Ted Failon, para sa iyo ito!
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 27, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Nagyuyugyugan ang mga bundok, at nagkalat ang mga bangkay na tulad ng mga basura sa lansangan. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa humuhupa ang kanyang galit, nakataaas pa rin ang kanyang kamay…” (Isaias 5:25,Bibliya).
-ooo-
PAGBITAY KAY VELOSO, INIHULA NG BIBLIYA: Ang nakatakdang pagbitay sa Martes, Abril 28, 2015, sa Indonesia, ng ating kababayang si Mary Jane Veloso batay sa kasong pagpupuslit ng droga ay isa na namang paalaala sa katotohanan ng mga hula sa Bibliya ukol sa mga bansang di na nakikinig sa Diyos at di na sumusunod sa Kanyang mga utos.
Ganito ang sinasabi ng Bibliya sa Deuteronomio 28:15 at 32: kung di na nakikinig ang isang bansa sa Diyos at di na ito sumusunod sa Kanyang mga utos, darating sa mga mamamayan nito ang Kanyang mga sumpa. Isa sa mga sumpang ito ay ang pagpapadala ng kanilang mga anak na lalaki at babae sa ibang mga bansa, gaya ng ating mga overseas Filipino Workers (OFWs), at walang magagawa ang sinuman upang sila ay tulungan sa sandali ng kapahamakan.
Maliwanag po na ang mga sumpa ng Diyos ay di namimili ng tatamaan. Kung ang bansa ay tumalikod na sa Diyos at di na alintana ang Kanyang mga utos sa Bibliya, makakaranas ang mga mamamayan nito ng Kanyang mga sumpa sa maraming kaparaanan, puwera na lamang kung tunay na mananalangin at susunod ang mga tao sa Kanyang Salita.
-ooo-
LINDOL SA NEPAL, NEW ZEALAND: Ipinapalangin ko ang bansang Nepal at ang mga mamamayan nito na ngayon ay nagdurusa dahil sa magnitude 7.9 na lindol na tumama sa dalawang kilalang lungsod doon, ang Kathmandu at Pokhara---mga lugar na kaaya-aya at mabubuti ang mga tao. Ipinapalangin ko din ang pamilya ng dalawa kong kaibigang Nepali, sina Dr. Udip Shrestha, at Engr. Niraj Man Shrestha, mula Kathmandu.
Ganundin, akin ding ipinagdarasal ang mga Rotarians mula sa Kathmandu at Pokhara, lalo na yung mga kasapi ng Rotary Club of Pokhara, partikular sa kanyang Past President Rajendra Ligal at pamilya nito. Si Rajendra ay “classmate president” ko sapagkat sabay kaming naglingkod bilang mga pangulo---ChangeMaker Presidents---ng aming mga Clubs noong Rotary Year 2011-2012.
Mahalagang makita din natin na noong Biyernes, bago tumama ang malakas na lindol sa Nepal noong Sabado, tinamaan din ng matinding pagyanig ang New Zealand, bagamat wala namang masyadong napinsala. Ibinababala ng mga lindol na ito ang mga tanda ng Bibliya, sa Mateo 24, ukol sa wakas ng daigdig, at sa Muling Pagbabalik ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas.
-ooo-
TED FAILON, PARA SA IYO ITO: Ano pa ba ang bago sa demandang libelo laban kay Ted Failon, isang Manila-based broadcaster, ng mga negosyanteng nasa Boracay? Wala talaga, kasi ang libelo ay ginagamit talaga ng mga taong nasasaktan sa mga ibinabalita sa media ukol sa kanila, ke totoo ang mga ito o hindi. Pero, sa totoo lang, inalis na ang libelo sa Pilipinas ng 1987 Constitution.
Paano nangyari iyon? Sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987, ang mga kasunduang pandaigdigang nilagdaan ng Pilipinas ay nagiging bahagi ng mga batas na ipinatutupad sa ating bansa. Ngayon, ang isa sa mga kasunduang nilagdaan ng ating bansa ay ang International Covenant on Political and Civil Rights, na nagsasabing di na isang krimen ang libelo.
Sa utos ng Konstitusyon, kung ganoon, maliwanag na binalewala na ang libelo sa atin, kaya ang remedyo na lamang ng mga nasasaktan sa mga pagbubunyag ng media ay kasong sibil para sa danyos perhuwisiyos. Pero, ang lahat sa Pilipinas ay lumalabag sa Konstitusyon sa pagpupumilit na may libelo pa nga dito. Only in the Philippines lamang ito, di ba Ted?
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comments