Mass murder ng mga sanggol para sa dole-outs?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 20, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong sakit? Ang haplit ng kamatayan ay kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. Ngunit salamat sa Diyos! Binigyan Niya tayo ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Kristo Jesus…” (1 Corinto 15:55-57, Bibliya).
-ooo-
MASS MURDER NG MGA SANGGOL PARA SA DOLE-OUT? Galit na galit sa gobyernong Aquino si Buhay Party List Rep. Lito Atienza, dating Manila mayor, dahil sa kondisyon ng mga pinuno nito na, upang matuloy na matamasa ng mga mahihirap na Pilipino ang kanilang buwanang allowance mula sa “Pamilyang Pilipino Pantawid Program”, kailangan nilang magpalagay ng isang instrumento sa katawan upang di magbuntis ang mga kababaihan.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Atienza na hihingin niya sa Kamara de Representantes na imbestigahan ang isyung ito ng pagpapalagay ng instrumento kontra pagbubuntis, sa muling pagbabalik ng sesyon ng mga mambabatas sa May 04, 2015. Sa kanyang post, may litrato si Atienza na nakikipag-usap sa mga babaeng nagpo-protesta kontra sa mga instrumento na tinatawag na “implanon”.
Sabi ni Atienza, ang kondisyong ito ay galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamumuno ni Secretary Dinky Soliman, na siyang nagpapatupad ng dole-out program (na tinatawag na 4Ps program) ni Pangulong Aquino. Sangkot din diumano ang Department of Health, at si Secretary Janet Garin. Ito ay malawakang pagpatay sa mga sanggol, kung ako ang inyong tatanungin!
-ooo-
IMBESTIGAHAN NA ANG KORAPSIYON SA HUDIKATURA, O TIGILAN NA ANG USAPAN DITO: Sa akin lang, panahon na talaga upang imbestigahan ang mga akusasyon ng korapsiyon sa hudikatura, lalo na sa Court of Appeals, upang matapos na ang mga sali-salita ukol dito kung wala namang katibayan talaga ng korapsiyon, o upang mailantad na kung sino itong mga tinawag dati ni Manila Mayor Joseph Estrada, noong pangulo pa siya, bilang mga “hoodlums in robes”.
Kasi, kung wala namang ebidensiya ng korapsiyon sa mga hukuman, dapat na tigilan na ang usapan sa mga korap na hukom o justices, sapagkat naaalis lamang ng mga usapang ito ang tiwala ng tao sa sistema ng katarungan sa bansa, at naeengganyo pa silang ilagay na lamang ang batas sa kanilang mga kamay upang tapusin ang kanilang mga suliranin. Nakakapag-engganyo din ito ng kriminalidad sa hanay ng marami.
Kaya sinasabi ko, dapat ng umpisahan at ituloy nina Sen. Aquilino Pimentel III at Sen. Antonio Trillanes IV ang kanilang Senate inquiry sa isyu. Sa totoo lang, makakatulong ang imbestigasyong ito upang alamin kung ano ang mga batas na dapat ipasa upang matigil na ang korapsiyon sa mga hukuman, o kung ano ang mga reglamentong kailangan para mailuklok ang mga mahuhusay lamang.
-ooo-
PARAAN UPANG MAGSALITA ANG MGA ABOGADO: Ganundin, kung nais nating tumulong din talaga ang mga abogado sa pagpapalabas ng mga tiwali sa hukuman, alisin natin sila sa ilalim ng pagbabantay at kontrol ng Korte Suprema gaya ng kalakaran ngayon. Sa akin lang, pabayaan natin ang mga abogado na mismo ang kumontrol sa sarili nila, sa pamamagitan ng kanilang Integrated Bar of the Philippines.
Sa ganitong paraan, makakaasa tayo na magsasalita ang marami sa kanila, at makakaroon ng tapang ilabas ang mga nanghihingi sa kanila ng pera o iba pang pabor, kundi mula sa sangay ng hudikatura ay sa sangay naman ng ehekutibo, lalo na sa prosecution service ng Department of Justice.
Di natin maaasahan ang mga abogadong magsasalita ngayon sapagkat maaaring mangyari, gaya na ng mga nangyari sa mga nakalipas na panahon, na ang kanilang mga binatikos o ibinunyag sa paggawa ng katiwalian ay maaaring makagawa ng masakit na paghihiganti sa kanila, di na lamang sa kanilang mga desisyon kundi lalo na sa pagpapataw ng kaparusahan ng suspensiyon o mas mabigat na parusa.
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comments