliligtas pa

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • May 1, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit, kasabay ng malakas na utos sa tinig ng arkanghel at ng trumpeta ng Diyos, at babangon ang mga nangamatay kay Kristo. Matapos iyon, tayong mga nabubuhay pa at naiwan ay dadalhin kasama nila sa ulap, upang makasama ng Panginoon…” (1 Tesalonica 4:16-17, Bibliya).

-ooo-

AUNTIE ZENY, TUMUNGO NA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN: Lubos ang paglukluksa ng aking mga pinsan na mga anak ng aking tiyo at tiya na sina Orville R. Mauricio at Azucena “Zeny” Lahora Mauricio, noong ipahayag nila noong nakaraang araw ang pagpanaw na din ni Auntie Zeny, matapos itong tamaan ng stroke limang araw pagkatapos niyang ipagdiwang ang kanyang ika-85 (at pinakahuling) kaaraawan noong Abril 25, 2015.

Ang isa sa pinaka-malungkot sa mga pinsan kong ito ay si Orlan, isang kasamahang peryodista at beteranong TV reporter, at siyang namamahala sa ngayon ng lingguhang pahayagan ng pamilya sa Malolos City, Bulacan. Tumawag sa akin si Orlan, umiiyak, at nagsasabing tila ba nakakaramdam siya ng takot sa ngayon.

Ang dahilan? Sinabi niya sa akin na siya kasi ang humahawak sa mga kamay ni Uncle Orville at Auntie Zeny noong higitin nila ang kanilang huling hininga, at di niya mapagtanto ang dahilan bakit siya ang natotokahang mangasiwa sa mga huling sandali ng kanilang mga magulang. Ano ba ang masasabi ng isang gaya ko sa kanyang matinding pagdadalamhati at pagkabagabag?

-ooo-

DARANASIN NG LAHAT ANG KAMATAYAN: Kinailangan kong mag-isip ng mabilis upang mapayapa ang kanyang kalooban. At sa paghahanap ko ng masasabi, ang lagi ng sumasagi sa aking isip, na siya kong ibinahagi kay Orlan, ay ang mga nababasa ko sa Bibliya, na siya din naming itinuturo sa Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo.

Maliwanag po ang doktrina ng AND KNK, ang Simbahan ni Jesus sa Malayong Silangan: ang kamatayan ang kapalaran ng lahat sa daigdig. Walang titira sa mundong ito ng walang katapusan. Sa pagdating ng panahon, lahat ng naririto ay lilisan. At ito ang nagpapatunay na hindi ang daigdig ang huling hantungan natin. Ito ay isang pahingahan lamang, kumbaga, patungo sa tunay nating destinasyon.

Ano ba ang tunay na destinasyon ng tao? Sa buhay na walang hanggan. Pero may dalawang buhay na walang hanggan. Ang una ay ang buhay na walang hanggan sa Paraiso, sa langit, sa harap ng Diyos. Ang pangalawa ay ang buhay na walang hanggan sa impiyerno, kung saan ang uod na kakain sa mga naroroon ay di mamamatay, at ang apoy na tutupok at susunog sa kanila ay di matatapos.

-ooo-

AND KNK: PUWEDENG ILIGTAS ANG MGA NAMATAY NA MAKASALANAN: Itinuturo sa atin ng Bibliya na, kahit sa ngayon pa lamang, maitatakda na natin kung aling buhay na walang hanggan tayo tutungo. Kung tatanggapin at sasampalatayaan natin si Jesus bilang ating Diyos at Tagapagligtas, at susunod sa Kanyang mga utos, sa langit tayo tutungo. Kung tatanggihan natin si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, wala tayong ibang tutunguhan kundi impiyerno.

Matapos mamatay ang sinuman, hindi totoo na didiretso na siya agad sa langit, sa harap ng Diyos, o sa impiyerno, kasama ang mga kaaway ng Diyos. Maliwanag sa Bibliya na ang espiritu ng mga namatay na ay makukulong muna (ang tawag ng AND KNK sa lugar na ito ay “kulungan ng mga espiritu”), upang hintayin ang paghuhukom.

Para sa AND KNK, bagamat di na nakakarinig o nakakakilos pa ang mga patay, mapapakinggan naman nila ang Salita ng Diyos. Kaya nga itinuturo ng AND KNK na bagamat namatay na makasalanan ang tao, maaari pa din siyang maligtas, kapag siya ay napapakain ng Salita ng Diyos kahit na siya ay patay na. Itinuturo ba ito ng inyong simbahan sa inyo? Kung hindi, lugi kayo. Tawagan po ninyo kami!

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page