Isa pang LGU, dalawa ang mayor?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 21, 2015
- 2 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Sila ay binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at di sila kailanman mapapariwara; walang makakaagaw sa kanila mula sa aking kamay. Ang aking Ama, na Siyang nagbigay sa kanila sa Akin, ay pinakadakila sa lahat; walang makakaagaw sa kanila sa kamay ng aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa’…” (si Jesus, ang Diyos at Tagapagligtas, sa Juan 10:28-30, Bibliya).
-ooo-
ISA PANG LGU, DALAWA ANG MAYOR? Ang kababalaghan ng mga pamahalaang lokal, o mga lungsod at bayan sa bansa, na mayroon dalawang alkalde o mayor ay tumama na rin sa malayong bayan ng Ditsaan-Ramain, sa lalawigan ng Lanao Del sur.
Sa isang motion for clarification na inihain sa Ombudsman noong Biyernes, Abril 17, 2015, nagrereklamo ang Acting Mayor na iniluklok matapos na ang halal na Mayor ay masuspindi. Ayon sa Acting Mayor, sa pamamagitan ng kanyang abogado, muling bumalik na sa kanyang posisyon ang suspendidong mayor bagamat di pa tapos ang kanyang anim na buwang suspensiyon.
Ang acting Mayor na humingi ng paglilinaw sa Ombudsman ay si Vice Mayor Anna Mahlyne A. Macarampat. Kinakatawan siya ni Atty. Maribel G. Alvarez Domado, isang Makati City-based lawyer. Ang Mayor naman na bumalik na sa puwesto ay si Mayor Ali Untao Adiong.
-ooo-
OMBUDSMAN RULING, HININGI: Naririto po ang ilang bahagi ng mosyon ni Domado sa Ombudsman: “… Si Mayor Adiong (ay sinuspindi sa pamamagitan ng kautusang aprubado ni Ombudsman Conchita Carpio Morales noong 13 Oktubre 2014), sa loob ng anim na buwan…
“Bilang siyang Vice Mayor ng bayan, iniluklok si Ms. Macarampat bilang Acting Municipal Mayor noong Disyembre 04, 2014… Noong Abril 13, 2015, sumulat si Mayor Adiong… kay Provincial Director McMillan A. Lucman ng DILG Lanao De Sur na bumalik na siya sa puwesto…
“Niliwanag niya sa kanyang sulat na ang kanyang preventive suspension… noong Oktubre 13, 2014 ay natapos na noong Abril 10, 2015, sapagkat ang pagkakabalam ng imbestigasyon sa kanyang kaso ay di naman dahil sa kanyang kasalanan o kapabayaan…
-ooo-
BAYAN LITO SA DALAWANG MAYOR: “Naglabas naman si Acting Mayor Macarampat ng kanyang Memorandum na may petsang Abril 14, 2015… kung saan sinabi niyang di pa tapos ang kanyang pagiging Acting Mayor at ito ay may bisa pa at nagpapatuloy…
“Ngunit ang mayorya ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ay di kailanman sumuporta kay Vice Mayor Macarampat bilang Acting Mayor, at nagpatuloy sila sa matinding pagsuporta at katapatan kay Mayor Adiong. Kinilala nila ang muling pagbabalik ni Mayor Adiong sa posisyon…
“Ang mga opisyales at mga kawani ng bayan ay maaaring magkakagulo, at malito, kung sino ba ang susundin nila bilang tamang kikilos bilang alkalde ng bayan. Hindi makakilos si Vice Mayor Macarampat bilang Acting Mayor dahil sa ginawa ni Mayor Adiong…”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments