PNoy, dapat sisihin sa Veloso firing squad?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 27, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Mayroong mga bumabalintuna sa katarungan at ginagawa itong mapait, at mayroong mga yumuyurak sa katuwiran at inilulugso nila ito sa lupa…” (Amos 5:7, Bibliya).
-ooo-
PNOY, DAPAT SISIHIN SA VELOSO FIRING SQUAD? Kung gagayahin natin ang Pangulong Aquino sa kanyang paninisi sa kanyang mga kaaway sa bawat problemang dumadating sa kanyang administrasyong malapit ng matapos, sigurado akong sisisihin din siya ng Pamilya Binay at ng mga kababayan nating may mga kamag-anak na overseas Filipino workers (OFWs) sa nakatakdang kamatayan ni Mary Joy Veloso sa Indonesia.
Bakit? Kasi, ilang araw lamang bago pumutok sa media ang kaso ni Veloso, ibinunyag ni Sen. Nancy Binay na ipinatigil ng Pangulo ang paggamit ng halos P100 milyong pondo ng gobyerno na nauna ng inilaan bilang legal defense fund, o perang gagamitin upang tulungang ipagtanggol ng mga OFWs ang kanilang mga sarili sa mga kasong kaharap nila sa abroad.
Sinabi ni Binay na naglabas ng veto o pagtanggi si Aquino sa bahagi ng 2015 annual budget na nagbibigay-karapatan sa Department of Foreign Affairs, gaya ng karapatang ibinigay dito sa mga nauna ng taunang budget, upang gastusin sana ng kagawaran ang nasabing legal defense fund. Itinaas pa mandin, sa pamamagitan ni Binay, sa P100 milyon mula sa P30 milyon bago 2015 ang legal defense fund na ito.
-ooo-
PNOY, TUMANGGING DIREKTANG GAMITIN ANG P100 M PARA SA OFWs: Sa halip na malayang magamit ng DFA ang naturang pera para sana sa mga OFWs, na dati namang nangyayari bago ang 2015 budget at bago naging pangulo si Aquino, kailangan na ngayong kumuha muna ng permiso ng Department of Budget and Management (DBM), ayon sa utos ni Aquino mismo, bago mailabas ang kahit na isang sentimo lamang ng pondo para sa OFW.
Malaki ang poblemang dulot nito, sabi ni Binay, lalo na at maliwanag mula sa mga datos ng DFA na sa pagtatapos lamang ng Junio 2014, mayroong halos 6,000 OFWs ang nakakulong sa iba’t ibang bansa, habang naghihintay sila ng paglilitis sa kanilang mga kaso. Walong daan dito ang may kaso ukol sa droga, habang 79 naman ang nahaharap sa parusang kamatayan. Tatlong libo naman ang biktim ng human trafficking.
Sa kabila nito, nakuha pang magpa-diyaryo ni Aquino ukol diumano sa kanyang paghingi ng kapatawaran para kay Veloso mula kay Indonesian President Joko Widodo! Di lamang insulto kay Veloso ang ganitong pagkilos ni Aquino, kundi katunayan pa ito na walang pakialam ang gobyernong Aquino sa mga OFWs bagamat nakikinabang ito sa milyon-milyong dolyares na inire-remit nila sa Pilipinas.
-ooo-
BAKIT PINALITAN NI AQUINO ANG REGLAMENTO SA P100 M PONDO PARA OFWs? Bakit nga ba pinalitan ni Aquino ang mga reglamento sa paggamit ng P100 milyong legal defense fund para sa mga OFWs, mula sa malayang paggastos nito ng DFA upang tulungan ang mga OFWs na may kasong kriminal sa abroad, sa kasalukuyang alituntunin na nililimitahan na ang paggamit nito ng DBM?
Minamaniobra ba ni Aquino at ng kanyang mga kasapakat na di talaga magastos at manatiling buo ang P100 milyong legal defense fund para sa mga di-malamang kadahilanan? Bakit naman di natin nais magamit ang pondong ito ng buong laya upang makaiwas sa kapahamakan ang mga OFWs? Saan ba nais gamitin ni Aquino ang pondong ito?
Ngayong kinakatay na ang mga Pilipino sa ibang lupain para sa mga krimeng di naman nila ginawa o di kaya ay frame up lamang, kung saan di man lang nila naipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil wala silang panggastos sa abogado gayong may pera naman ang gobyerno, milyon-milyon pa, kanino tayo tatakbo upang humingi ng tulong?
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments