top of page
Search

Pruweba na di tinulungan ni PNoy si Veloso?

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Apr 28, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung naipapatupad ang katarungan, nagdadala ito ng kasiyahan sa mga matuwid, pero pagkatakot ang bigay nito sa mga tiwali…” (Kawikaan 21:15, Bibliya).

-ooo-

PRUWEBA NA DI TINULUNGAN NI PNOY SI VELOSO? BASAHIN PO ITO: Maaaring di ito napansin ni Assistant Foreign Affairs Secrretary Charles Jose, pero noong kapanayamin siya ng isang pang-madaling araw na broadcaster noong Martes, April 28, 2015, lumitaw na nakapagbigay siya ng katibayan na wala talagang ginawa ang gobyernong Aquino at ang mga pinuno nito upang tulungan si Mary Jane Veloso habang ito ay sumasailalim sa paglilitis sa droga sa Indonesia.

Sa mga pahayag ni Jose sa broadcaster sa tinig na tumataginting at dinig sa buong mundo, maliwanag na wala palang pribadong abogadong ibinigay kay Veloso ang gobyerno ni Pangulong Aquino sa mga panahong siya ay nililitis, dahilan upang bigyan na lamang siya ng hukuman sa Indonesia ng isang abogado ng gobyerno upang hawakan ang kanyang kaso.

-ooo-

FREE LEGAL AID LAWYER PARA KAY VELOSO: Ipagpaumanhin po ninyo pero sana ay huwag ninyong ipagkakamali ang sinasabi ko ngayon dito. Hindi po ako kontra sa mga abogado ng gobyerno. Katulad ng halimbawa ng mga sarili nating abogado mula sa Public Attorney’s Office, mahuhusay, mababait, at pursigido, ang mga abogado sa Indonesia sa kanilang pagiging libreng abogado.

Alam ko po, kasi, sa kapahintulutan ng Diyos, nagkaroon po ako ng pagkakataong makilala sila, dahilan na rin sa aking mga gawain bilang pribadong abogado, at noong maging bahagi ako ng public relations team mula sa Rotary International Philippines.

Pero, gaya din ng maraming mga libreng abogado sa buong mundo, ang mga nasa Indonesia ay sigurado ding nakukuba na sa dami ng mga kasong kanilang hinawakan, kaya naman hirap sila sa kanilang mga gawain. Sigurado din ako na ang mga limitasyon sa pagiging abogado ng gobyeno ay nagsisilbing malaking hamon sa mga gawain nila sa kanilang mga kliyente, sinuman ang mga ito.

-ooo-

P100 M OFW LEGAL FUND, NAGAMIT BA KAYVELOSO? Magkaganunman, ang mas malaking sigalot sa mga pagbubunyag ni Jose ay ito: di maitatatwang may P100 milyong taunang budget ang Pilipinas para maipagtanggol ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga kaharap nilang mga kaso, umpisa ng 2015, at P30 milyon, bago ang taong iyon. Nagamit ba ang kahit isang sentimo ng pondong ito para kay Veloso?

Lumilitaw, hindi po, kung paniniwalaan ko si Sen. Nancy Binay na nauna na ding nagbunyag na ginawa pala ng Pangulong Aquino na mas mahirap ang paghingi ng kahit kusing man lamang mula sa P100 million legal defense fund. Ayon kay Binay, nag-utos kasi si Aquino na ilagay ang P100 milyong pondo para sa OFWs sa kontrol ng Department of Budget and Management, sa halip na sa kontrol ng Department of Foreign Affairs, gaya ng dati.

Tila ba maliwanag sa ngayon na kung di lamang inilipat ni Aquino ang kontrol ng P100 milyong pondo para sa mga OFWs mula DFA tungo sa DBM, at kung di lamang hinigpitan nito ang pagpapalabas ng nasabing pondo, nabigyan sana ng mga pribadong abogado si Veloso na umasikaso sa kanya ng husto. Baka kung nagawa natin ito, malaya pa rin sana siya ngayon!

-ooo-

NAWA’Y KASIHAN TAYO NG DIYOS: Pero, talagang ganoon ang ikot ng mundo. Hindi ko maiwasang isipin na tila ba may kumilos sa kaso ni Veloso upang ito ay magamit at maipakita sa lahat na kahit ang mga pinaka-simpleng mga pagbabago ng alituntunin sa gobyerno, na ipinag-uutos ng mga opisyales na ang puso ay wala sa mamamayan kundi sa sarili nilang mga interest, ay maaaring maging mitsa ng buhay ng mga mahihirap at mga maliliit. Nawa’y kasihan tayo ng Diyos!

-ooo-

MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.

-30-


 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Comments


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page