Pacquiao, boksingerong pinili ng Diyos
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 30, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ngunit huwag ninyong kalilimutan ang Panginoon ninyong Diyos, sapagkat Siya ang nagbibigay sa inyo ng kakayahang magtamasa ng yaman, bilang pagtupad Niya sa Kanyang pangako sa inyong mga ninuno…” (Deuteronomio 8:18, Bibliya).
-ooo-
PACQUIAO, BOKSINGERONG PINILI NG DIYOS: Ang kahuli-hulihang press conference para sa “labanan ng siglo” sa Mayo 03, 2015 sa pagitan ng Pilipinong kampeon na si Manny Pacquiao at pambato ng Amerika na si Floyd Mayweather Jr. ay nagpatunay minsan pa na si Pacquiao ay ang boksingerong pinili ng Diyos upang ihayag ang Kanyang Salita sa buong mundo.
Sino naman kasi ang mag-aakala na ang isang briefing para sa media noong Abril 30, 2015 para sa pinakamahalaga at pinakamayamang laban sa boksing sa buong daigdig ay magiging daluyan din pala ng paanyaya sa sangkatauhan na kilalanin ang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang Salita, ang Bibliya?
Wala ng mas mabuti pang kaparaanan upang maipahayag ang Diyos at ang Kanyang Bibliya sa buong mundo kaysa sa ginawa ni Manny, lalo na at isasaalang-alang na ang lahat ng mata sa buong mundo ay nakatutok na sa kanilang laban ni Mayweather. Habang nakikinig ako kay Manny, di ko maiwasang isipin na si Manny ay isa nga sa mga pinili ng Diyos bago pa man lalangin ang sanlibutan upang maging bahagi ng Kanyang gawain sa wakas ng panahon.
-ooo-
PACQUIAO, PINILI BAGO PA LALANGIN ANG MUNDO: Ano ba ang gawain ng Diyos sa wakas ng panahon? Makikita po ito sa Mateo 24:14 kung saan sinabi ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, na ang Kanyang Bibliya at ang Mabuting Balita ukol sa Kanya, ay kailangang maipahayag sa buong mundo bago dumating ang wakas. Ang pagpapahayag na ito ng Kanyang Salita ay ibinibigay ng Diyos sa mga pinili Niya bago pa man lalangin ang sanlibutan.
Sa Juan 15:16, niliwanag doon na ang mga hahayo at mangangaral ng Kanyang Salita ay mga pinili ni Jesus. Hindi ang mga humahayong lalaki at babae, o ang sinupaman, ang pumiling maging mamamahayag sila ng Salita ng Diyos. Ang Diyos ang pumili sa kanila.
Kailan pinili ng Diyos ang mga mangangaral na ito? Maliwanag po ang Efeso 1:4: pinili sila ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang Salita bago pa lalangin ang mundo. Sa Juan 16, ipinangalandakan ni Jesus na ang mga pinili Niya upang ikalat ang Evangelio ay kasama na Niya sa umpisa pa lamang. Mula sa lahat ng ito, maliwanag na si Pacquiao ay isa sa mga pinili ng Diyos.
-ooo-
KAPANGYARIHAN AT TAGUMPAY SA NANINIWALA SA DIYOS: At sigurado akong ang ginagawa ngayon ni Pacquiao ay lalong nagpatibay sa matindi na niyang pagkakahawak sa kaligtasan sa buhay na walang hanggan. Tunay nga, noong tinanggap niya si Jesus bilang Diyos at Tagapagligatas, isinilang si Pacquiao mula sa Diyos, at nabigyan ng kasiguraduhan ng sarili niyang mansiyon sa langit.
Magkaganunman, ang kanyang pagpupumilit na kilalanin ang Diyos at ang Kanyang Salita, ang Bibliya, sa bawat oportunidad na ibinibigay sa kanya, ay nagpatamis lalo sa kanyang kaligtasan. Sapagkat matibay ang sinasabi ni Jesus, sa Lucas 12:8: “sinasabi ko sa inyo, sinuman ang kumilala sa akin sa harap ng tao, kikilanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos…”
Pero, kaakibat ng kaligtasan sa buhay na walang hanggan, ang pagkilala ni Pacquiao kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, at ang kanyang pangangaral ng Salita, ang Bibliya, ay nagbigay sa kanya ng isa pang biyaya: kapangyarihan at katagumpayan sa lahat ng kanyang gagawin, na siyang pangako sa lahat ng makikinig sa Diyos at susunod sa Kanyang mga utos.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comentários